Layout Banner By Kervine Tan
Layout Banner By Kervine Tan.

Pagbabalik sa mga kinahiligang pelikulang KathNiel


Balikan ang ilan sa mga paboritong pelikula ng tambalang KathNiel na parehong pinasaya at winasak ang ating mga puso.


By Ryzza Ann Gadiano | Monday, 18 December 2023

Noong Nobyembre 30, opisyal na inilabas ang balitang ikinagulat at gumambala sa mga netizens ukol sa hindi inaasahang kalagayan ng 11 years na relasyon ng staple love team ng mga Pilipino na sila Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, kilala sa kanilang tambalan na KathNiel. Bago pa man ito maianunsyo, napapaligiran na ito mga mga isyu at alegasyon na tumigil lamang noong nag anunsyo sila Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa Instagram. Dito ipinahayag nila ang kanilang personal na damdamin tungkol sa kanilang paghihiwalayan.

 

Sa kabila ng balita na ito, hindi maiiwasan magbalik tanaw sa lumang mga proyekto na pinagsamahan ng dalawang personalidad. Ang mga pelikula nila ay tunay na pumukaw ng atensyon at pagmamahal mula sa kanilang panatiko at mga Pilipino. Magbalik-tanaw tayo sa mga karakter na tumatak sa isipan natin at mga proyektong kumiliti at ikinatuwa ng ating mga puso. 

 

Heto ang listahan ng mga pelikula ng KathNiel mula sa pinaka-cute hanggang sa pinakamalungkot dahil sa mga tagos sa puso na eksena at mga hugot.

 

Must be... Love (2013) [RATING: 4/5 - Kilig, 2.5/5 - Sakit]

“Oo mahal kita, oo gusto kita noon pa.” – Patchot (Bernardo). Ang Must be… Love ay isa sa mga lumang pelikula ng tambalan na dinirekta ni Dado Lumibao. Ito ay isang romantic-comedy at ibinibida dito ang buhay ng dalawang magkaibigan tungo sa kanilang yapak patungo sa paghahanap ng pag-ibig.

 

Umiikot dito ang kwento ni Patricia (Bernardo) o mas kilala sa pelikula bilang si Patchot at ang kanyang kaibigan mula pagkabata na si Ivan (Padilla). Ang dalawang magkaibigan ay may paniniwala tungkol sa isang espisipikong pamamaraan, ang slow motion, kung saan masasabi nila na sila ay nakakaramdam ng pagmamahal tungo sa taong iyon. Subalit, si Patchot ay nakakaramdam na nito sa kanyang sariling kaibigan. Habang si Ivan? Sa pinsan naman ni Patchot na si Angel (Liza Soberano).

 

Alamin ang mga susunod na mga pangyayari sa Netflix, YouTube, at IWantTFC kung saan ito ay mapapanood at tunay na mapagkukunan ng aral ukol sa pagmamahal.

 

Can’t Help Falling in Love (2017) [RATING: 4/5 - Kilig, 3/5 - Sakit]

“Even just one second with the right person can feel like more than a lifetime.” – Gab (Bernardo). Ang buhay ay tunay na puno ng mga misteryosong pangyayari na nagbibigay ng aral sa ating lahat. Ang romantic-comedy na idinerekta ni Mae Cruz-Alviar ay nagbigay ng panibagong pananaw sa mundo ng mga hindi inaasahang pangyayari sa pagganap ng KathNiel.

 

Ito ay umiikot sa mundo ni Gab (Bernardo) at ni Jason (Matteo Guidicelli) ang magkasintahang ikakasal na sana. Ngunit, may balitang biglang dumating kay Gab noong malaman niyang siya pala ay naikasal sa isang hindi niya kilala na si Dos (Padilla) dahil sa drunken mistake noong nakalipas na taon pa.

 

Abangan at alamin ang mga pagbabagong naganap sa buhay nilang tatlo dahil sa problemang dala ng isang pagkakamali. Ang Can’t Help Falling in Love ay mapapanood sa Netflix at IWantTFC.

