Cover Photo By Ronalyn Lourdez Olivares And Faye De Leon
Cover Photo By Ronalyn Lourdez Olivares And Faye De Leon.

Mula alamat hanggang “text tula”: Panitikang Pilipino sa iba’t ibang panahon


Mula sa iba’t-ibang panahon, magaling at malikhain ang ating panitikan—ngunit saan nga ba ito nanggaling at ano na ang estado nito ngayon?


By Lemy Santos | Friday, 3 February 2023

 

Mula kay Jose Rizal hanggang kay Lourd de Veyra, tingnan natin ang daloy ng panitikang Filipino sa ating kasaysayan, kultura, at araw-araw nating pamumuhay. 

 

Ang panitikan ay hindi lamang mga salitang pinagsama-sama; posible ito’y maging ekspresyon ng kalayaan, karanasan, at sining ng mga hinulmang ideya at kwento para sa nakararami. Ito ay binubuo ng mga akda tulad ng tula, sanaysay, nobela, at maikling kwento, at marami pang iba. 

Ang kapangyarihan ng literatura ay hindi dapat maliitin. Tulad na lamang ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo; mga maimpluwensiyang piyesa naging isa sa mga nagpasimula ng kislap upang ipaglaban natin ang ating kalayaan.

 

Ang sinaunang mga sulat

Ayon sa Pambansang Komisyon Para sa Kultura at Mga Sining, bago pa dumating ang mga Kastila, mayroon nang panitikan ang mga Filipino na binubuo ng mga alamat, epiko, kanta, tanaga, at mga bugtong—sila’y karaniwan pinasa-pasa sa bibig bilang mga tradisyon ng ating kultura. Madalas dito ang mga tema ng karangalan, kabayanihan, kakaiba, at mahiwaga.

 

Ngunit sa pagdating ng mga Kastila, nahaluan ang mga ito ng impluwensiyang Europeo, Kristiyanismo, at Kanluranin na namunga ng mga temang makarelihiyon, tunggalian ng mga klase, at makarebolusyon. Ilan sa mga ito ang mga nobela, sarsuela, senakulo, at ang komedya—sila nama’y nagkaroon ng malalim na ugat sa ating kasaysayan na hanggang karaniwan ay makikita ang mga pamilyar na tema, arketipo, at storya.

 

Pagkatapos ng mga Kastila, dumating naman ang mga Amerikano na sila ding nagkalat ng malawak at malalim na impluwensiya sa ating literatura. Sa panahon na ito umusbong ang mga tema ng imperyalismo at nasyonalismo sa mga gawa ng “Tanikalang Ginto” at “Hindi Ako Patay” ni Juan Crisostomo Sotto, “Bulalakaw ng Pag-asa” ni Ishmael Amado, at ng sosyalismo at kapitalismo, sa mga gawa ng “Pinaglahuan” ni Faustino Aguilar, at “Banaag at Sikat” ni Lope K. Santos. Sumikat din dito ang “balagtasan,” isang paligsahan na debate, nakaberso at patula para sa pros at cons ng isang isyu. Dito din nabuhay at sumigla ang mga awtor na tulad nila Juan C. Laya, Salvador P. Lopez, at Severino Reyes.

 

Mga boses sa kadiliman

Noong Setyembre 23, 1972, nagpakita ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sa telebisyon para maanunsyo ang Proclamation 1081 o ang pormal na paglunsad ng Martial Law sa buong bansa. Ayon sa mga awtoridad, ito ay naisakatuparan laban sa mga komunistang rebelde at para sa kabuuang seguridad ng mga mamamayan–ngunit ang resulta ay ang 10 taon na pamumunong militar. Ang panahon na ito ay nakilala sa samu’t sari’t nitong represyon, opresyon, at mga abuso sa mga karapatang pantao sa mga ordinaryong mamamayan, partikular na sa kanilang mga kritiko. Dahil dito, nalimitihan ang kalayaan ng ekspresyon–ang mga madalas na nakakalabas ay sumasalamin lamang sa kagustuhan ng mga nakaupong kapangyarihan. 

