Layout Ni Juliana Polancos
Layout Ni Juliana Polancos.

Green Bones: Kwento ng pag-asa, pagtubos, at pagbangon


Pwede ba tubuan ng kabutihan ang taong nagkasala, at ang batas ba ang nagtatakda kung sino ang mabuti at masama? Subaybayan kung paano muling ipinapalaya ng Green Bones ang pag-asa at hustisya sa loob ng mga rehas ng San Fabian.


By Sofia Agudo, and Jasmin Arsenio | Friday, 10 January 2025

May kasabihan na kapag ang isang tao ay na-cremate at may natagpuang mga berdeng buto sa kanyang abo, ibig sabihin ay naging mabuti ang taong yun. Ngunit maaari ba kayang magkaroon ng berdeng buto ang mga abo ng isang kriminal? 

 

Ang Green Bones ni Zig Dulay ay isa sa sampung opisyal na entry sa ika-50 anibersaryo ng Metro Manila Film Festival (MMFF). Ito’y nagtatampok ng screenplay na isinulat nina Ricky Lee at Anj Atienza mula sa isang story concept ni JC Rubio. Nag-uwi ang pelikula ng anim na gantimpala sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal.

 

Nasungkit ng Green Bones ang karamihan ng mga gantimpala sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal, kabilang ang Best Actor (Dennis Trillo), Best Supporting Actor (Ruru Madrid), Best Screenplay (Lee at Atienza), Best Cinematography (Neil Daza), Best Child Performer (Sienna Stevens), at Best Picture mula sa hanay ng mga pelikulang itinanghal sa film festival ngayong taon.

 

Sinusundan ng Green Bones ang kwento ni Domingo Zamora (Trillo), isang kriminal na kilala sa pagpatay sa kanyang pamangkin at kapatid na babae. Ngunit ngayong nakatalaga na si Domingo para sa parole, tinitiyak ng bagong bantay ng bilangguan na si Xavier Gonzaga (Madrid) na mananatili siya sa likod ng mga rehas anuman ang mangyari—habang patuloy na nagluluksa si Gonzaga sa pagkamatay ng kanyang kapatid na pinatay din ng isang kriminal.

 

“Sino nga ba ang mabuti, at sino ang masama?”

Ang diwa ng Green Bones ay higit pa sa kwento nito, kundi sa kung paano ito naglalarawan at nagbibigay pananaw sa mga panlipunang realidad na makikita sa mga tema nito. Isang pambihirang konsepto sa pelikulang Pilipino ang pagbibigay-pansin sa buhay ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL), ngunit ito ay naglakas-loob na siyasatin ang temang ito upang ipakita kung paano sila tinatanaw at pinakikitunguhan ng lipunan. 

 

Banayad na ipinapakita ng pelikula kung paano nilalahat at hinuhusgahan agad ang mga PDL dahil lamang sa kanilang mga nagawang pagkakamali sa isang punto ng kanilang buhay. Madalas silang ituring ng lipunan na masama hanggang sa kaibuturan at wala nang kakayahang magbago—na para bang lahat sila’y pare-pareho. Ngunit nagawa rin  ipahayag na ang ganitong pangkalahatang paghusga ay hindi lamang mali, kundi nagdudulot din ng kawalan ng pagkakataon para makamit nila ang hustisya at higit sa lahat, ang magbago. 

 

Gayunpaman, inilalantad rin ng pelikula ang mga kawalang-katarungan sa sistema ng hustisya, pagmamalupit ng mga may kapangyarihan sa mga preso, at ang kanilang mga tinatagong pakay sa likod ng kanilang “malinis at mabuting” imahe sa lipunan.

 

Hindi maipagkakaila na nagtagumpay ang Green Bones sa pagbibigay-liwanag sa buhay ng mga PDL sa likod ng rehas, kasabay na rin ang pagbibigay ng sulyap sa kanilang mga saloobin at karanasan. Sa ganitong paraan, pinapaalala ng pelikula na tao rin sila—may kakayahang masaktan, umasa, at magbago. 



FSL bilang tulay ng pagkakaunawaan

Handog rin ng pelikula ang nakakaantig na paggamit ng Filipino Sign Language (FSL) ni Domingo upang maintindihan ang kanyang deaf na pamangkin na si Ruth at para ituro ito sa kanyang mga kapwa PDL sa loob ng San Fabian. 

