Kabilang sa mga opisyal na kalahok ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pelikulang The Kingdom ni Michael Tuviera ay isang bagong haraya o ideyang naglalarawan sa malayang Pilipinas na tiyak na pasisiglahin ang patriyotismo ng mga manonood. Nagbubukas ito ng mga posibilidad kung mabibigyan ang isang bayan ng kalayaang mamuno sa sarili nitong nasasakupan. Ngunit, nakamit nga ba na maging malaya ang bansa sa pelikulang ito?
Ang The Kingdom ay nakatanggap ng samu’t saring pangaral sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal, kasama na rito ang Second Best Picture, Best Visual Effect (Riot Inc.), Best Production Design (Nestor Abrogena), Best Director (Michael Tuviera), at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award.
Sinusundan ng pelikulang ito ang kwento ng isang kaharian—ang Kaharian ng Kalayaan, na pinamumunuan ni Lakan Makisig (Vic Sotto). Ang lakan ay nahihirapan pumili kung sino sa kanyang mga anak ang magmamana ng trono. Kabilang sa kanyang mga anak ay sina Magat Bagwis (Sid Lucero), ang panganay na walang interes mamuno at may mainit na ulo; Dayang Matimyas (Cristine Reyes), ang matalino at mahusay na prinsesa ngunit may hidwaan sa ama; at Dayang Lualhati (Sue Ramirez), ang paboritong anak ng hari at ang mapagmahal na bunso na nakatakdang ipakasal sa prinsipe ng Thailand.
Sa pamamagitan ng masining at malikhaing pagsasalaysay, itinampok ng pelikula ang kagandahan at kayamanan ng kultura ng Pilipinas na hiwalay sa mga mananakop nito. Ipinagmamalaki ng The Kingdom ang mga tradisyon at paniniwala sa panahon ng pre-kolonyal sa Pilipinas at naglikha ng isang mundo kung saan ito’y nananatili sa kasalukuyang panahon. Ipinakita rin sa pelikula ang Pilipinas na maunlad at may kakayahang bumuo ng sariling sistemang pampulitika, kultura, at pagkakakilanlan habang nananatiling bukas sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa.
Repleksyon ng reyalidad
Kahit isang kathang-isip o naglalaman ng malikhaing ideya ang The Kingdom, ipinakita rito ang iba’t ibang isyu ng lipunan na patuloy na umiiral sa totoong buhay ng mga Pilipino.
Sa Kaharian ng Kalayaan, ang estado ng isang tao sa lipunan ay nakabatay sa bilang ng tinta sa kaniyang katawan. Si Sulo (Piolo Pascual), isang magsasaka, ay walang tattoo sa kanyang katawan. Dahil dito, siya ay itinuturing na isang “tinatwa” o outcast na nakakaranas ng diskriminasyon araw-araw. Isang pangunahing tema ng pelikula ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Maraming mamamayan ang nagpoprotesta para sa pagbabago. Sila’y nagrerebelde sa kaharian dahil hindi sapat ang suporta ng gobyerno sa mga taong nasa laylayan ng lipunan, habang napakamarangya ang pamumuhay ng mga maharlika.
Ipinakita rin sa pelikula ang korapsyon at ang pang-aabuso ng kapangyarihan. May isang eksena kung saan nakipag-ugnayan si Magat Bagwis sa isang dayuhan sa tupada, o sabong, para matukoy ang pagtayo ng isang casino o isang ilegal na negosyo sa bansa. Si Dayang Matimyas ay nakilahok din sa korapsyon sa protesta kung saan may inutusan siyang magtapon ng pulang pintura sa kanya para makuha ang kalooban ng mga mamamayan. Buhat ng kanyang kasakiman, marami rin siyang ginawa na masama upang siguraduhin na siya ang magmamana ng trono.
Si Dayang Matimyas, ang pinakamahusay na pinuno sa magkakapatid, ay hindi naging unang kandidato sa pamumuno dahil siya ay isang babae. Ginamit din si Dayang Lualhati na kinailangang magpakasal sa prinsipe ng Thailand bilang isang pampulitikang agenda lamang upang siguraduhin ang alyansa sa pagitan ng dalawang bansa. Bukod sa mga dayang, karamihan sa mga babae sa pelikula ay mga katulong. Tradisyonal ang mga gender roles sa Kaharian ng Kalayaan at kulang ang representasyon ng kababaihan sa lahat ng antas ng lipunan.
Magkabilaang mundo sa pelikula
Sa lahat ng mga pelikulang nakapasok para sa 2024 MMFF, ang The Kingdom ay ang natatanging obra na may historical genre na nagpakita ng panibagong mundo sa larangan ng sining, politika, at kultura. Bagamat ipinakilala ang konsepto ng pelikula bilang isang pasilip sa “malayang Pilipinas,” nalamangan pa rin ng pagtalakay sa mga isyung pampamilya ang mismong kwento.
Naglalaman man ito ng mga totoong pangyayari o impormasyon galing sa kasaysayan, hindi gaanong pinaunlad nang mas maigi ang pagsalaysay sa itsura ng isang bayan na kailanma’y hindi nasakop ng mga dayuhan. Marahil mas mapapabuti sana ang pag-usbong ng konsepto at kwento ng pelikula kung nilikha ito sa isang maliit na serye.
Gayunpaman, matagumpay na naipalabas nang maayos ang naratibo—mula simula hanggang dulo—ng pelikula. Hindi maikakaila ang magandang pagkakagawa sa mga kwento ng bawat karakter at ugnayan ng bawat isa. Naingat pa nang mas lalo ang salaysay at intensyon ng pelikula dahil sa mahuhusay na pagganap ng mga napiling artista para dito. Kabilang na dito ang mga beterano at magagaling na aktor gaya nina Iza Calzado, Ruby Ruiz, Soliman Cruz, at Cedrick Juan.
Bukod sa makabagong konsepto na ipinamalas ng pelikula, hindi rin maitatanggi ang magarbong produksiyon nito. Buhay na buhay ang kasaysayan at kulturang Pilipino, mula sa mga detalyadong kasuotan ng mga karakter hanggang sa disenyo ng tagpuan sa mga eksena. Sinabayan pa ito ng mga tradisyonal na tugtog kung saan binigyan ng mas damang historical feeling ang pelikula. Kapansin-pansin din ang malaking improvement sa sinematograpiya at sa paggamit ng mga effects na nakatulong sa pagpapaganda ng buong pelikula.
Maging ang kapangyarihan ma’y napasakamay ng isang mamamayan o dayuhan, iisa lamang ang ipinahihiwatig ng pelikulang ito: tao ang nagdidikta sa kapalaran ng kaniyang nasasakupan. Hindi sa pinanggalingan o naging karanasan ang batayan ng magaling na pamumuno, kundi sa determinasyon at mabuting pag-iisip ng mga tao upang makamit ang diwa ng malaya at mapayapang kinabukasan.
Kaya naman, sa pag-usbong ng pelikulang ito, nawa’y maging daan din ito upang higit pang pagsumikapang paunlarin ang mga natatanging tradisyon at paniniwala, at magising ang mga Pilipino upang piliin at gawin ang mabuti.
Maaaring panoorin ang The Kingdom sa mga piling sinehan hanggang Enero 14.