Litrato nina Fritz Reyes at Josh Bugayong; Layout Ni Ann Alvarez
Litrato nina Fritz Reyes at Josh Bugayong; Layout Ni Ann Alvarez.

Kumpisal


Saksi ang Panginoon sa takbo ng lipunan, at hindi lahat ng dumudulog ay marapat bigyan ng kapatawaran. Malinis o marumi, mataas o mababa, batid Niya kung sino ang tunay na masama.


By EA Rosana | Wednesday, 22 September 2021

Tinitigan ko ang nagliliwanag na altar bago humakbang papasok ng simbahan. Masyado yata itong busilak at sagrado para papasukin ang isang tulad ko. Wala rin naman sigurong nangumpisal nang malinis, ‘di ba?

“Oh, Pina! Ba’t ka nandito? Hindi naman nagbibigay ng limos si Father,” kantiyaw ni Aling Bining pagpila ko sa kumpisalan.

“Mangungumpisal lang din po ako,” tugon ko.

“Ha? Mangungupit?” iritable niyang bulyaw nang may halong pandidiri. “Sana nga’y matuloy ang plano ni Mayora Sandra na palayasin kayong mga pulubing tambay ng simbahan! Napakarurumi! May gana pa talagang magsimba rito!”

Napatingin lang sa amin si Miko, isang pipi, na nakapila rin kasama ng ale.

“Don Rigo!” masiglang pagbati ni Aling Bining nang bumaba sa magarang sasakyan ang pinakamayamang konsehal ng aming bayan.

‘Wala pa ba si Father? Napakatagal nama’t may pupuntahan pa ‘ko,” iritableng sabi ni Don Rigo pagpasok sa loob ng simbahan.

“Ayan na po!” sagot ko sa kaniya, ngunit hindi man lang ako nilingon.

“Naku, narito na ho pala kayo, Don Rigo!” natatarantang tugon ng pari habang papalapit sa amin.

“Aba, natanggap niyo ho ba ang donasyon ko para sa pagpapagawa ng kapilya?” buong pagmamalaking tanong ng Don sa pari.

“Opo. Talagang napakalaking tulong sa pagpapaganda ng tahanan ng Panginoon. Aba mabuti pa, unahin ko na po kayong kukumpisalan,” sagot ni Father Roman, walang alintana sa aming nakapila.

Naririnig ko ang usapan nilang tila hindi naman para manghingi ng tawad.

Father Roman, patawad ho kung hindi ko matugunan ang lahat ng pangangailangan ng ating lungsod. Sa totoo lang, natatanaw ko na pagbabago ng ating bayan sa sandaling magwagi ako sa susunod na halalan. Siguro nama’y sapat na ho ang naitulong ko sa inyo para patunayang kaya kong mamuno, hindi ba?” aroganteng pahayag ng matanda.

“Pinatatawad ka na ng Panginoon, Don Rigo. Naniniwala ako sa kakayahan mong manilbihan bilang anak ng Diyos. Humayo ka’t silayan ang kaniyang kapangyarihan!” 

Sumunod si Aling Bining. Nagmamadaling pumasok sa maliit na silid at nangumpisal. 

“Patawarin sana ako, Father, kung kulang pa ang suporta ko sa minamahal nating pinuno. Bibliya na rin ang nagsabing isang kataksilan ang manlaban sa itinalaga ng Diyos. Suporta at pagmamahal sa susunod na mayor ng lungsod ang dapat kong gawin bilang kanilang lingkod” aniya sabay ngiti kay Don Rigo.

“Bining, pinatatawad ka na ng Diyos. Nauunawaan kita’t marapat lamang na sumunod tayo ayon sa Kaniyang utos. Humayo ka’t dinggin ang tawag ng ating Panginoon!” tugon ng pari.

Lumabas siya at tinabihan si Don Rigo. Sinitsitan niya si Miko at itinuro ang kumpisalan. Marahang naglakad ang binata at pumasok sa silid.

Tahimik ang simbahan. Matatanaw sa bintana ng kumpisalan ang pagkumpas ng kamay ng binata upang kausapin ang pari. Wala ni isa sa amin ang nakaunawa nito.

“Naku, ‘yang mga anak ni Lina, kay tatahimik pero puno ng sikreto,” panghuhusga niya. “Ano po sa tingin mo’ng kasalanan niyan, Don Rigo?”

Hindi siya pinansin ng matanda’t umalis ito kasama ng kaniyang mga bodyguard. Paglingon sa akin, ako’y kaniyang pinandilatan at inirapan; hinila papalapit si Miko at sinamahan palabas ng simbahan.

Akmang aalis na rin si Father Roman nang tawagin ko siya upang magpakumpisal. “Father! Pwede rin po ba akong humingi ng tawad?”

Tiningnan niya lamang ako at bumalik kami sa silid.

“Gusto ko pong humingi ng tawad sa Panginoon dahil tama sila, Father. Palamunin kami ng lipunan. Tamad at walang pinag-aralan…” Ako’y napahinto.

“Pero sa tingin ko po… Mas malaking  kasalanan na minsa’y hinihiling kong ipinanganak na lamang akong bulag na hindi nakikita ang kalupitan ng mundo. O kaya nama’y bingi na hindi naririnig ang anumang pang-aalipusta. Mas ginusto kong maging pipi na hindi magawang sisihin sa ingay at gulo,” mahina kong pag-amin sa pari.

“P-pero… mas gusto ko pong manatiling mulat,” pagbawi ko sa aking sinabi. 

"Ano bang gusto mong sabihin, iha?" tanong ni Father Roman.

“Masyado nang bulag ang lipunan para bumaling pa’ko ng tingin. Bingi man ang iba, marami pa ‘kong dapat pakinggan. Hindi ako titikom at magkikibit balikat lang.”

Natulala na lamang sa akin ang padre at hindi na nakaimik. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa gitnang pasilyo ng simbahan. Nanalangin at nag-antanda bago lumisan.

Tinitigan ko ang dumidilim na altar sa huling pagkakataon bago nila isarado ang simbahan. Napagtanto kong masyadong bukas ang pintuan nito para sa inaakala nilang busilak ang kalooban.

Sabagay, wala naman talagang nangumpisal nang malinis, ‘di ba?

Inilathala rin ang artikulong ito sa The Benildean Volume 7 Issue No. 2: Restored.



Last updated: Wednesday, 22 September 2021