Ang 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na And The Breadwinner Is... ay nagpasilip ng isang bagong mukha mula sa tinaguriang "Unkabogable Star" na si Vice Ganda. Kaniyang pinatunayan na mayroon pa siyang husay higit pa sa pagpapatawa. Sa pagtalakay sa mga isyung malapit sa puso ng mga Pilipino, matagumpay ba ang kaniyang paghatid ng isang makabuluhang mensahe at malalim na pagganap?
Pagkatapos makatanggap ng Gender Sensitivity Award at Special Jury Citation (Vice Ganda) sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal, maaari bang ito ang simula ng isang bagong yugto para sa mga susunod niyang mga proyekto?
Nakakaantig ng puso ang "Unkabogable Star" sa kaniyang pagbalik pelikula sa And The Breadwinner Is…, isang palabas na tumatalakay sa mga sakripisyo ng mga Overseas Filipino Worker (OFW). Lumalayo sa pirma niyang saynete na pagpapatawa, ginagampanan ni Vice Ganda sa pelikulang ito ang papel ni Bambi Salvador, isang dedikadong breadwinner, hinarap niya ang mahirap na realidad ng buhay at ang tunay na halaga ng pagmamahal sa pamilya.
Iba’t ibang tema at suliranin ang tinalakay sa pelikula na may sari-sariling ugat at ang pagkakadugtong nito sa kwento ni Bambi. Higit pa sa lahat, ating tatalakayin kung ito nga ba ay nagwagi higit pa sa mainit na pagtanggap sa box office, o mananatili ba itong makunat sa tabi ng mga kalahok sa pista ng pelikula.
Ang bigat ng pangako sa pamilya
Sa 15 taon na si Bambi ay nagtatrabaho sa Taiwan, isa sa mga pangarap niya ang maipaayos ang kanilang tahanan sa Bulacan. Ipinangako ng kaniyang mga kapatid na kanilang babantayan at susuportahan ang proyektong ito. Sa paglipas ng panahon ay napagdesisyunan ni Bambi na umuwi ng Pilipinas upang magdiwang ng kaniyang karaawan at silipin ang magandang bahay na ipinangako. Sa ‘di inaasahang sitwasyon, luma, magulo, at masikip pa rin na bahay ang kaniyang nadatnan. Dismayado, naglibot-libot nang may lungkot si Bambi sa kanilang bayan kung saan siya’y nadawit sa isang aksidente… o kaya ay akala nila.
Paano bubuhayin ng isang patay ang kaniyang pamilya? Ayon sa life insurance ni Bambi, ito ay sa pamamaraan ng pagiging benepisyaryo ng mga kapatid sa sampung milyong pisong insurance claim na ibibigay sa kanila. Inilalarawan ng pelikula ang desperasyon ng isang pamilya na handang sumugal sa lahat, kahit sa mga delikadong pamamaraan, upang maiahon ang kanilang sarili sa kahirapan.
Sa sitwasyong ipinakita ng pamilyang Salvador, kanilang pinag-iisipan ang pagsasagawa ng pandaraya sa seguro o insurance fraud. Ito ay sumasalamin sa nakakalugmok na mensaheng, “mas mabúbúhay pa ng patay kaysa sa buháy ang naghihirap.” Ito ang malupit na katotohan na hinaharap ng nakararami sa ating lipunan na siyang sentro ng pelikula. Hindi maiiwasang tanungin sa sarili kung ano nga ba tunay nating pakinabang.
Nang sinanla ng nakababatang kapatid ni Bambi na si Biboy (Jhong Hilario) ang kanilang tahanan, napilitan si Bambi na isaalang-alang ang pagsang-ayon sa pagplano ng insurance fraud.
Magiging mahirap para sa sinuman na tanggapin ang panloloko. Paminsan may mga taong sadyang hindi mapalad kahit pa masipag silang magpursige at samantalahin ang mga oportunidad upang makatulong at matustusan ang mga pangangailangan at kagustuhan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ikinuwento ni Biboy ang kaniyang karanasan sa pagkatuto sa isang ahensya ng trabaho upang makapaghanapbuhay sa Dubai. Malungkot din na ibinahagi ni Mayet (Gladys Reyes), ang asawa ni Biboy, ang mga paulit-ulit na pagkabigo sa iba't ibang negosyo na nagpalubog sa kanila. Dahil sa balita ng pagkamatay ni Bambi, napilitang umuwi ng Pilipinas si Baby (Eugene Domingo), ang panganay sa magkakapatid, na mula pa sa Italy. Agad na gumuho ang kaniyang itinatayong imahe ng tagumpay at inamin ang paghihirap na sumalubong pagkatapos niya mabalo.
