Iginawad sa tulang “A La Juventud Filipina” (“To the Filipino Youth”) ni Jose Rizal ang unang gantimpala sa paligsahan ng panitikan na inilunsad ng Liceo Artistico Literario de Manila noong 1879. Sa edad na 18 taong gulang, maliban sa pinatunayan ng kinikilalang pambansang bayani ang kaniyang kahusayan bilang manunulat, ipinabatid niya ang kaniyang mithiing paigtingin ang kumpiyansa sa sarili ng mga kabataan na aniya nagsisilbing pag-asa ng Pilipinas.
Isinulat ni Rizal ang tula gamit ang wikang Espanyol. Mayroon itong sampung saknong na may tig-lilimang taludtod kung saan magkakatulad ang letra sa mga taludtod ng ikalawa, ikatlo at ika-siyam na saknong habang sumusunod sa tugmang a-b-a-b-b ang ibang mga saknong. Ilan sa mga nagsalin nito sa Ingles ay si Charles Derbyshire, ang Amerikanong tagapagsaling-wika; siya rin ang nagsalin ng kalimitang ginagamit na Ingles na bersyon ng “Mi Ultimo Adios” ni Rizal.
Paggising ni Rizal sa diwa ng kabataan bilang pag-asa ng bansa
Mag-aaral pa lamang, namulat na si Rizal sa kalupitan ng mga Espanyol sa mga Pilipino. Sa katunayan, ang kaniyang malapit at nakatatandang kapatid na si Paciano ay malapit kay Padre Jose Burgos, na kabilang sa GomBurZa na hinatulan ng kamatayan matapos magkaroon ng pag-aalsa sa Cavite noong 1872.
Ang malupit na sinapit ng mga Pilipinong intelektwal na naghahangad ng pagbabago, tulad ng GomBurZa, ang isa sa mga pangyayaring tinaguriang nagpa-igting sa hangarin ni Rizal na maisalba ang Inang Bayan sa lumalalim na pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga banyaga.
Makalipas ang pitong taon, isinulat ni Rizal ang “A La Juventud Filipina” na binibigyang-linaw ang kaniyang kinikilalang paraan upang makamit ang pag-asa—ang mga kabataan at ang kanilang edukasyon bilang sandata.
Alza su tersa frente, (Hold high the brow serene,
Juventud Filipina, en este día! O youth, where now you stand;
Luce resplandeciente Let the bright sheen
Tu rica gallardía, Of your grace be seen,
Bella esperanza de la Patria Mía! Fair hope of my Fatherland!)
Umpisa pa lamang ng tula, mahusay na itinampok ni Rizal ang tema nito. Higit sa pagkilala bilang tagapagtaguyod ng bandila ng bansa, tinawag niya ang mga kabataan na ipamalas ang kanilang angking katalinuhan, kaalaman, at kakayahan. Higit pa rito, binigyang-diin niya ang kabuluhan nito sa mga sumunod na saknong; tulad ng pagsambit na maaari itong tumayong inspirasyon at daan upang makawala sa gapos ng mapang-abusong pamamalakad.
Vuela, genio grandioso, (Come now, thou genius grand,
Y les infunde noble pensamiento, And bring down inspiration;
Que lance vigoroso, With thy mighty hand,
Más rápido que el viento, Swifter than the wind's violation,)
Nanatiling nakatuon ang tula sa pagpapalakas ng loob ng mga mambabasang kabataan habang nag-iiwan ng banayad na paglalarawan sa kalagayan ng bansa. Marahil sa pahayag na “Ve que en la ardiente zona” (‘See how in flaming zone”), ipinaparating ni Rizal ang kaguluhan sa lipunan kahit na nasa ilalim ng kamay ng isang makapangyarihan at Kristiyanong bansa—”Con pía sabia mano” (“A crown's resplendent band”).
Taliwas sa mga kilalang obra ni Rizal na lantarang ibinunyag ang katiwalian ng mga Espanyol, hindi niya ito lubusang ginawa sa tula sapagkat maaaring hangarin muna niyang kumalat ito ng hindi mainit sa mata ng mga namamahala.
Higit pa rito, ang hindi niya pagsalin nito sa wikang Tagalog ay marahil sa hangaring ipaabot muna ang mensahe sa mga Pilipinong intelektwal, lalong-lalo na ang mga nakatanggap ng maayos na edukasyon at alam ang wikang Espanyol na siyang may mas malalim na kamalayan at kapangyarihan sa panahon ng matinding diskriminasyon sa kauriang panlipunan.
Bakas sa tula ang kahiligan ni Rizal sa mitolohiyang Griyego sa paggamit ng mga kilalang tauhan, lugar o personalidad na maihahalintulad dito, tulad ng Olimpo (Olympus), Filomena (Philomel), Febo (Phoebus), at Apeles (Apelles). Gamit ang mga ito bilang simbolo, lumalim nang lumalim ang paghamon sa mambabasa na kumilos.
Tú, de celeste acento, (Thou, whose voice divine
Melodioso rival Filomena, Rivals Philomel's refrain
Que en variado concierto And with varied line
En la noche serena Through the night benign
Disipas del mortal la amarga pena. Frees mortality from pain)
Sa mitolohiyang Griyego, si Philomel ay ginahasa at pinutulan ng dila upang hindi maibunyag ang kataksilang ginawa sa kaniya. Bagamat hindi makapagsalita, gumawa siya ng paraan upang ipaalam ito sa kaniyang kapatid sa pamamagitan ng pagbuburda. Marahil sa pananaw ni Rizal, anuman ang paraan ng komunikasyon, maaaring palayain ang katotohanan at imulat ang kamalayan ng ibang tao. Iginiit niya sa mga sumunod na saknong na bigyang hustisya ang mga karanasan sa kawalan ng katarungan.
Tinapos ni Rizal ang panawagan para sa kabataan nang may nakatindig at positibong pananaw ng tagumpay. Sa huling saknong, kaniyang pinuri ang bansa sa angking kakayahan nito na umusbong sa likod ng potensyal ng mga mamamayan nito.
Sa kasalukuyan, nananatiling buhay ang panawagan ni Rizal. Ang kaalaman at karanasan mula sa murang edad pa lamang ang huhulma sa kaunlaran ng bansa sa hinaharap.
Sa katunayan, kung ang bawat kabataan ay gagamitin at labis na pahahalagahan ang kanilang karapatang bumoto, marahil ay umunlad lalo ang Pilipinas sa ilalim ng mahusay na pamumuno; o sila mismo ang magiging mga tagapanguna ng tunay na pagbabago.