Sa pamamahala ng administrasyong Duterte, lumantad at umigting ang iba’t ibang pinaninindigan ng mga Pilipino. Umusbong din ang pagkakakilanlan ng mga DDS o “Diehard Duterte Supporters” na ngayo’y tinatanaw bilang kalaban ng karamihan. Subalit sa huli, bahagi pa rin sila ng sambayanang Pilipinong huhubog sa kinabukasan ng bansa.
Sa pangangampanya noong halalang 2016, ang “kakaiba,” “macho,” at “matapang” na presensya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pumukaw sa puso ng ilang mga botante. Kaya naman, hindi naging alintana sa mga DDS ang pagmumura at pagbibitaw ng mahahalay na salita ng kanilang tinaguriang “Tatay Digong.” Ito ay sa kadahilanang tila patuloy silang pabor sa pamamalakad ng pangulo sa kabila ng pananapak nito sa karapatang pantao.
Subalit, simple lamang ang katwiran ng kanyang mga tagasuporta; ang paniniwala nilang kayang linisin ng pangulo ang krimen at puksain ang endemikong katiwalian sa bansa. Samakatuwid, ang kanilang patuloy na pagsuporta ay hindi lamang nakaangkla sa mababaw na dahilan. Bagkus, ito ay sa kadahilanang naniniwala sila na tanging si Duterte lamang ang may kakayahang baguhin ang kasalukuyang lagay ng bansa—kung saan pagod na silang magtiis.
Kaya naman, nang mapakinggan ang mga pangako at pinanggalingan ng pangulo sa kanyang pangangampanya noon, mahigpit ang kapit nila rito.
Kumalat din ang mga trolls na nasasangkot sa mga DDS at sumusuporta sa isang pulitikal na propaganda. Marahil ito ay sanhi ng kanilang pangangailangan sa buhay, bagay na nakabatay sa kung papaano gampanan ng gobyerno ang kanilang tungkulin.
Kasabay ng paglaganap ng fake news mula sa trolls, ang tinatawag na echo chamber kung saan pinapakita lamang sa news feed ng isang tao ang mga pangyayari at palagay na nais nitong malaman at mabasa. Ito ang isa sa mga pangunahing rason kung bakit dapat maging kritikal ang mga tao.
Dahil dito, ang maituturing na progresibong aksyon ng online activism ay hindi sapat upang maarok ang bawat isa na makiisa at gamitin ang boses sa mga suliranin ng bansa.
Hamon at wastong paraan ng panghihimok
Mayroon namang ilan na nakatikom ang bibig o 'di kaya'y sumusunod na lamang sa administrasyon dahil sa takot na masangkot. Marahil ang pinagmulan ng kanilang takot ay ang mga bantang pagkulong at pagpatay ni Duterte sa sinumang magtatangkang “sirain ang bansa,” na kadalasa’y tumutukoy sa mga indibidwal na lantarang tumututol sa kaniyang pamamahala.
Gayunpaman, ang takot at hindi pagkakaunawaan ay hindi dapat maging hadlang upang gamitin ng taumbayan ang kanilang boses—lalo na sa kasalukuyang lagay ng bansa. Upang mapakinggan, nararapat lamang bumuo at magpanatili ang maayos na diskurso.
Kaysa matinag sa mga katagang “Ano ba’ng ambag mo?” o kaya naman, “Bakit hindi na lang ikaw ang maging presidente?” padaluyin ang diskurso sa mapang-usap at kalmadong paraan. Pawang katotohanan lamang ang ilahad at tukuyin kung hanggang saan lamang ang talakayan kung tila ito’y hahantong na sa komprontasyon.
Subalit sa panahon ngayon, karaniwan na sa lipunan na tingnan ang mga DDS na “bobo” at “walang alam” sa halip na unawain ang kanilang pinanggagalingan. Isa ito sa mga dahilan ng kanilang patuloy na pagtanggi sa panawagan ng oposisyon.
Ayon sa blogger na si RJ Nieto o kilala sa kanyang panulat na pangalang “Thinking Pinoy” sa isang tweet, “Calling Duterte supporters stupid then expecting them to support your cause is the stupidest thing you can do (Ang pagtawag sa mga taga-suporta ni Duterte na bobo pagkatapos ay aasahan silang sumuporta sa‘yong panawagan ay ang pinaka-tanga na magagawa mo).”
Ito ay nangangahulugang isang malaking balakid sa makabuluhang diskurso at panghihimok ang paggamit ng mga mapanghamak na salita ng mga tao sa mga DDS dahil lamang sa magkaiba ang kanilang pananaw sa pulitika.
Sa mga talakayan, mahalagang alalahanin na hindi ito lugar upang patunayan lamang na tama ang sarili. Bagkus, ito ay isang pagkakataon upang gabayan ang mga tila naliligaw at itama ang kanilang pagkakamali.
Sa pagbuo ng makabuluhang talakayan ukol sa mga nangyayari ngayon, kailangan pa ring mangatwiran nang may paggalang at tanawin ang isa’t isa bilang kakampi at hindi kalaban. Nararapat lamang tandaan na ang mga DDS ay biktima rin ng sistema; nararanasan din nila ang suliraning dulot ng administrasyon. Bagkus, naniwala lamang sila sa potensyal ni Duterte bilang isang mamumuno, na kaya nitong tuparin ang mga pangakong naiwan ng mga nagdaang administrasyon at lumikha ng mga patakarang may magandang maidudulot sa bansa.
Sa panunungkulan ni Duterte, nagbubuklod ang mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng lipunan upang paigtingin ang mga panawagan ukol sa lagay ng bansa.
Kung sisikapin lamang na unawain ang bawat isa, maiintindihang iisa lamang ang mithiin ng lahat: ang magkaroon ng bansang mapayapa at makatao. Kaya naman, bilang isang taong mulat at may malasakit sa iba, nararapat lamang na maging mapanghamig at hindi mapanghati.
Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 7 Issue No. 2: Restored.