Cover Photo By Danni Lim
Cover Photo By Danni Lim.

Inhustisya sa bansa: Pananamantala sa pandemya


Sa bansang kaliwa’t kanan na ang pananapak sa karapatan, kailan pa tayo kikilos upang tumindig kasama ang mga biktima?


By Stefani Tacugue | Saturday, 12 June 2021

Kasabay ng pandemya, nasilayan ng mga Pilipino ang nabubulok na sistema ng gobyerno. Inilahad ng pagsubok na hindi lamang sa lubhang nakakahawang sakit dapat mabahala ang mga tao, bagkus sa lantarang pagsiil at pambabastos ng mga makapangyarihan laban sa katarungan. Hanggang kailan pa kaya yuyurakan ang karapatan ng bawat tao?

 

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang mga umiiral na isyu sa pamamahala ng administrasyon, na lalong ibinunyag ngayong may krisis. Sa halip na unahin ang epektibong pagresponde sa lumalalang pandemya, pinalakas pa ng gobyerno ang puwersang militar. Nagbigay ng pahayag ang opisyal ng United Nations at nagsabing hindi ito kinakailangan at mapanganib sapagkat itinuturing na “high-risk environments” ang mga kulungan na kung saa’y kanilang inilalagay ang mga ‘di umano’y sibilyang na hinuhuli ‘pagkat lumalabag sa protokol.

 

Hindi ito ang karapat-dapat na serbisyong natatamasa ng sambayanan, ngunit wari’y ganap na itong araw-araw na pagsubok: ang pakikipaglaban sa kalupitan.

 

Pagpapatahimik sa ugong ng aktibismo

Ang yumaong aktibista na si Zara Alvarez ay nakiisa sa aktibismong panlipunan at nagsilbing paralegal staffer. Siya rin ay tumulong sa United Nations Human Rights Council upang pagtuunan ng pansin ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Bacolod. Tila natakot ang mga nasa likod ng pamamaslang sa maaari niya pang gawin at ibunyag, kung kaya nila ito ginawa. Ngunit ano pa man ang mangyari ay magpapatuloy ang kaniyang nasimulan. Sapagkat ang mga taong naabot ng kaniyang kamay ang magsasakatuparan ng kaniyang hangarin para sa bansang tinubuan.

 

Lumaki sa lugar na kilala ang kahirapan, inihandog ng aktibistang si Reina Nasino ang kaniyang sarili upang itaguyod ang karapatang pantao. Ang layunin niya’y progreso para sa lahat nang walang ibinubukod. Nakipag-ugnayan din siya sa iba’t-ibang non-governmental organizations upang magbigay ng suporta at mga serbisyo, tulad ng medikal na misyon at programang pangkabuhayan para sa komunidad ng Smokey Mountain sa Tondo.

 

Subalit noong 2019, dinakip si Nasino dahil sa ‘di umanong natagpuan na armas sa opisinang kaniyang tinitirhan. Sa pagkakabilanggo lamang nalaman ng aktibista ang kaniyang pagdadalang-tao kung kaya’t nakiusap ito na ‘wag siyang ihiwalay sa bata, ngunit nahulog lamang ito sa nagbibingibingihang mga tainga. Sa kasamaang palad, pumanaw si "Baby River” matapos ang dalawang buwan ng pagkakawalay sa kaniya.

 

Hanggang sa huli, nagmatigas ang mga opisyal ng bilangguan na pagkaitan siya ng karapatan bilang isang ina at bilang isang tao. Isang buwan lamang silang nagkasama ng anak at sa pagpanaw nito, anim na oras lang nakapagpaalam si Nasino.

 

Walang habas na pamamaril at pananakot sa sibilyan

Sa kagustuhang sumunod sa yapak ng amang pulis at makatulong sa pamilya, pumasok si Winston Ragos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at nagsilbi kasama ang ika-31 Infantry Battalion ng hukbo sa Camarines Sur, kung saan madalas na nakikipagsapalaran ang militar laban sa mga gerilya. Subalit ang naturang karanasan ang nagdulot ng pagkakaroon ni Ragos ng post-traumatic stress disorder (PTSD). Nahirapang tustusan ng pamilya ang pagpapagaling ng sundalo dahil sa pagpapatupad ng lockdown kaya napilitan siyang pansamantalang itigil ito–dahilan ng palubha ng kaniyang karamdaman. 

 

Abril 21, 2020, matapos mananghalian kasama ang kaanak, hindi na ito nakauwi dahil sa engkwentro laban sa mga pulis. Ayon sa mga ito, kanilang nakita ang akmang pagkuha nito ng baril sa kaniyang bag. Subalit noong Hunyo 2020, kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagtatanim ng ebidensya laban sa pinaslang na dating sundalo.

 

Sa isa pang kalunos-lunos na pangyayari, inilarawan ni Tasha Delos Santos ang ina na si Sonya Gregorio at kapatid na si Frank Gregorio bilang mapagmahal at maalaga. Noong tanghali ng Disyembre 20, 2020, nauwi sa pagdadalamhati nang kitilin ng pulis na si Jonel Nuezca ang mag-ina sa Paniqui, Tarlac dahil lamang sa ingay na dulot ng boga, isang uri ng kanyon na gawa sa kawayan.

 

Bago pa man ang nasabing pagpatay, sangkot na sa iilang kaso si Nuezca ngunit ang lahat ay kaniyang natakasan. Sa pagpaslang sa mag-inang Gregorio lamang niya natanggap ang parusa ng kanyang mga ginawa.

 

Nawa’y ilang taon man ang lumipas, huwag nating kalimutan ang mga buhay na sinira ng indibidwal na inabuso ang kanilang kapangyarihan. Ang pakikiisa’t pakikipaglaban para sa kapakanan ng iba’y hindi dapat nakaangkla sa estado ng buhay, sapagkat lahat tayo’y karapat-dapat na nakatatamo ng makataong pagtrato.

 

Hindi ito magiging madali; at sa daan ng pakikibaka, maaring mawala ang pag-asa. Ngunit kung tayo’y susuko sa sindak ng kalupitan, hindi natin malilinang ang bansang inaasam.

 

Sa kasagsagan ng krisis, manatili tayong mulat at gamitin ang habag sa ating puso at ‘wag magpaalintana. Bagkus, gawin natin itong lakas upang ipaglaban ang nararapat kasama ang mga nagdurusa’t nahihirapan.

 

Ang artikulong ito ay inilathala din sa magasin na The Benildean: Confined.

 

 

 

Last updated: Saturday, 12 June 2021
Tags: aktibismo