Layout Ni Kamille Castillo
Layout Ni Kamille Castillo.

Elsa Loves You: Ang halaga ng “Isang Himala”


Bayang nabiyayaan ng magandang boses, natuto na bang makinig?


By Aryanna de Borja | Sunday, 12 January 2025

Isang lugar na tila kinalimutan ng panahon—ang bayan ng Cupang. Isang baryo na para bang nababalot ng sumpa: walang ulan, matinding tagtuyot, at isang lipunang labis na nagmimithi ng sanhi ng kanilang dinaranas ng hinagpis. Ngunit totoo nga ba ang sumpa? 

 

Bilang opisyal na kalahok sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF), ang Isang Himala ay isang musical film na nagtataglay ng malalim na temang sumasalamin sa pananampalatayang Pilipino. Ito ay isang adaptasyon ng kilalang obra noong 1982 ng Pambansang Alagad ng Sining Ishmael Bernal—ang Himala, na inspirasyon rin sa  2018 na dulang adaptasyon nito—ang Himala: Isang Musikal.

 

Sa direksyon ni Pepe Diokno at mga salita ni Ricky Lee, ang orihinal na musika ni Vincent de Jesus ay nagbibigay-saliw at nagtataguyog ng sariling pagkakakilanlan sa bagong bersyon ng salaysay na ito.  

 

Bagamat limitado lamang ang mga sinehang nagpalabas ng pelikula, ito naman ay nakahakot ng malaking atensyon mula sa mga manonood at kritiko. Sa katunayan, tumanggap ito ng maraming parangal sa MMFF Gabi ng Parangal, kabilang ang 4th Best Picture Award, Best Supporting Actress (Kakki Teodoro), Best Musical Score (Vincent de Jesus), Special Jury Prize, at Best Original Theme Song para sa kantang "Ang Himala ay Nasa Puso," ng mang-aawit na si Juan Karlos.

 

Ang kwento ay nakatuon kay Elsa (Aicelle Santos) na nakasaksi umano ng isang Marian Apparition, o ang sinasabing pagpapakita ng imahen ng birheng Maria, sa maliit na burol ng kanilang baryo noong eklipse. Inilarawan niya ang birhen bilang isang maliwanag na nilalang na, binibihisan ng araw na nag-utos kay Elsa na palapitin, sa kanya ang may mga sugat o sakit sa katawan at kaluluwa upang magpagamot. 

 

Ngunit, sa simula pa lamang ay maraming nagduda sa kanyang karanasan. 

 

“Elsa loves you”

Ang isa sa mga naging tanyag na linya sa obra ay ang nakapaskil na trapal na “Elsa loves you,” sa burol na kung saan ginanap ang aparisyon. Nagsimula ang pelikula sa sumpa ng bayan ng Cupang, kung saan umiikot ang kwento. Ngunit ang tunay na sumpa ay hindi sa bayang ito kundi sa pagkahilig ng mga tao sa paghanap ng mga kasagutan sa mga bagay na walang pag-aalinlangan.

 

Dahil sa desperasyon, naghahangad sila ng himala upang mailigtas ang kanilang isinumpang buhay, habang sinisisi ang kanilang kamalasan sa mga sinasabing sumpa.

 

Si Elsa ay naging simbolo ng kaligtasan mula sa kamalasan. Gayunpaman, sa kabila ng kanyang pagpapakita ng mga “himala,” ipinakita ng pelikula na siya mismo ay naging biktima ng kanyang sariling karanasan. Mula sa isang simpleng babae na may misyon, siya ay nauwi sa pagiging isang negosyante ng relihiyon. Sa labis na pagtangging harapin ang katotohanan, sila ay naligaw ng landas.

 

Nang magpatuloy si Elsa at ang isa sa mga tagasunod at matalik na kaibigan niya na si Chayong (Neomi Gonzales), sa kanilang pananampalataya, napagtanto nilang hindi kayang takpan ng mga himala ang katotohanan. 

 

Isang mahalagang eksena sa pelikula ay ang pag-uusap nina Elsa at Nimia (Kakki Teodoro).

 

“Pareho lang tayong nagpuputa. Ako, nagbebenta ng katawan; ikaw, ng himala.” Si Elsa, sa kabila ng kanyang taos-pusong hangaring magbigay ng pag-asa, ay naging sentro ng mala-negosyong pananampalataya. Unti-unti, nagiging kalakal ang kanyang mga “himala,” na ginagamit ng mga naghahangad ng kita—mula sa mga turista, mamamahayag, hanggang sa mga lokal na gaya ni Mrs. Alba (Sweet Tiongson).

 

Si Nimia ang dating kaibigan ni Elsa na nagbalik sa Cupang bilang performer at may-ari ng cabaret, ay naging malinaw na kahalintulad sa buhay ni Elsa. Habang si Nimia ay tahasang nagbebenta ng panlamang aliw, si Elsa naman ay nagiging bukal ng “espirituwal na aliw.” Pareho silang biktima ng pananamantala na ginagamit ng lipunan na naghahanap ng panandaliang ginhawa sa gitna ng habambuhay na pagdurusa.

 

Himala sa panahon ngayon

Kahit higit apat na dekada na ang lumipas mula nang ipalabas sa mga takilya ang Himala ni Bernal, ang tema ng adaptasyon ni Diokno ay may kaugnayan pa rin sa kasalukuyang panahon. Kabilang na rin sa nagbibigay ng buhay sa naturang klasiko ng pelikulang Pilipino ang mahuhusay na pagganap ng mga bituin ng teatrong gumaganap dito. Hindi rin magpapahuli ang kahusayan ng mga aktor sa pag-awit. Ipinamamalas ang emosyon ng mga tauhan sa pamamagitan ng musikal, na nagsasaad na para bang naging parte ang madla ng entablado. 

 

Dagdag pa rito, ang pelikula ay nagbukas ng pinto upang ang mga thespians o aktor pang-teatro ay maging parte sa larangan ng mainstream na pelikulang Pilipino. Dahil sa mga ito, ang panibagong adaptasyon ay nagbigay ng panibagong dimensyon sa istorya.

 

Ngunit, matapos maisalaysay ang pelikula, hindi maiiwasan mabuo ang mga katanungan ngayon: Natuto na ba tayong bumuo ng sarili nating mga himala, sa halip na umasa sa mga puwersang hindi natin kontrolado? Kaya ba nating tanggapin ang mahirap na katotohanan at magtulungan upang makalikha ng pagbabago?

 

Kung tutuusin, ang bayang may boses ay hindi nangangailangan ng himala upang magbago. Ang kailangan lamang ay makinig sa kanilang sariling tinig at gumawa ng aksyon.

 

Ikaw, natuto ka na bang makinig?

 

Ang Isang Himala ay maaari pang panoorin sa piling mga sinehan hanggang Enero 14.

Last updated: Sunday, 12 January 2025