Cover Photo Ni Hannah Lacaden
Cover Photo Ni Hannah Lacaden.

Baylayn 2021: Kabataang mamamahayag, panindigan ang katotohanan


Namayani ang mga responsable at kritikal na kabataang mamamahayag sa timpalak ng BayLayn 2021 na dinaluhan ng 39 paaralan sa bansa, kasama sa talakayan ang tanyag na panauhing tagapagsalita na si G. Raffy Tima at mga influencer na sina Yani Villarosa, Gab Campos, at Raoul Manuel.


By EA Rosana | Friday, 21 May 2021

 

Handog ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ng Pamantasang De La Salle, nag-alab ang diwa ng matapang at mapagpalayang pamamahayag sa matagumpay na programa ng Para sa Bayan at Lasalyano (BayLayn) 2021 mula sa talakayang kasama ang tinitingalang mamamahayag na si G. Raffy Tima pati na ang mga kilalang personalidad na sina Yani Villarosa, Gab Campos, at Raoul Manuel, na ginanap noong Mayo 15, sa Zoom at Facebook Live.

 

Sinalubong ang BayLayn 2021 ng 39 na paaralang kalahok mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, kabilang ang limang kinatawang mag-aaral at kanilang tagapayo sa bawat sekondarya upang linangin ang kanilang kaalaman sa mga isyung panlipunan at tunghayan ang mga nagwagi sa tagisan ng kani-kanilang mga pahayagang pangkampus.

 

Bilang pagsusulong ng tema ngayong taon na “Kritikal na Pag-uulat tungo sa Pagmumulat: Tungkulin ng Kabataan sa Gitna ng Pandemya’t Katiwalian,” binuksan ang programa ng maikling pananalita mula kay Dr. Dolores “Lhai” R. Taylan, ang tagapayo ng Ang Pahayagang Plaridel. Ipinagdiwang ni Dr. Taylan ang APP na naniniwala sa kapangyarihan ng wikang Filipino upang maghatid ng katotohanan para sa Lasalyano at bayan, dahil ang BayLayn ay taon-taong isinasagawa upang magbigay pugay at isulong ang paggamit ng ating sariling wika sa larangan ng pamamahayag.

 

Bukod pa rito, binigyang tuon ni Dr. Lhai ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pahayagang Filipino sa pribado at pampublikong paaralan, upang hubugin ang kabataan bilang mahuhusay at matatapang na mga mamamahayag. 

 

Samantala, nagpahayag rin ang ilan sa mga bumubuo sa APP ng kanilang mga pananaw ukol sa tema ng BayLayn ngayong taon. Ipinaliwanag ni Bb. Rona Hannah Amparo ng APP kung bakit kumikiling sa katotohanan lamang ang media, dahil hindi sapat ang pagiging neutral at mahalagang magkaroon ng makatwirang opinyon.

 

Ipinakilala ang pangunahing panauhin at tagapagsalita na si G. Raffy Tima, isang tanyag na TV Reporter, Senior News Producer, at Anchor mula sa GMA News and Public Affairs na nagsalaysay ng kaniyang karanasan sa mga unang taon bilang mamamahayag. Binigyang tuon ni G. Tima ang pagkakaroon ng matibay na pundasyon sa pagbabalita, kung saan responsibilidad ng kabataang maghayag nang nakaangkla sa katotohanan. Ayon pa sa kaniya, minsan niyang naranasan ang alukin ng pera upang pagandahin ang balita ukol sa ilang pulitiko, ngunit fundamental journalism ang sandigan niya upang maglingkod nang walang kinikilingan.

“Kahit gaano kakumplikado ang kwento, hindi ka mawawala at hindi ka malilito kapag ang pundasyon mo ay nakabase sa pinaka-basic na pamamahayag,” pagdidiin ni G. Tima ukol sa maaaring maging balakid sa industriya na pagbabalita. “Maging masipag, huwag magpadala sa kagustuhang mauna ka sa pagbabalita… See you in the field,” dagdag pa niya bilang huling mensahe sa kabataang mamamahayag.

 

Sa isang open forum na isinagawa ng BayLayn, sinagot ni G. Raffy ang katanungan ng kinatawan mula sa The Benildean patungkol sa kabataang mas pinipiling huwag makialam sa mga napapanahong balita, at kung paano sila hahamigin upang maging responsableng mamamayan. Tugon niya, naniniwala siyang ang lahat ng kabataan ay may pakialam sa mga bagay na kanilang kinahihiligan, ngunit layunin nating himukin ang lahat na magkaroon ng kamalayan sa isyung panlipunan, lalong higit sa kahalagahan ng pagpaparehistro at kapangyarihan ng bawat isang boto sa nalalapit na Halalan 2022.

 

Pinangunahan ng mga kapwa podcast host, vlogger at content creator na sina Yani Villarosa at Gab Campos, katuwang ang youth leader at national convenor ng Youth Act Now Against Tyranny Raoul Manuel ang isang maikling diskusyon na tumatalakay sa laban ng kabataan sa labas ng social media. 

 

Pinagtuunan ni Villarosa kung gaano kalaki ang impluwensya ng sinuman sa social media upang baguhin ang diskurso at palakasin ang tinig na pumipiglas para sa katotohanan. Ayon naman kay Campos, ang bawat diskurso ay marapat na laging two-way, kung saan natututo rin tayong makinig at hindi lamang pumuna at magbahagi. Dagdag pa ni Raoul, mapagtanto sana ng kabataan ang benepisyo ng kanilang edad at ang kapangyarihan ng social media upang puksain ang maling paniniwala at itama ang nakatatanda para sa ikauunlad ng bansa.

 

Nagwakas ang programa sa Gawad Parangal na inihandog para sa mga pinakamahuhusay na pahayagang pangkampus ng sekondarya sa buong Pilipinas, kung saan iginawad sa mga nagwagi ang mga sumusunod: Bahaghari ng Philippine Science High School - Central Luzon Campus para sa Pinakamahusay na Pahina ng Balita at Pinakamahusay na Pahina ng Editoryal; Ang Beato ng University of Santo Tomas Junior High School para sa Pinakamahusay na Pahina ng Isports; Ang Kalasag mula sa Virgen Delas Flores High School para sa Pinakamahusay na Pahina ng Lathalain; Visions and Voices ng Holy Child Catholic School para sa Pinakamahusay na Koleksyon ng Dibuho at Pinakamahusay na Paglalapat ng Dyaryo; at Ang Ampiyas ng Mataas na Paaralan ng Dalubhasaang Columban Barretto para sa Pinakamahusay na Koleksyon ng Larawan.

 

Sa huli, itinanghal bilang Pinakamahusay na Publikasyong Pangmag-aaral sa BayLayn 2021 ang Visions and Voices ng Holy Child Catholic School. Sinundan ito ng Paracletan mula sa Holy Spirit Academy of Malolos at Bahaghari ng Philippine Science High School - Central Luzon Campus na nag-uwi ng ikalawa at ikatlong pwesto ayon sa pagkakabanggit para sa nasabing parangal.