Layout Banner By Kervine Tan
Layout Banner By Kervine Tan.

Martsa, protesta, at pag-asa: Ang pinanggalingan ng Pride March sa Pinas


Hindi nagtatapos sa buwan ng Hunyo ang paglaban para sa komunidad ng LGBTQIA+.


By Raphael Ricafort, and Caleb Pedraja | Sunday, 27 August 2023

Kabilang sa ipinagkait sa komunidad ng LGBTQIA+ ang karanasang magmahal nang walang panghuhusga, at maging totoo sa karagatan ng mga taong nakasuot ng maskara. Sa kabila ng hindi matapos-tapos na pagtanggi ng kanilang mga simpleng hiling, hindi ito sapat para matigil ang kanilang walang humpay na nag-aalab na pinangangapitang kinabukasan. 

 

Sa protesta nagmartsa—sa martsa nagprotesta

Ang Pride March ay hindi lamang selebrasyon, ngunit isang protesta. Sa dinami-dami na ng mga pagdiriwang pagsapit ng Hunyo, mararamdaman pa rin ang silakbo ng damdamin ng mga nagsigawan sa itinuturing ng ibang kauna-unahang Pride March sa Pilipinas—ang Stonewall Manila. Ito ang naging produkto ng kilusan ng ProGay Philippines at Metropolitan Community Church (MCC) sa EDSA patungo sa Quezon City Memorial Circle ng Hunyo 26, 1994, ang ika-25 na taon na anibersaryo ng Stonewall Riots sa Estados Unidos.

 

Sa protestang ito, ipinarinig nila ang kanilang pagtututol sa pagkukulang ng gobyerno mula sa proteksyon mula sa diskriminasyong hinaharap ng mga miyembro ng LGBTQIA+, pati na rin sa mga katarungan ng ibang mga sektor ng lipunan. 

 

Ang mga protesta’y nagsimulang tawagin bilang Pride March at dumami na ang mga kalahok nito. Dahil dito, mas lumawak ang naging layunin ng pagsasama-sama ng komunidad. 

 

Ang pagtitipon na ito ay para na rin maipagmalaki ang makulay na kulturang nabuo. Ang “Paper Dolls” ang isa sa mga naunang tanyag na drag group sa bansa na binubuo nila Fanny Serrano, Boots Babushka, Angel Bautista, Mari Boquer, Henri Calayag, Peter Estocado, Benny Gamboa, Klakling, Edcel Reyes, Xaviera Petell, Micky Tanaka, at Biba Varona.

 

Pinamamahalaan ng pamilya Layug, ang mga may-ari ng Cabaret Royale na itinuring bilang isa sa mga pangungahing pinagmulan ng aliwan noong 1970s. Noong panahon nila, ang drag ay hindi pa nakikilala sa titulong ito, ngunit mas nakilala sa tawag na “female impersonators.” Nakakapagbigay aliw sila sa mga manonood nito, at dahil dito, mabilis nakilala sa kanilang sining. Ang “Paper Dolls” ang naging panimula ng pagpapakilala ng mga miyembro ng LGBTQIA+hindi lamang sa entablado pati na rin sa ating mga kababayan.

 

Solidarity ‘96” ang sunod na malaking hakbang para sa komunidad. Nnoong Hunyo 17, 1996, ipinagdiriwang ang pinakaunang Pride March hindi lamang sa loob ng Pilipinas, kundi sa kabuuan ng Timog Silangang Asya. 

 

Dahil sa pamumuno ni Jomar Fleras, ang punong tagapamahala ng ReachOut Aids Foundation, naging posible ang pinakaunang Pride March. Sa isang panayam para sa United Press International, minungkahi din ni Fleras na ang kaganapan na ito ay magiging selebrasyon ng pagtitipon ng mga homosexual na lalaki at babae na umabot sa 5,000 na mga kalahok. Ngunit hindi nila nakalimutang ibahagi sa buong bansa at sa mundo ang kanilang mga samu’t saring kwento ng diskriminasyon sa Pilipinas. 

 

Aniya rin ni Fleras na ang kaganapan na ito ay sumisimbolo bilang pagpapakilala sa bansa ng pag-iral ng mga tomboy sa bansa, dahil sa puntong ito mas natatanggap na ng sangkatauhan ang mga bading kumpara sa kanila. 

 

Samantala, ayon kay Anna Leah Sarabia sa parehong panayam, taga-pangulo ng organisasyon ng mga kababaihang homosexual na nagngangalang Can't Live in the Closet (CLIC), na ang martsa ay may layunin na baguhin ang paningin ng mga Pilipino sa kanilang unang pagkakaintindi ng kasarian ng tao.

 

Buhayin ang banderang bahaghari

Kahit tila moderno na ang panahon ngayon, ang pag-uusap sa ideya patungkol sa komunidad ng LGBTQIA+ ay sensitibo pa rin sa iba—lalo’t dominante ang Katolisismo sa Pilipinas. Ang masama pa rito ay nakaririnig pa rin tayo ng mga biro o insulto tulad ng “Para ka namang bakla!” tila ba pinapahiwatig na kahinaan, kahihiyan, o kakulangan ang pagiging bakla—at alam nating hindi ito totoo. Kung sa kalsada pa nga lamang ay paminsan-minsang may mga matang matatalas kung tumitig sa mga kasama nating miyembro ng LGBTQIA+, paano pa kaya kung sa pagsasabatas ang pag-uusapan?

 

Ang pagsasabatas ng SOGIE Bill ay matagal nang natengga sa Senado. Kung susuriin, ang pinakaunang bersyon ng panukalang-batas na ito ay makikita sa Senate Bill No. 1489 sa ika-13 Kongreso na nilathala ni yumaong Sen. Miriam Defensor-Santiago. Sa sulating ito, nakapokus lamang ang pagpapahalaga sa “sexual orientation” patungkol sa paghahanap ng trabaho at ang pagpapatrabaho ng mga pampubliko or pribadong maypagawa. Magpahanggang ngayon, marami pa ring tumututol sa pagsasabatas ng ngayong SOGIE Equality Bill. Nitong Mayo 2023, pumasa sa House Panel ang nasabing panukala. 

“It’s a matter of debates in Congress, but for many people, it’s a matter of survival,” pahayag ni Bahaghari Chairperson Reyna Valmores sa isang panayam para sa TIME.



Dahil sa pagkilos at paglalakas loob noon, naipagpatuloy ang paglaban para sa ekspresyon ng tunay na sarili. Dumadami na ang mga indibidwal na buong lakas na ipinapahayag kung sino silang tunay. Gawa rin ng kilusang ito, nakararamdam ng kalinga at suporta ang ilan sa mga miyembro ng LGBTQIA+ na hindi matanggap nang bukal sa kalooban ng mga mahal nila sa buhay—nagiging lugar ang kanilang komunidad para sila’y mamuhay nang hindi nagaalala.

 

Mula sa halos 25,000 na taong nakilahok sa Quezon City Pride ng 2022, halos apat na daang porsyento ang itinaas nito ngayong 2023 sa tumataginting na 110,752 na dumayo ngayong 2023, ayon sa Quezon City LGU.

 

Ang matikas na pagsasagawa ng unang Pride March sa Pilipinas ang nagmarka ng patuloy na laban para sa pangkalahatang kalayaan—malayo na ang narating ng pagpaparaya ng mga Pilipino ngunit isang malaking hakbang pa rin para sa tuluyan nitong pagtanggap. Kaya’t huwag natin sabihing kasama natin silang tunay kung tayo rin ang humahadlang sa kanilang malayang pamumuhay.

Last updated: Sunday, 27 August 2023