“Bakit ka nagpipinta? Para kanino? Para sa Diyos, para sa sarili o para sa bayan?” Ito’y mga tanong na tila gumagambala sa mga batang naghahangad maging manunulat o pintor na matikas na nasagot ng mga lokal na pintor sa Homegrown Artist Reception na ginanap sa East Atrium, Shangri-La Plaza noong Peb. 22.
May sari-sariling taglay na karakter ang mga pintor, mga pagkakakilanlan na magandang ipinahayag sa kani-kanilang mga piyesang inilantad na may malalim na pagmamalaki. Habang kapanayam sila ng The Benildean ay tiyak na kapansinpansin ang kanilang mga kumikinang na mata at malakhang tono ng pananalita. Mula sa mga nagdagsaang gawa ng sining ay may talagang humimok sa mga mausisa na mga mata ng mga taga-panayam: mga likha nina Richard Arimado, Darwin Guevarra, Norlie Meimban, Art Lozano, Jun Lumpas, at Patrick Esmao.
Richard Arimado
Ayon kay Arimando, ang pagpipinta ay umiikot lamang sa mahigpit na pagkapit sa pinaniniwalaang pangarap. Ayan ang simpleng tugon sa mga tagapakinayam ng bihasang pintor na nagpipinta na sa mahigit 20 na taon. Sa kanyang piyesang “Sunday Morning,” ipinahayag niya ang kanyang pagkahumaling sa relihiyon at kasaysayan ng bansa. Sa unang tingin, mapapatanong ka kung bakit nakatingala lahat ang mga tao sa piyesa, ngunit prangka ang mensahe nito: “Simple lang, paniniwala sa Diyos,” aniya Arimado.
Ang piyesa ay itinakda sa mga kapanahunan ni Jose Rizal, kung saan ang mga Pinoy at mga dayuhan ay nakatayo sa labas ng simbahan kasama ang mga hayop na nilikha ng mas mataas na nilalang, sama-samang nakatingin sa taas na sumisimbolo sa mahigpit niyang pagkapit sa paniniwalang Kristiyano. Kahit si Arimando ay may pagkaprangka sa kanyang pagpapahayag, mayroon din naman mga pintor na patagong ipinahayag ang kanilang mga mensahe.
Norlie Meimban
Ang mga larawan ng nakaraan ay hindi sapat upang ikwento ang kabuuan ng istorya. Sa nosyon na ito, umiikot ang gawang sining ni Norlie Meimban na nagngangalang “People’s Station.” Maliban sa pagiging pintor, may hilig din si Meimban kumuha ng mga litrato na siyang ginamit bilang batayan para sa iba niyang mga likha.
“People’s activities, ‘yan talaga ‘yung kalimitan kong pinagkukunan ng inspirasyon,” aniya.
Mga taong naglalakad, may sari sariling problema, may sari sariling istorya, mukhang ito ang nais iparating ni ginoong Norlie sa kanyang piyesa. Makikita rin sa kanyang piyesa ang mga nagpatong-patong na imahen ng mga tao, sa ganitong paraan niya ipinahayag kung gaano kadali mawala sa rumaragasang alon ng organismong nakakasalamuha sa araw araw. Mahusay niyang napakita ang nakakasakal na kapaligiran sa mga istasyon ng tren, naging malaking tulong na rin ang kanyang background sa animation noong kolehiyo na makikita sa kanyang proseso ng sining.
Darwin Guevarra
Maraming iba’t ibang obsesyon ang mga pintor na nahahalata sa kani-kanilang mga gawang sining. Sa mga piyesa ni Guevarra, makikita ang malimit niyang paggamit ng gulong at kariton, dahil dito ay sadyang naudyok mag tanong ang The Benildean patungkol sa simbolismo na ito.
Ayon kay Guevarra, ang cart at ang nagtutulak nito, “Cart, kasi dito mo makikita ang pantay na bigayan ng dalawang bahagi sa isang magandang realidad, ‘yung gulong tinutulungan kang gumalaw pero para matulungan ka niya nangangailangan din ng pantay na pagbibigay.”
Malaking bahagi ng kanyang pagkabata ay humarap sa hitanong pamumuhay, kada lipat nila ng tirahan ay laging may kariton at gulong na nakasubaybay sa kanilang bawat paglalakbay, naging malalim ang kanyang pagkahumaling sa mga kariton dahil dito.
“Parang sa kada basura na nilikha ng tao, nagagawa pa rin ng paraan ng Diyos umiral sa kabila ng mga mapanglaw na imahen na ito” aniya.
Kagaya ni Meimban, si Guevarra ay mahilig din kumuha ng litrato bilang batayan sa kanyang mga likhain, kalimitan itong mga imahe ng mga nangangalawang na bahagi ng sasakyan, mga abandonadong kotse na tinutubuan na ng damo at namumulaklak. Isa pa itong konsepto na kinahuhumalingan ng pintor.
