Tulad ng bagong taon na ginugunita ng karamihan sa unang araw ng Enero, binubuo ang Chinese New Year—na kilala rin bilang Spring Festival o Lunar New Year—ng sari-saring mga putahe, matitingkad na palamuti, marilag na mga kasuotan, malakas na mga tugtugan, at mga paputok na nagliliwanag.
Gayunpaman, ano kaya ang pagkakaiba sa pagdiriwang na ito? Ano nga ba ang malalim na rason kung bakit ganito ka-engrande at kilala ang pagdiriwang ng Chinese New Year dito sa Pilipinas?
Natatanging pagdiriwang
Ayon sa isang panayam ng The Benildean kina Sam Rodriguez, estudyante ng Music Production ng Kolehiyo, at Kit Chui, isang estudyante ng Ateneo de Manila University, hindi nila sinusubaybayan ang Gregorian Calendar bilang pamantayan ng bagong taon. Sila ay nakabatay sa Lunar Calendar, kaya mas nauuna gunitain ng iba ang bagong taon.
Base sa mga resulta ng pagtatanong at pananaliksik, 15 na araw ang tinatagal ng Chinese New Year na nagsisimula kung kailan susulpot ang New Moon. Ngayong taon, sa Enero 22 ang simula nito, at nagtatapos ngayong Pebrero 5.
Sa bawat okasyong Pinoy, mayroong pagkaing inihahanda dahil ito ang nagbubuklod sa mga tao. Ang pagkain ay isang makabuluhang aspeto ng ating kultura, komunidad, at pagdiriwang. Sa Chinese New Year, mayroon din silang mga karaniwang pagkain na niluluto.
Nang makapanayam ng The Benildean ang dalawang Chinese-Filipino at Certified Professional Accountants (CPA) na sina Mr. Michael Ang at Ms. Gina Marie Tan na kabilang sa Generation X, ang mga pagkaing kanilang hinahanda sa paggunita ng bagong taon ay mga isda, bola-bola, manok, lumpiang shanghai, rice balls, pancit bihon, tikoy, at mga bilog na prutas na nagbibigay ng mahabang buhay, kasaganaan at kayamanan.
Sa pamilya naman ni Chui, sa mga sikat na kainan na lamang sila kumakain upang ipagdiwang ang kanilang bagong taon. Ilan pang karagdagang ginagawa sa paghahanda ay ang pagsasagawa ng mga ritwal tulad ng pagsindi ng insenso at mga papel para sa mga ninuno at mga taong sumakabilang-buhay. Dagdag pa rito, binanggit din ni Rodriguez na sila raw ay naglilinis ng kanilang bahay, pati na rin ang puntod at mausoleo ng kanilang mga namayapang kapamilya’t kamag-anak.
Sa Binondo naman, na kilala bilang Manila’s Chinatown, makikitang kalat at nangingibabaw ang matingkad na kulay pula sa bubong ng mga bahay at sa mga palamuting nakasabit sa may kalsada kailanmang araw ka ay pumunta. Sa Chinese New Year, hindi lamang sa palamuti nakikita ang mga ito kundi pati na rin sa mga kasuotan ng mga tao.
Ayon kay Tan, karaniwang nagsusuot ng Cheongsam (Chinese Dress) ang mga babae at Changshan (Chinese Long Shirt) ang mga lalaki o kahit anong damit na pula ang mga tao sa pagdiriwang ng bagong taon dahil ang kulay pula ay nagdadala ng swerte at magandang kapalaran.
Hindi nalalayo ang kakanyahan ng paputok sa Chinese New Year sa halaga nito sa bagong taon na una nating ginugunita dahil gamit rin ito upang itaboy ang kamalasan para sa magandang simula.
Maliban sa pagkain, paputok, at angpao, inaasahan ng ating mga kababayang Chinese-Filipino sa Chinese New Year ang makasama ng kumpleto ang pamilya at ang pangakong bagong simula, karanasan, at pagkakataon ng bagong taon.