Layout By Eljin Wagan
Layout By Eljin Wagan.

GomBurZa: Muling pagsilang ng nasyonalismo sa pelikulang Pilipino


"Ngayon, ang Filipino ay hindi lang salita. Ito ay isang bayan." — Padre Jose Burgos, GomBurZa (2023)


By Sofia Agudo | Friday, 5 January 2024

Simula elementarya pa lamang, tinuturo na sa mga paaralan ang makasaysayang kwento ng GomBurZa: ang tatlong paring martir na binitay sa pamamagitan ng garrote sa ilalim ng mapang-alipustang pamumuno ng mga Espanyol dahil lamang sa maling paratang na sila ang nasa likod ng pag-aalsa sa Cavite. Ang pelikulang “GomBurZa” ni Pepe Diokno ay isa sa sampung opisyal na entry sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) at nanalo ng kabuuang pitong gantimpala sa 2023 MMFF Gabi ng Parangal.

 

Sinusundan ng pelikulang ito ang kwento ng tatlong pari na sina Fr. Mariano Gomez (Dante Rivero), Fr. Jose Burgos (Cedrick Juan), at Fr. Jacinto Zamora (Enchong Dee) sa kanilang pakikipaglaban para sa pantay na karapatan ng mga kura seglares sa gitna ng pag-usbong ng sekularisasyon at nasyonalismo sa Pilipinas noong panahon ng mga Kastila. Subalit hindi sapat ang mga binabahaging aralin sa Araling Panlipunan upang lubos na maunawaan ang hangarin at kwento ng mga paring ito. Ang GomBurZa ay humihigit pa sa mga natututunan ng mga mag-aaral sa eskuwelahan at nagbibigay ng mas malalim na pagsasalaysay tungkol sa kanilang mga ambag sa pagbuklod ng isang bayan.

 

Ang GomBurZa ang pelikulang nag-uwi ng pinakamaraming gantimpala sa 2023 MMFF Gabi ng Parangal, kasama na rito ang Best Sound, Best Production Design, Best Cinematography, Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, Best Director, Best Actor (Cedrick Juan), at Second Best Picture.

 

Ayon sa tagalikhang Jesuit Communications, orihinal nilang inilaan ang GomBurZa upang maging isang pelikula sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Ang mga paghahanda para sa pelikula ay ginawa noon pang 2018, ngunit ang produksyon ay nahinto dahil sa mga hamon na dulot ng kamakailang pandemya noong 2020.

 

Mula sa simbahan hanggang sa lipunan

Hinahati ang pelikula sa apat na bahagi na nagpapakita ng iba't ibang kilusan na humantong sa hindi makatarungang pagbitay sa GomBurZa. Ang pagkamatay ng tatlong martir na pari ay nagsilbing mitsa sa pagliyab ng mga makabayang damdamin ng mga Pilipino upang lumikha ng pagbabago sa lipunan at naging inspirasyon sa paghihimagsik laban sa mga mapang-api na Kastila. Nananatiling makabuluhan sa henerasyon ngayon ang kanilang kwento dahil nauugnay ito sa mga kasalukuyang isyung panlipunan, tulad lamang ng walang katapusang bulok na sistema ng hustisya sa Pilipinas. 

 

Kahit noon pa man, makikita sa paglalahad ng mga pangyayari sa pelikula na matagal nang may diskriminasyon na nakaugat sa lahi at katayuan sa lipunan ng isang tao, gayundin ang pagpabor ng sistema sa mga piling indibidwal. Ang temang ito ay pinaka-angat noong inaresto ang GomBurZa nang walang pormal na proseso at hindi pinakinggan ang kanilang pahayag sa korte kahit wala silang kasalanan. Ang mga aral na mapupulot sa ganitong uri ng pelikula ay nagbibigay ng oportunidad upang matuto ang mga manonood mula sa kasaysayan at naghahandog ng karagdagang kaalaman kung paano maging mga produktibong mamamayan sa pagpapabuti ng kanilang bansa.

 

Ang Bur sa GomBurZa

Itinataguyod ng pelikulang ito ang sentido ng pagkakapantay-pantay, ngunit wala itong pantay na representasyon sa mga pangunahing karakter. Masyadong binigyan ng tuon ang karakter ni Padre Burgos kaya tila’y siya lamang ang bida sa pelikula at hindi silang tatlo bilang mga paring martirbilang GomBurZa. Kahit nararamdaman naman sa ilang bahagi ng pelikula ang presensya nila Padre Gomez at Padre Zamora, hindi pa rin sapat ang kanilang mga eksena upang ganap na maipakita at iparamdam ang mga paninindigan nila. Bukod sa nais nilang wakasan ang pagaalipusta at pagmamalupit ng mga Espanyol, walang karagdagang salaysay tungkol sa kanilang mga personal na buhay. Pinipigilan nito ang mga manonood na higit pang makilala ang mga karakter dahil ang ibabaw lamang ng kanilang mga pagkatao ang ipinakita. Sana ay mas nabigyang pansin ang kakanyahan ng dalawang pari at ang buhay nilang tatlo bilang mga tagasulong ng ekwalidad noong araw.

