Layout By Hiro Odamaki
Layout By Hiro Odamaki.

Mallari: Ang mga diyos ng gabi


Hanggang ano ang kaya mong suungin upang maisalba ang pinaka-minamahal mo?


By Ryzza Ann Gadiano | Monday, 8 January 2024

Mula sa direksyon at paglikha ni Roderick Cabrido, dala ng “Mallari” ang makabagong diskarte sa pagsasalaysay ng mga totoong pangyayari noong panahon ng mga Espanyol ukol sa naitalang nagiisa at kauna-unahang serial killer sa Pilipinas na si Padre Juan Severino Mallari. Ang kasaysayang puno ng kakulangan at butas ay binigyan ng buhay sa pamamagitan ng kakaibang daloy ng pelikula. 

 

Kabilang ang Mallari sa mga opisyal na kalahok ng 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF) kung saan nakasungkit ito ng samu’t saring parangal noong Disyembre 27, 2023 na kumikilala sa kariktan ng pelikula. Ito’y nakatanggap ng “Best Picture” (3rd Place), “Best Supporting Actor” (JC Santos), “Best Visual Effects” (Gaspar Mangarin), at “Best Musical Score” (Von de Guzman).

 

Ang tatlong mukha at pagkatao

Hango sa mga totoong pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas at dinagdagang elemento, umiikot ang kwento sa tatlong henerasyon ng pamilyang Mallari. Ito ay nagsimula sa buhay nina Jonathan (Piolo Pascual) at ang kanyang kasintahan na si Agnes (Janella Salvador) na ang buhay ay lubhang nanganganib dahil sa nagbabadyang eksenang nakita ni Jonathan sa kanyang panaginip. Naniniwala si Jonathan na ang lunas upang maiwasan at maisalba si Agnes sa kapalarang ito ay mahahanap sa ancestral home nito sa Magalang, Pampanga. Kasama ni Lucas (JC Santos), ay umuwi ito ay nagsalakay ng mga maaaring bakas upang mahanap ang lunas. At habang tumatagal ay unti-unting nalaman at namulat si Jonathan sa kakaibang kasaysayan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng mga naiwang rolyo ng kanyang ninuno na si Johnrey Mallari. 

 

Para sa nag-iisang aktor ay mahirap na tungkulin ang maipamalas ang iba’t ibang personalidad ng tatlong bumibida sa kwento. Ngunit ito ay nabigyan ng hustisya at buhay ni Pascual sa kanyang binibidahan na sina Padre Mallari, isang kura paroko sa Magalang, Pampanga noong 1800s. Sumunod naman ay si Johnrey Mallari, isang peryodista na nabuhay noong 1940 at isa sa mga nagsilbing gabay kay Jonathan gamit ang mga rolyo ng pelikula. Huli naman ay ang kasalukuyang henerasyon ng Mallari na si Jonathan Mallari De Dios, isang doktor na muling binuhay ang nakaraang hindi niya inaasahan.

 

Ang kabuuang daloy ng kwento ay bumabatay sa pumapalikod na intensyon ng tatlong personalidad at ang kani-kanilang aksyon sa bawat panahon. Ang gawa ng isa ay nag-iiwan ng bakas sa mga sumunod na henerasyon ng pamilya. 

 

Reyalidad o moralidad?

Ipinamalas ng pelikula ang iba’t ibang motibo ng mga karakter at ito ay nagtutugma sa isang dahilan; para sa kani-kanilang minamahal sa bawat itinakdang panahon. Ang pagmamahal ng tatlong karakter ay lubusang nangingibabaw dahil sa iba’t ibang sakripisyong ginawa nila para sa kanilang minamahal. Ito ay maihahalintulad sa mga ekstentong kayang gawin ng iba’t ibang indibidwal upang mabuhay ang kanilang mahal sa buhay. Subalit ang aksyong ito ay hindi lamang nalilimitahan sa mga tao. Ito ay maaaring umabot sa pagkabuhay muli ng isang namatayang tradisyon. 

 

Mula noon naging mahalaga ang konteksto ng tradisyon sa isang pamilya dahil ito ay nagsisilbing pagkakakilanlan nila mula sa ibang mga pamilya. Gayunpaman, karamihan ng mga tradisyon ay hindi labis na pinagtutuunan ng kahalagahan kaya habang lumilipas ang panahon ay ito'y unti-unting kumukupas na lamang at nabubuhay sa pamamagitan ng mga kwentong dumadaloy mula sa mga nakatatanda.

 

Ngunit kahit ano man ang maging suliranin upang isagawa ang isang aksyon, may ibang mga pangyayaring pa rin ang kahit kailan ma’y hindi mabibigyan ng katwiran kahit anong intensyon man ang pumapalikod sa rito. Naipamalas nang mahusay ng “Mallari” ang reyalidad sa pagpapasya sa pagitan ng intensyon o moralidad ng isang indibidwal upang magtagumpay sa kanilang plano.

 

Ang madilim ng konsepto at sari-saring eksena ay nagdala ng takot sa mga puso at naging dahilan upang kumapit nang mahigpit sa mga nila ang mga manonood nito. Ito ay tunay na nagpakita ng potensyal muli ng mga Pilipino sa makabagong mga panakot na pelikula na swak sa kaisipan at panlasa ng masa. 

 

Subalit mayroong mga parte ng pelikula kung saan ito ay nagkaroon ng mga eksenang hindi naging ayon sa mga manonood. Ito ang nagkulang sa posibleng pontensyal na maaaring maipamalas lalo ng pelikula. 

 

Nagkaroon ng isang nakakabiglang eksena ukol sa likod ng mga aksyon ng karakter na hindi inaasahan ng mga manonood. Ang tiyak na paglahad nito ay nakapagbigay ng magkahalong damdamin sa mga manonood na nakakapagkwestyon kung ito man ay ang kanilang inaasahan at kung sang-ayon ba sila sa biglaang kadahilanan. Hindi alintana rito, naisingit ang iba’t ibang elemento sa kwento upang mahaluan ito ng kathang-isip. 

 

Isa na rito ang konsepto ng astral projection, isang kuro-kuro na hindi pamilyar masyado sa mga pelikulang gawa sa Pilipinas. Ayon sa pelikula, ito ay isang pangyayari kung saan humihiwalay ang kaluluwa mula sa orihinal na katawan at lumalakbay ito sa ibang oras na pangyayari maging ito man ay sa nakaraan o sa kinabukasan. Maliban pa rito, ito ay nagagatilyo sa pamamagitan ng paghawak ng isang bagay na konektado sa panahon na nais marating ng manlalakbay.

 

Sa kabuuan, ang pelikula ay nakapaglahad ng isang kasaysayang hindi napagbigay ng kaalaman sa karamihan noon. Sa pamamagitan ng paglikha ng isang pelikulang hinaluan ng kathang-isip ay nakapagbigay ng nakakapanibagong karanasan. Tila ay tunay na nakakapanabik ang “Mallari” dahil sa tema at mga ideyang napaghalo upang makalikha ng kakaiba at modernong pamamaraan ng pagsasalaysay ng kwento.

 

Ang “Mallari” ay maaaring mapanood sa mga piling sinehan hanggang sa Enero 14, 2024.