Nang mabunyag ang kanilang mapanlinlang na plano, ang mga Salvador ay nabalot ng takot sa posibleng paghahabla ng kumpanya. Si Bambi ay naglabas ng kaniyang sama ng loob. Ibinahagi niya ang kaniyang pananabik sa isang pamilya na handang magpakita ng tunay na pagmamahal hindi lamang sa salita kundi pati sa gawa.
Nang malaman ng lahat ang kaniyang lihim na sakit, nagsama-sama sila upang gawing masaya at gumaan ang kaniyang mga natitirang araw. Sa isang madamdaming pamamaalam, si Bambi ay tila lumipad patungo sa langit sakay ng isang eroplano dala ang pagmamahal at alaala ng kaniyang mga mahal sa buhay.
Sa kabuuang dalawang oras nito, ang pelikula ay naghatid ng isang emosyonal na karanasan na puno ng tawanan at iyakan. Matagumpay na itinatag ng unang bahagi ang balangkas ng kwento na nagbigay ng mahalagang konteksto sa mga manonood.
Bagama't bahagyang nalagyan ng tamang timpla ang proyektong ito, ang katatawanan ay nanatili pa ring katangi-tangi at nagdulot ng tunay na pagtawa sa mga manonood. Habang si Bambi Salvador ay binigyang-pugay ang mga naging karakter ni Vice Ganda tulad nina Private Benjamin (The Unkabogable Praybet Benjamin), Girlie Jackstone (Girl, Boy, Bakla, Tomboy), Miss Uzeklovakia (Beauty and The Bestie), at Gandara (Gandarrapiddo! The Revenger Squad).
Unti-unting lumalim ang emosyon ng pelikula sa pangalawang bahagi. Bagamat ang mga subplots katulad ng kinasasangkutan ng papel ni Kokoy De Santos na si Boy Salvador—ang bunsong kapatid—na nililihim ang pagiging bading. Nagkaroon din ng usbungan ng damdamin nina Buneng (Maris Racal), ang nakababatang kapatid ni Bambi, at Tonton (Anthony Jennings), isang ahente ng life insurance. Ang mga pangyayaring ito ay may magagandang konsepto ngunit kinulang sa pagpapaunlad sa mga naratibo ng pelikula. Marahil kung mas kaunti ang bilang ng mga subplots at mas mahusay na maiuugnay ang mga ito sa pangunahing salaysay ng mga paghihirap ng pamilyang Salvador, mas malalim sana ang emosyonal na epekto nito.
Ang pangatlo at huling balangkas ng pelikula ang pinakatumatak sa mga manonood. Ang isang simpleng eksena ng pagtatalo ay nagdulot ng malalim na epekto sa mga manonood, lalo na ang mahabang monologo ni Bambi. Ang paghahambing niya sa sarili bilang isang alkansya na walang tubo ay nagpapakita ng kaniyang pagod at pagkabigo. Ang bawat salitang binitawan niya ay tila tumusok sa puso ng mga nanonood, na nagpapaalala sa atin ng bigat ng responsibilidad na kadalasang inihahagis sa mga haligi ng tahanan.
Ang pelikulang And The Breadwinner Is... ay nagmamarka ng isang mahalagang pagbabago sa karera ni Vice Ganda. Sa pamamagitan ng paglayo sa kaniyang karaniwang slapstick comedy, pinatunayan niya na kaya niyang maghatid ng isang makabagbag-damdaming pagganap. Ang pelikulang ito ay nagpapatunay sa kaniyang kahusayan bilang isang aktor at sa kaniyang kakayahang maantig ang puso ng mga manonood sa mas malalim na antas.
Ang tagumpay ng pelikula ay hindi lamang nakasalalay sa pagtanggap nito sa box office kundi pati na rin sa kakayahan nitong magdulot ng pagkakaugnay sa karanasan ng mga manonood. Tinatalakay nito ang mga makabuluhang isyung panlipunan, tulad ng mga paghihirap ng mga OFW at ang kahalagahan ng pamilya, sa isang nakakaaliw at nakakamanghang paraan.
Sa pamamagitan ng paglalakbay ni Bambi Salvador, naipakikita ng pelikula ang mga sakripisyo na ginagawa ng mga tagapagtaguyod ng kanilang mga pamilya. Ibinabahagi nito ang mga hindi inaasahang hamon na kanilang kinakaharap sa kanilang buhay.
Ang And The Breadwinner is… ay maaaring mapanood sa piling sinehan hanggang Enero 14.