Cover Photo By Gaby Bacani
Cover Photo By Gaby Bacani.

Paskong Pinoy: Mga Putaheng Pampamilya


Hindi lamang ang sikmura ang kayang pasayahin ng pagkain, kundi pati na rin ang puso. Dahil ang pagkain ay nagbibigay-buhay at kasiyahan sa bawat pagsasalo ng mga tao.


By EA Rosana, and Stefani Tacugue | Thursday, 24 December 2020

Taun-taon, labis na pinagsisikapan ng bawat pamilyang Pilipino ang paghahanda tuwing Pasko. Kaya naman, ating sariwain ang tradisyon sa pagdiriwang nito sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa importansya ng mga putaheng kailanma’y hindi dapat nawawala sa’ting mga lamesa. 

Hindi maipagkakaila ang ibayong kaligayahang inihahandog sa bawat tao ng pasko, sapagkat pinupukaw nito ang pag-asa sa ating mga puso. Tuwing Pasko, ating nasisilayan ang mga nagliliwanag na palamuti sa bawat tahanan, nararamdaman ang malamig na simoy ng hangin, at lalong-lalo na ang pagtikim sa mga masasarap at malinamnam na pagkain. Bagama't nabago man ang nakasanayan nating pagdiriwang ng Pasko ngayong taon, maaari pa rin nating damhin ang Paskong Pinoy sa ginhawa ng ating mga tirahan sa pamamagitan ng paghahanda ng mga putahe’t panghimagas na patok kahit kanino.

Naririto ang mga pagkaing makikita at hindi mawawala sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino tuwing Pasko:

Bibingka

Karaniwang makikita ang bibingka na itinitinda sa mga simbahan tuwing Simbang Gabi. Tradisyon na ng mga Pilipino ang pagbili nito tuwing bisperas ng kapaskuhan, dahil tila may kulang kapag wala ito sa hapag. Pinipilahan ito ng marami at kadalasan binibili ito kasama ng puto bumbong, ang kulay lila na isa ring uri ng kakanin. Mainam din itong pasalubong para sa mga mahal sa buhay na hindi nakasama o naiwan sa tahanan matapos ang isang lakad o misa.

Mayroong dalawang klase ng bibingka batay sa lugar kung saan ito niluto: ang bibingkang galapong at bibingkang kanin. Ang bibingkang galapong ay malagkit, mas matamis sa bibingkang kanin, at sa oven hinuhurno. Samantalang ang bibingkang kanin naman ay hindi malagkit at simple lamang ang paggawa. Niluluto ito sa dahon ng saging at pinasisingawan sa uling. Parehas itong nilalagyan ng gatas at itlog, kasama ng pulang asukal para ito ay maging matamis. Kapag ito ay nahurno na, maari itong lagyan ng sahog sa ibabaw tulad ng ginadgad na keso, maalat na itlog, at niyog.

Iisa lamang ito sa mga panghimagas ng bansa na sa lahat ng pagkakatao’y ating maipagmamalaki dahil maliban sa ito’y sariling atin, langkap nito ang galak at ngiti sa bawat taong nakatatanggap nito. Hindi rin ito ginagawa ng basta-basta lamang, ‘pagkat iniluluto ito ng mga Pilipino nang may halong dedikasyon at pagmamahal.

Spaghetti

Kilala man bilang isang pangunahing putahe sa Italya, natuklasan pa rin ng mga Pilipino ang ekslusibong estilo ng pagluluto nito. Kalaunan, dahil sa hilig ng mga Pilipino sa pamahiin, iniugnay ang spaghetti bilang putaheng pampahaba ng buhay dahil sa hilatsa ng pasta na pangunahing sangkap nito. Kaya naman, tuwing handaan o maging ano man ang okasyon, matatanaw ang pagkaing ito sa malalaking lalagyan na agad pinipilahan at pinupuntahan ng mga bisita; mapa-bata man o matanda ay nasasabik sa pagkaing ito. Tila isa na itong palatandaan na kapag iyong nakita, alam mo nang may nagaganap na handaan.

Pinaniniwalaang ipinakilala ng mga Amerikano ang spaghetti sa mga Pilipino noong kanilang panahon sa bansa. Samantalang noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang tinaguriang war heroine at food technologist na si Maria Orosa ay gumawa ng ibang pang alternatibo sa sarsa gamit ang saging. Simula noon, naging pangkaraniwan na ang paggamit nito sa Spaghetti.

Madalas na sinasabi ng mga dayuhan na masiyadong matamis ang bersyon natin sa pagkaing ito. Ngunit, ang mahalaga’y akmang-akma ito sa’ting panlasa na kung saan ating nararamdaman ang alaala na iniiwan nito sa bawat pagtitipon at salu-salong ating napupuntahan. Kahit sino naman yata sa’tin hindi makakalimot sa ekspresyong, “Ay wow Spaghetti! Sino may birthday? Anong mayroon?” sa tuwing makikitang inihahanda o iniluluto ito. Wari nga namang likas na sa putaheng magbigay-sigla at gawing espesyal ang bawat pagkakataon.

Lumpiang Shanghai

Kurot dito, nakaw doon! Tila hindi kumpleto ang handaan kapag wala ang mainit at malutong na lumpiang shanghai. Pangkaraniwang kapares nito ang spaghetti o kaya naman ay kanin na may sarsa bilang sawsawan. 

