Dibuho Ni Angela Asiño
Dibuho Ni Angela Asiño.

Kabayan, nakalimutan mo na ba?


Hinuhubog ng kasaysayan ang ating kaalaman sa kasalukuyan. Ano na lamang ang kahihinatnan natin kung palitan ito ng manipuladong nakaraan?


By Beatrice Quirante | Monday, 11 April 2022

Nakaangkla ang ating kultura’t paniniwala sa mga realidad ng ating lipunan na siyang ginagawa nating batayan, maging sa pagpapasya tuwing halalan at pagkakaroon ng pambansang pagkakakilanlan. Nakaugat ito mula sa ating kasaysayan na tila isang pinagtagpi-tagping serye ng mga magkakasunod na pangyayari. Sa oras na bahiran ito ng panlilinlang, kakalat ito hanggang sa mga pahina ng ating kasalukuyan.

 

Noong Martial Law mula 1972 hanggang 1986, ayon sa Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission, mahigit 2,300 ang pinatay sa 11,000 na mga kasong paglabag sa karapatang pantao sa pamumuno ni dating diktador Ferdinand Marcos

 

Kabilang sa mga dahilan na nag-udyok sa sambayanan na iboto si Marcos, simula pa noong 1949 nang tumakbo siya sa posisyon sa ilalim ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas, ay ang kaniyang pangangampanya sa diumanong mga medalya na kaniyang natanggap at pinamunuan na guerrilla unit na “Ang Mga Maharlika” noong giyera laban sa mga Hapon.

 

Sa nalalapit na katapusan ng termino ni Marcos, isiniwalat ng United States Army na wala silang dokumento na nagsasaad nito. Ani pa ni dating US Army Captain Ray C. Hunt na nagmando sa mga guerrilla sa Pangasinan, “Marcos was never the leader of a large guerrilla organization, no way. Nothing like that could have happened without my knowledge.” (Si Marcos ay hindi naging pinuno ng isang malaking guerrilla organization. Walang ganoong nangyari na hindi ko alam).

 

Isa lamang ito sa mga halimbawa ng historical negationism, tulad ng ibinibidang “golden age” ng mga taga-suporta ng mga Marcos, kung saan maraming historyador at ekonomista na ang bumatikos sapagkat pagtungtong ng 1982 umabot ang utang ng bansa ng $24.4 bilyon mula sa $8.2 bilyon noong 1977.

 

Karaniwang iniuugnay sa mga pagtatanggi sa milyong-milyong pinatay noong Holocaust, ani ng International Commission on the Holocaust in Romania, ang historical negationism o denialism ay ang hindi pang-akademikong paraan ng historical revisionism na ginagawa kalakip ng isang pampulitikang layunin. Maaari rin itong gawa ng isang personal na layunin ayon kay Cristina Cristobal, PhD., isang batikang propesor sa agham panlipunan.

 

Sa kabilang dako, ani ng historyador at manunulat na si Giovanni C. Cattini, ang historical revisionism naman ay ang pagbubuo o pagbabago ng kasaysayan batay sa mga bagong lumitaw na makatotohanang ebidensya

 

Bunga ng panlilinlang

Libo-libong buhay ang naging kapalit sa tuwing maloloko ang karamihan sa pagsuporta o paghalal sa mga pulitikong harap-harapang nagsisinungaling ukol sa kanilang mga katauyan.

 

Bagamat marami nang naratibo, dokumentaryo, at lathalain ang ibinubunyag ang katotohanan, nasa indibidwal na ang pagtitimbang ng halaga nito sa kanilang boto. Bilang halimbawa, ang paniniwalang ang pagbabalik ng diumano karangyaan o disiplina na dala ng Martial Law ang makapagtatapos ng kahirapan at korupsyon ay maaaring magbunga sa patuloy na pagsuporta sa diktaturyang pamumuno, tulad ng naaning popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte. Subalit ang kakulangan naman ng kamalayan sa kabuuang kasaysayan nito, tulad ng kalapastanganan sa karapatang pantao, ay malaking sagabal para makamit ang tinatawag na “educated vote.” 

 

Pinaiiral ng historical negationism ang kamangmangan sa larangan ng edukasyon at politika. Maliban sa pampulitkong mga layunin na makuha ang boto ng masa, nag-uugat din ito sa simpleng layuning makilala, tulad ni Jose Marco, na kalauna’y nakilala sa pagpapakalat ng mga huwad na “makasaysayang” dokumento kabilang ang “Code of Kalantiaw” (listahan aniya ng mga batas at parusa na sinusunod ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol) at ang “La Loba Negra” (nobelang isinulat aniya ni Padre Jose Burgos ukol sa babaeng nag-aanyong lobo na pumapaslang sa mga sangkot sa katiwalian at pagpaslang ng kaniyang asawa). 

 

"Maraming mga dahilan 'yan eh. Number one, para mailathala ang kaniyang pangalan sa kasaysayan. Biro mo, ikaw source ng dokumento… Mayroon din 'yang financial factor kasi pwede mo ibenta ‘yung mga dokumento,” ani ng historyador na si Augusto de Viana, PhD.

 

Binabahiran ng maling pananaw at pagkakakilanlan ang pagbabago sa kasaysayan. Tulad ng mga hindi makatwirang parusa sa Code of Kalantiaw—gaya ng pagpapakagat sa mga langgam o pagbubugbog gamit ang mga tinik sa taong hindi nagbigay galang sa mga kweba at puno—na nililihis ang lipunan sa kaunlaran ng ating mga ninuno pagdating sa karunungan, kalakalan, at digmaan. 

 

Halungkatin ang nakaraan

Mula sa panggatong sa kamangmangan sa lipunan hanggang sa libo-libong kamatayan ang kapalit ng pagmamanipula sa kasaysayan. Ang higit na nakakatakot pa’y ang posibilidad na maaari itong ulitin kung hindi paiiralin ang katotohanan.

 

Nakakatawa man para iba na makarinig ng mga kabataang binabati si Jose Rizal tuwing Disyembre 30 o kinakantiyawan si Apolinario Mabini dahil nakaupo lamang sa buong pelikulang “Heneral Luna,” nakakaalarmang indikasyon ito sa pangangailangan sa mga talakayan ukol sa kasaysayan, kabilang ang mga pagwawasto sa mga kumakalat na haka-haka.

 

Sa mas malawakang usapin, 52% ng mga rehistradong botante ay mga kabataan. Sapagkat maituturing na batayan sa pagboto ang kredibilidad, marapat lamang na maging maalam ang lahat, lalo na ang mga kabataan, sa pag-usisa ng mga balita sa social media, pagnilay sa mga adbokasiya, at paghalungkat sa katotohanan sa likod ng mga nagdaang pangako ng mga kandidato.

 

Banayad man ang usapin tungkol sa historical negationism, hindi ito dapat isinasawalambahala sapagkat hindi man natin namamalayan ay nakatira na tayo sa kinahinatnan ng ating mga paniniwala at desisyon mula sa nakaraan.

 

Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 8 Issue No. 1: Redacted.