 

Sa kabila ng lahat nito, bumabawi ang mga aktor sa kanilang kahusayan at talento sa pagganap ng kanilang mga papel. Damang-dama ang emosyon sa kanilang magaling na paraan ng pag-arte at pagbigkas ng mga linya. Nagawa nilang katawanin ang katapangan at determinasyon ng mga karakter na kanilang inilalarawan upang mas lalong mapukaw ang natutulog na damdaming makabayan ng entabladong Pilipino.

 

Ang pagtatagpo ng sine at kasaysayan

Ginamit ng mga tagalikha ng GomBurZa ang sine bilang isang makapangyarihang instrumento sa pagsasalaysay ng kasaysayan at pagmulat sa masa. Naikwento ng pelikula ang istorya ng tatlong pari sa isang paraan na umaakit sa mga manonood nang hindi nagmumukhang isang dokumentaryo. Nagawa nitong maayos na iugnay sa daloy ng kwento ang mga tauhan at iba't ibang makasaysayang pangyayari sa Pilipinas tulad ng Cavite Mutiny, pag-aresto at pagbitay sa GomBurZa, at ang pagbuo ng Katipunan.

 

Kahit na mayroon itong mga subtitle, ang ilan sa mga konteksto ng pelikula ay nangangailangan ng kaunting kaalaman sa wikang Espanyol upang maunawaan ito. Umaakma sa panahon ng tagpuan ang istilo ng pagsasalita at malalim ang mga salitang Filipino na ginamit. Ngunit ang pagpapalit ng mga wika sa pelikula ay hindi naging hadlang upang maintindihan ng mga manonood ang nangyayari sapagkat ang mga diyalogo ng mga aktor ay tumutugma sa kanilang mga aksyon. 

 

Sa kabilang dako, ang mga linya ay sumasalamin sa layunin at mensahe na malinaw na itinatag ng pelikula. Maganda, malalim, at makabuluhan ang mga linyang ginamit sa GomBurZa sapagkat lubos itong nakakapukaw ng damdamin at malalim ang pagtatak ng mga salita sa puso ng mga manonood.

 

Walang nakakabagot na sandali sa buong pelikula dahil sa balanse at kalugod-lugod na timpla ng mga elementong biswal at pandinig. ​​Ang detalyadong istilo ng sinematograpiya ni Diokno ay tila parang sining na naghahatid sa mga manonood pabalik sa panahon ng mga Kastila. Bukod dito, ang paggamit ng katahimikan, mga epektong pantunog, at angkop na musika ay nakadagdag sa pangkalahatang dating ng pelikula. Makatindig-balahibo ang paraan kung paano isinagawa ang huling bahagi ng pelikula sapagkat nagawa nitong pagnilayin ang mga manonood sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga Pilipino at lumikha ng mas malakas na pagmamahal sa bayan. 

 

Gayunpaman, karapat-dapat bigyang pugay ang mga tagalikha sa kanilang mga pagsisikap na gawin ang pelikula na malapit sa kasaysayan hangga't maaari. Ang kanilang mga konsultasyon sa mga mapagkakatiwalaang historyador ay tunay na nagbunga ng isang obra maestra na nakapagsalamin sa kalagayan ng lipunan noon.

 

Para Los Filipinos

Katulad lamang ng wika ni Padre Burgos sa pagtatapos ng pelikula, “Ang liwanag ay hindi maaaring patayin. Nananatiling buhay ang liwanag sa ating mga puso,” dapat panoorin ng mga Pilipino ang GomBurZa upang gawing ningas ng pagkilos ang alab ng damdamin na muling binuhay at pinaigting ng pelikulang ito. 

 

Ang pelikulang GomBurZa ay lubos na karapat-dapat sa lahat ng parangal na natanggap nito dahil sa makabuluhang istorya, kahusayan ng mga aktor, at kahalagahan ng malalim na mensahe nito sa lipunan. Hindi lamang tungkol sa tatlong martir na pari ang kwento nito, kundi pati na ang kahulugan ng pagiging Pilipino at ang pagsilang ng pambansang pagkakakilanlan. Ito rin ay nagsisilbing paalala sa mga sakripisyong ginawa ng mga bayani ng Pilipinas upang gumawa ng daan tungo sa kalayaan at ang responsibilidad ng mga mamamayan sa paghubog ng kinabukasan ng bayan.

 

Maaaring panoorin ang GomBurZa sa mga sinehan hanggang sa Enero 7, 2024.

Last updated: Friday, 5 January 2024