Cover Photo Ni Andrea Vicencio
Cover Photo Ni Andrea Vicencio.

Halina’t puntahan ang iba’t ibang pamana ng ating bansang Pilipinas!


Marahil marami sa atin ang sabik nang makagala o ‘di kaya ang makapasyal sa mga lugar ng mayaman nating bansa; kaya naman, inihahatid na sa ating mga tahanan ang mga obra at pasyalan na tampok ang ating kultura’t pagkakakilanlan.


By Beatrice Quirante | Monday, 24 May 2021

Pandemya, urbanisasyon, at modernisasyon; ang mga kulturang ating kinalakihan ay tila sinasabak ng mga patuloy na pagbabago sa ating lipunan. Bukod sa paggunita ng mga pista at paghahandog ng mga sining sa mga pampublikong pagtitipon, ang mga ito ay makikita na sa ating mga digital screens sa paraan ng virtual tours, webinars, at iba pa. Ganito pinananatiling buhay ang mga obra at makasaysayang pasyalan ngayong National Heritage Month (NHM) 2021.

 

Niyakap ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang temang “VICTORY AND HUMANITY: Upholding Filipino Heritage and Identity” ngayong NHM 2021 bilang pagpupugay sa ika-500 na anibersaryo ng ating tagumpay sa labanan sa Mactan, at ang pagkilala sa Pilipinas bilang bahagi ng unang paglilibot sa mundo noong taong 1521. 

 

Bagama’t limitado ang maaaring gawin sa mga pagtitipon, binuksan ng NCAA ang kanilang pagdiriwang sa buong mundo gamit ang internet. Isa na rito ang “Kisame: Visions of Heaven on Earth-Ceiling Paintings from Bohol Colonial Churches,” isang exhibition sa Ayala Museum, na binuksan ang virtual visit mula Mayo 11 hanggang sa katapusan ng Agosto.

 

Patuloy na pagtibok ng pusong Pinoy para sa kultura’t sining

Bilang isa sa mga pundasyon ng ating kultura at batis ng inspirasyon ng mga alagad ng sining, ang pambansang sining ay patuloy nating pinauunlad at pinamamana. Upang maipasa ang tradisyong pagtangkilik at paggawa sa mga obrang gawang Pinoy, umusbong ang mga online art fair, art auction, visits, livestreams, at performances.

 

Tulad ng Kisame, nagkaroon ng online exhibit ang Art in the Park noong Pebrero 21 hanggang 28, na ibinida ang mahigit 6,000 na mga obra ng mga Pilipino na mula sa mahigit 60 na exhibitors na nakiisa rito. Itinatampok din dito ang mga eskultura at kagamitan na nagagawa ng pagpapalayok. 

 

Sa kulturang paghahabi naman, bakas ang pagtangkilik at suporta sa mga gawa ng katutubong Pilipino sa “Likhang HABI Market Fair noong buwan ng Oktubre 2020, kasabay ng webinar na "Mga Hibla ng Pamana: A Summit on Weaving as Intangible Cultural Heritage.” Masisilayan sa kanilang pook-sapot hanggang sa kasalukuyan ang mga natatanging disenyo at pamamaraan ng paghabi gamit ang mga mga hibla ng bulak, pinya, at abaka. 

 

Ginanap naman ang online art auction ng Leon Art Gallery mula Mayo 6 hanggang 15. Kilala sila sa pagtatampok ng mga sining, alahas, at muwebles na malaki ang naiambag sa kasaysayan ng bansa, tulad ng mga pinta ng mga tanyag na alagad ng sining na sina Fernando Amorsolo, Anita Magsaysay-Ho, Guillermo Tolentino, Arturo V. Luz, at Carlos “Botong” V. Fransisco.

 

Sa mga nais masilayan ang iba pang sining, maaaring maglibot sa National Museum of the Philippines sa 360 virtual tour na pinamagatang "Sulyap Museo: A Virtual Tour of Philippine Museums.” 

 

Bukod sa binubuksan nito ang pintuan upang makilala’t kumita ang mga local artists, pinananatili nitong buhay ang ating kultura at pagkakakilanlan bilang malilikhaing mga mamamayan. 

 

Birtuwal na binuksan ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ang oportunidad para maipakita ang talento ng mga Pilipino sa paggawa at pagpapalawig ng pelikula at ng industriya nito. Pinalawig ng National Committee on Cinema (NCCinema) ng NCAA ang mga kwento ng mga kultura ng iba’t ibang rehiyon sa Cinema Rehiyon, ang kanilang kauna-unahang online film festival, na ginanap ang film screenings noong Marso 26 hanggang 30. Idagdag pa rito ang paghain ng mga libreng pagtatanghal ng mga Pilipinong obra ng Philippine Education Theater Association at Tanghalang Pilipino.

 

Binubuhay din ang talentong Pinoy sa Musikapuluan Pintigan: Serye ng Konsiyerto para sa Buwan ng Sining,” isang online concert na itinatampok ang mga musika ng katutubong Pilipino; at ang “Sayaw Pinoy,” isang online dance concert.

 

Pagyakap ng mga Pilipino sa mga pundasyon ng kanilang pagkakakilanlan 

Pinananatiling buhay ang ilan sa mga tradisyong nakasanayan, tulad ng visita iglesia, sa pamamagitan ng mga 360-degree na mga bidyo ng mga simbahan sa bansa. Sa paraang ito, ang mga UNESCO world heritage sites sa bansa tulad ng Santo Tomas de Villanueva Church sa Iloilo, at Saint Augustine Church sa Ilocos Norte ay maaari nang mabisita kahit birtuwal lamang. 

 

Higit sa pagbabahagi ng kaalaman tungkol sa mga heritage sites sa bansa, dinadala mismo ng PAMANA.ph ang mga ito sa mga kabataan gamit din ang 360 immersive technology. Patuloy nilang ibinubuhos ang kanilang pagmamahal at dedikasyon sa preserbasyon ng ating kultura sa pagpapatuloy ng kanilang proyektong nais i-dokumento gamit ang lahat ng heritage sites sa bansa, mula sa mga simbahan, museo, at iba pang makasaysayang lugar.

 

Tinatalakay ang kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino sa iba’t ibang rehiyon sa “e-Pamanang Turismo series” ng Department of Tourism. Ipinalabas naman ng Intangible Cultural Heritage in the Asia-Pacific Region (ICHCAP) ng UNESCO ang sampung dokumentaryo na itinampok ang mga intangible cultural heritage elements sa bansa. Ilan rito ay mga ritwal, tradisyunal na pagsasayaw, pista at iba pa.

 

Sa kabilang dako, sinimulan ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc. ang kampanyang #SaveSanSebastian sa pagnanais na ibalik ang sigla at katangian ng Basilika Menor ng San Sebastian na nakapaloob sa proyektong ginanap noong Mayo 20, ang “Beyond the Basilica: Heritage Conservation and Appreciation.

 

Marami mang pagbabago ang hatid ng patuloy na pag-arangkada ng Pilipinas tungo sa modernisasyon, marami pa rin ang pilit na pinapanatiling buo ang diwa ng kulturang Pilipino at ang kasaysayan sa bawat sining, lugar, pista, at mga tradisyon. 

 

Sa gayon, sa bawat pagkakataong masisilayan ito ng bagong henerasyon, buo nilang makikilala at madarama ang kasaysayan at pagka-Pilipino ng bawat pamanang ito.