 

Barcelona: A Love Untold (2016) [RATING: 3.5 - Kilig, 3.5/5 - Sakit]

"Hindi ikaw si Celine and you will never be Celine!" – Ely (Padilla). Ang Barcelona: A Love Untold ay ipinalabas sa mga sinehan sa pagdidirekta ni Olivia Lamasan. Isang fun fact para sa inyo! Sa pelikulang ito nakita ang first on-screen kiss ng dalawa na kumabog sa mga panatiko at netizens.

 

Si Ely (Padilla) ay lumipad papuntang Espanya upang makausad sa sakit at napagiwanang memorya sa kanya ng lumipas niyang kasintahan. Dito nakilala niya si Mia (Bernardo), isang nagsusubok muli sa buhay sa kabila ng kanyang mga pagkakamali noon. Ibinida nila dito ang karanasan ng bawat karakter at ang kanilang lakbay tungo sa isang makabagong bukas para sa kanilang buhay.

 

Ang “Barcelona: A Love Untold” ay maaaring mapanood sa Netflix, YouTube, at IWantTFC. Humanda kayo sa isang kwento na puno ng kalungkutan at pag-asa muli sa isang kakaibang pelikula mula sa tambalan.

 

She’s Dating the Gangster (2014) [RATING: 4/5 - Kilig, 5/5 - Sakit]

"Athena, I can’t breathe." – Kenji (Padilla). Mapapa “sana all” ka na lang sa fake dating sa palabas na ito. Ang isa sa pinakakinikiligan na pelikula ng lahat ay ang She’s Dating the Gangster sa pag didirekta ng isa sa mga prominenteng direktor na si Cathy Garcia-Molina. Ito ay isa sa mga staple movies ng KathNiel at naging pundasyon ng kanilang tambalan.

 

Ang Wattpad-based na palabas na ito ay sumentro sa buhay ni Athena (Bernardo) at Kenji (Padilla)---ang campus heartthrob na napagtripan ni Athena. Dahil sa isang pangyayari, biglang nalagay si Athena sa sitwasyon kung saan kailangan niyang magpanggap bilang nobya ni Kenji upang mapa-selos ang dating karelasyon nito. Ngunit, habang tumagal ang kanilang pagsasama, tila nagiba na ang pakikitungo ng dalawa sa isa’t isa at nagbunga sa isang relasyon na puno ng aral at pagbabago. 

 

Subaybayan ang mga pagbabago at munting eksena na pumukaw sa damdamin ng mga manonood sa pelikulang ito. Ito ay mapapanood nang buo sa  Netflix, YouTube, at IWantTFC.

 

The Hows of Us (2018) [RATING: 3.5/5 - Kilig, 6/5 - Sakit]

“Ikaw, patuloy lang sa lintik na passion na ‘yan. Puro passion. Hindi tayo mapapakain ng passion na ‘yan!" – Jo (Bernardo). Pagod na pagod ka na rin ba? Halika at panoorin ang isa sa mga tumatak sa damdamin at isipan ng hindi lamang ng mga manonood, kundi ang mga bumida mismo na ang “The Hows of Us” na dinirekta muli ni Cathy Garcia-Molina

 

Dito ibinida ang mga karakter na si George (Bernardo), o mas kilala sa pelikula bilang Jo, at si Primo (Padilla), ang magkasintahan maraming pangarap ang nais abutin sa buhay. Gayunpaman, kagaya ng ibang storya tungkol sa pagmamahal ito ay aabot sa punto kung saan dapat itigil na. Dito ang bawat pangyayari sa pag-ibig ay ipinamalas mula sa simula, kalagitnaan, at dulo kung saan nahanap muli nila ang isa’t isa.


Maraming aral ang maaaring mapagkukunan sa pelikula na ito, dahil sa tila mga close to home na eksena at pangyayari rito. Alamin pa ang ibang pangyayari sa pamamagitan ng pagnood nito sa Netflix, YouTube, at IWantTFC.

Tags: Kathniel