 

Kahit na sila ay pinatahimik, hindi nawala ang kaluluwa ng mga makasining, kasama na dito ang mga manunulat. 

 

Ilang halimbawa ng mga gawa at kanilang awtor noon ay ang “Dekada ‘70” at “Desaparesidos” ni Lualhati Bautista, “Days of Disquiet, Nights of Rage: The First Quarter Storm and Other Related Events” ni Jose F. Lacabaat ang “The Conjugal Dictatorship” ni Primitivo Mijares. Isang maaaring makitang koneskyon sa mga gawa nila ang madalas na sumisiklab ng mga tema ng rebolusyon, kalayaan, demokrasya, at hustisyang panlipunan—mga direkta at indirektang pagpuna sa abusadong administrasyong Marcos.

 

X

Ang pluma ng ngayon

Kapansin-pansin na nag-iba ang panitikan sa panahon ng internet. Sa pagbugso ng mga inobasyon at imbento, sumabay na din ang pag-unlad ng panitikan. Isang halimbawa ang pagdating ng internet na nagresulta sa mga web comics, mobile text tula, at blog. Mahalaga din na alalahanin ang globalisasyon na naging daan para sa pagkalat, palitan, at hiraman ng impluwensiya ng global na komunidad sa isa’t isa. 

 

Kalakip din ng pagdaan ng panahon ay ang pag-iba ng mga suliranin at paksa ng ating kultura’t pamumuhay. Bilang resulta ng ating global na koneksyon na bigay ng teknolohiya, lumaganap at nakibahagi ang lokal na literatura sa mga temang global tulad ng gender equality, ang LGTBQIA+ community, at ang mga karaniwang isyung politikal. Isang maaaring basahin ay ang “Tingle: Anthology of Lesbian Writing” ni Jhoanna Lynn B. Cruz na patungkol sa mga lesbiyanang karanasan at naratibo, isang magandang pagsawsaw sa pagkakakilanlan at mga paghihirap dito. 

 

Mapapansin din na ang panitikan ngayon ay malapit na nakabatay sa ating kapaligiran, sa mga makabagong tema tulad ng climate change, sci-fi, at neo-imperialism—ngunit hindi lamang sa mga Filipino, pati na din sa buong mundo. Dahil sa teknolohiya, ang Pilipinas ay mas konektado sa global na komunidad na tila magkasamang nakatanikala.

 

Ang mga gawa ni si F. Sionil Jose na isang tanyag na may-akda ay halimbawa ng epekto ng globalisasyon. Makikita ang kanyang pagsulat sa Ingles tulad sa Three Filipino Women, bilang paraan para mas makaabot siya sa daigdigang madla, upang mas marami ang kanyang mambabasa. 

 

Tulad niya, sa ating henerasyon ngayon makikita ang pagsibol ng mga akdang Filipino sa iba’t ibang sulok ng mundo; dahil din sa mga makabagong imbensyon ay mas nabibigyan pansin na rin ang iba’t ibang kultura at wikang Filipino, tulad ng Kapampangan, Ilokano, at Bicolano.

 

Salamat sa modernong teknolohiya, tila naging mas matagumpay ang literatura; naging malaki at malawak ang pag-unlad nito na makikita natin sa mga gawa ng ating mga kontemporaryong manunulat tulad ni F.H. Batacan, sa rehiyonal kay Paz Verdades M. Santos, at diaspora kay Randy Ribay.

 

Ang hinaharap

Kasama sa kinabukasan ng panitikan ng Pilipinas ang pakikihalubilo sa iba’t ibang kultura upang miging konektado sa mundo. Sasakyan ng mga Pilipinong manunulat ang alon na ito, kung saan sila’y mangangalap ng mga bagong temang pang henerasyon. Gamit ang mga patuloy na umuunlad na paraan, mananatili ang ating mga manunulat para magkwento ukol sa dumadaan na kasaysayan.

 

Isa lamang ang sigurado: bilang katawan ng sining, ekspresyon, ideya, at kalayaan, susundan nito ang mga yapak ng kasaysayan na patuloy na magkakaroon ng impluwensya sa ating kinakaharap.

 

Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 8 Issue No. 2: Reacted.

 

 

Tags: Panitikan