Ngunit nilinaw ng bihasang pintor na ang kanyang mga likhain ay hindi nakukulong sa mga “nakakasakal” na nosyon ng relihiyon o pulitika. Tunay nga na ang kanyang personalidad ay parang gulong sa kariton—kariton na siya ang nagtutulak kung saan niya ninanais, tiwalas sa mga konseptong panlipunan, isang malayang kaluluwa.
Art Lozano
Ang pandemya ay naging inspirasyon naman sa mga likha ni Art Lozano, isang pintor mula Mountain Province. Nang nakapanayam siya ng The Benildean, nabanggit niyang mga antigong mga sasakyan ang karaniwan niyang paksa sa kanyang mga sining.
Ang pangmasang dyip naman ang sentro ng kanyang pinta na napapaligiran ng gubat at sari-saring kulay na hindi pangkaraniwan sa mata ng karamihan. Ang dyip ay isang simbolo ng ating pagiging Pinoy—malakas at hindi kumukupas sa takbo ng panahon, maging ang pagiging matatag sa gitna ng pandemya. Ayon din kay Lozano isinalamin niya ang katahamikan na dulot ng pandemya sa gubat na pumapaligid sa dyip, habang ang samut saring kulay na pumapaligid sa gubat ang sumisimbolo sa umaapaw na kultura ng bansa.
Sa takbo ng panahon, napatunayan ng mga Pilipino ang hindi pagkupas ng ating makulay na kultura na muling nagbalik habang humuhupa ang pandemya.
Jun Impas
Mga taong Lumad mula sa timog ng Pilipinas ang tampok sa sining ni Jun Impas, isang moderno at kontemporaryong artista galing sa Cebu. Nabanggit niyang nais niyang “mapakita sa mga tao na kahit nawala na sila sa karamihan, hindi na masyadong nakikita sa syudad. Para sa akin, importante pa rin sila sa lipunan. ‘Yung culture nila kailangan nating i-retain.”
Sinasalamin ito ni Impas sa pamamagitan ng kanyang serye ng pinta na pinamagatan niyang “Sisibow” at “Winnowing.” Ang Sisibow ay nagpapakita ng mga taong naglalaro ng tradisyonal na laro ng mga lumad habang ang Winnowing naman ay nagbabahagi ng mga taong nag-ani ng palay at nagtatahip ng bigas.
Tampok rin sa mga pinta ni Impas ang naaaninag na puting bahid ng pintura na kanyang tatak sa kanyang mga sining. Ayon sa kanya, pag ito ay nakita ng mga tao ay malalaman nilang siya ang nagpinta ng mga ito.
Patrick Esmao
Si Esmao naman ay isang pintor na nagbibigay-diin sa mga istraktura na nakikita sa mga lungsod at syudad. Nang siya ay kapanayamin ng The Benildean sa mensahe ng kanyang sining, nabanggit niyang sentro ng proyektong Homegrown ang kulturang Pilipino.
“Since ‘yung subject na commonly ginagawa ko is cityscape, sabi ko pano ko itatranslate ‘yung structural na ihi-highlight ‘yung Filipino identity na hinihingi nung project. So, naisip ko ‘yung mga barong tsaka bahay kubo.”
Ang bahay kubo ay ang pinaka-karaniwang simbolo ng Pilipino. Ginamitan niya ang mga ito ng kakaibang mga kulay at makikintab na ginto at pilak na hindi nakikita sa totoong mga straktura.
Aniya Esmao, ang ginto at pilak ay kukuha sa atensyon ng mga titingin sa kanyang sining at mapapahaba nito ang interaksyon ng mga tao dahil mayroon siyang kawili-wiling elemento. Kulay abo at muted na mga kulay ang kanyang palaging ginagamit sa pinta ng mga tanawin sa lungsod para ipakita ang polusyon. Subalit, ginamitan niya ng mas matitingkad na kulay ang bahay kubo dahil ito ay naka ayon sa gabi at malayo sa syudad.
Marami at magkakaiba ang nakalap na pananaw mula sa mga lokal na pintor sa Homegrown Artist Reception ukol sa kultura at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Isinalamin nila sa kani-kanilang sining ang kanilang malawak na kaalaman na nakabatay sa kanilang karanasan bilang pintor at Pilipino.
Sari-sariling paghihirap sa mga kani-kanilang gulong ng buhay. Pumipinta ka man para sa sarili, para sa mistulang kinalimutang nakaraan ng bayan, o para sa pag papanalig ng Diyos, ang importante makahanap ka ng layunin na nais mong makamit sa iyong sining.
Sa anumang anyo, mahalagang tandaan na pangalagaan ang ating kultura at pagkakakilanlan.