Ayon na rin sa pangalan nito, ang lumpiang shanghai ay hango sa impluwensiya ng mga putaheng Tsino ngunit ito ay nagmula pa rin sa Pilipinas. Magkakaiba ang sahog at uri ng balot na ginagamit sa lumpia depende sa lugar na pinagmulan, ngunit ang pinakasimple ay ang lumpiang may balot na gawa sa harina at palaman na giniling na baboy, karot, bawang, at sibuyas. Sa dami ng klase ng lumpia sa bansa, kakaiba ang lumpiang shanghai dahil ito ang pinakaswak sa handaan bilang appetizer o pampagana sa mga bisita. Karaniwan din itong inuulam kasama ng kanin o pansit, at paboritong papakin gamit ang kamay habang isinasawsaw sa sweet and sour sauce.

Mabilis maubos ito dahil patok ‘to sa mga bisita, at siguradong magkakaunahan pa dahil hindi nakakasawa ang sarap. Uy, isang piraso na lang, nagkakahiyaan pa!

Hamon De Bola

“Uy, may ham sila! Sosyal!” Bagama’t hindi ganun kaabot kaya ang hamon sa badyet ng pamilyang Pilipino, ano ang Paskong walang hamon? Ang makintab at makinis nitong balat, naglalabang tamis-alat, at ang paniniwalang maswerte sa darating na bagong taon ang mga bilog na handa, ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit hamonado ang kinikilalang ‘star’ o bida sa hapag tuwing Pasko!

Mula man sa impluwensiyang Tsino o sa kulturang pagano na maaring pinagmulan rin ng nakagawian ng mga Kristiyano tuwing Pasko, naipasa sa napakaraming henerasyon ang paghahanda ng karne hanggang sa mapunta ito sa ating mga hapag ng Noche Buena. Bukod sa kumplikado o matrabaho itong lutuin, mamahalin ang mga sangkap nito na para lamang sa napakaespesyal na mga okasyon. 

Bukod sa pre-processed ham na mabibili sa mga supermarket, ang hamon na lutong bahay ay maaring gawa sa laman ng baboy na pinakuluan sa pineapple juice at saka iihawin sa oven

Aminin niyo, ham at pandesal din ang almusal niyo pagkatapos ng pasko, ano?

Litsong Baboy

Ang litson ngayon ay paksiw ng bukas.

Karaniwang inihahanda tuwing may mga espesyal na pagdiriwang, ang litsong baboy ay ang pinaka-inaabangan ng bawat Pilipino sa hapag tuwing may okasyon. Dahil mahal ang isang buong litson, inihahanda lamang ito tuwing may blowout o malaking pagtitipon.

Ang salitang “litson” o “lechon” ay nanggaling sa Espanyol na terminong “leche,” na ibig sabihin ay gatas. Ito ay dahil noon, maliliit na mga baboy na dumedede pa sa mga inahin ang ginagamit sa putaheng ito. Ngunit nang lumaon ay mas pinili nang gamitin ang mga ganap nang baboy. Ngayon, ang litson ay pinapalamanan ng samu’t-saring herbs at spices habang iniihaw nang matagal sa uling.

Ang makunat na balat, malambot na laman, masamyong amoy, kasama ang diwa ng pagtitipon ng pamilya ay tunay na nagbibigay ng karagdagang puntos para sa litsong baboy.

Handa ka na bang kumain ng tirang litson hanggang bagong taon?

Honorable Mentions:

  • Crispy Pata
  • May napakalutong na balat, malinamnam na laman, at bagay sa anumang sawsawan ano pa nga ba’t Crispy Pata ‘yan! Bago makilala bilang pambansang pulutan ng mga tito at barkada, natuklasan ni Ginoong Rodolfo Ongpauco ang sarap ng malutong at manipis na balat pati na ang malagkit at malinamnam na taba nito. Mas mura, madaling lutuin, at tunay na tatak Pinoy! O, kurot na!

  • Fruit Salad
  • Ano man ang sangkap ng fruit salad natin sa bahay, tiyak na ito ang patok na panghimagas ng Pinoy tuwing kapaskuhan. Buko? Check! Keso? Check! Nata de coco? Hay, ang sarap! Ramdam na ramdam natin ang lamig ng simoy ng pasko lalo pa kung ihahain ang nagyeyelong fruit salad pagkatapos ng naguumapaw na handa sa Noche Buena.

  • Leche Flan
  • Hindi ka pa nakuntento sa fruit salad? Huwag mag-alala! Tiyak na naghahanda si nanay ng leche flan tuwing Pasko dahil ito ang pinakamasarap na all-around panghimagas! Tila natutunaw sa dila ang malambot at makremang leche flan na pwedeng ipares sa iba pang pagkain sa Pasko tulad ng puto bumbong at bibingka. Hindi ba’t paisa-isa nga lang kung ihain ito ni nanay dahil pinag-aagawan ng lahat sa sobrang sarap?

Siguradong natakam ka sa lahat ng mga putaheng ito, at hindi ka na makapaghintay sa pagdating ng Pasko! Pakatandaan na higit sa malinamnam na pagkain at ligayang hatid ng kwentuhan sa hapag kainan, walang mas sasarap pa sa pagsasama ng pamilyang busog sa pagmamahal at pag-unawa sa pagsapit ng kapaskuhan.

 

Maligayang Pasko sa lahat at kainan na!

Last updated: Monday, 28 December 2020