 

“Sinikap kong aralin ang mundo mo para magka-usap tayo. Para isipin mo na lagi kang may kasama,” ang isa sa mga tanyag na linya ni Domingo na nagpabagabag sa damdamin ng madla.

 

Nagliyab ng talakayan ang pelikulang ito matapos gumamit ng FSL sa istorya dahil binigyang-pugay nito ang Deaf community sa bansa. Ayon sa panayam ng Push TV kay Trillo, kanyang natutunan at sinanay ang sarili na aralin ng maigi ang FSL upang buong puso niyang magampanan ang kanyang karakter na si Domingo. 

 

“Kinailangan niya [Domingo] mag-sign language dahil sa trauma na naramdaman niya…”, dagdag ni Trillo. Ang paggamit ng FSL sa salaysay ay isa sa mga nagpaganda sa pelikula sapagkat kahit kaunti lamang ang mga diyalogo, damang-dama ng madla ang nais ipahiwatig ng mga aktor. Ibinahagi ito hindi lamang bilang isang pamamaraan ng komunikasyon, kundi bilang isang simbolo ng pangako, kaligtasan, at pagmamahal para sa pamilya ni Ruth at pati na rin sa mga PDL.

 

Ang sining ng lente at pagganap

Sa trailer pa lamang ay masisilip na ang kaakit-akit na biswal na sining ng kabuuang produksyon ng Green Bones. Nararapat na ito ang nakakuha ng Best Cinematography Award sapagkat mula pa lamang sa mapanlikhang paggamit ng drones at estilo ng pagkuha ng bawat eksena ay naipakita nito ang simbolismong nakatago—tulad na lamang ng tema ng hustisya at kalayaan na nakakadagdag sa pangkalahatang biswal na apela at estetiko nito.

 

Gayunpaman, hindi lamang sa sinematograpiya masasaksihan ang kahusayan ng pelikulang ito, kundi pati na rin sa matalinong pagpili ng musika at mga sound effects sa bawat eksena na siyang nagdaragdag sa masalimuot na detalye ng kwento. Dahil dito, tila parte na rin ng pelikula ang madla, dahilan upang mananatili silang balisa sa kanilang mga kinauupuan. 

 

Muli namang naibida ang kalidad ng pagganap ng iba pang mga bihasang beteranong aktor tulad nila Iza Calzado, Alessandra De Rossi, Nonie Buencamino, Michael De Mesa, at Ronnie Lazaro. Sinabuhay at tinatak nila sa puso’t isipan ng mga manonood ang masalimuot na karanasan ng kanilang karakter sa bawat linya, luha, at aksyon na kanilang ibinahagi sa harap ng kamera. 

 

Karapat-dapat rin manalo si Trillo bilang pinakamahusay na aktor kasama ng 100,000 cash prize na kanyang natanggap dahil sa kanyang napakagaling na pagganap. Ipinagkaloob niya ito sa mga PDL bilang donasyon upang ipakita ang kanyang pasasalamat sa pagiging inspirasyon ng pelikula.

 

Ang pagkapanalo ng Green Bones sa lahat ng mga parangal na natanggap nito ay nararapat din. Hindi ito tulad ng mga tipikal na pelikulang drama sapagkat malalim ang ipinapahiwatig at maraming mapupulot na aral sa buhay mula sa kwento nito. Pinag-isipan ng mabuti ang bawat aspeto ng pelikula, mula sa balangkas at mga linya hanggang sa pagsasakatuparan nito. 

 

Nagagawa nitong pagnilayin ang mga manonood sa moralidad at mga realidad sa lipunan kahit tapos na nila itong panoorin. Tila isa rin itong panawagan sa mga may kapangyarihan—isang paalala na makinig sa boses ng mga mamamayan at magsagawa ng kinakailangang pagbabago sa sistema.

 

Nakakapukaw ng damdamin ang mga makabuluhang linya ng mga tauhan at nagbibigay ito ng matinding emosyonal na epekto sa mga manonood, na tila ba’t bawat salitang binigkas nila ay direktang tumatagos at nag-iiwan ng marka sa kanilang mga puso. Sa pelikulang ito, makikita na ang bawat tao—anuman ang kanilang nakaraan—ay may kakayahang magbago para sa mga bagay na mahalaga sa kanila at sa ikabubuti ng lahat. 

 

Maaaring panoorin ang Green Bones sa mga piling sinehan hanggang sa Enero 14.