Layout Nina Ben Allie Antonio At Hannah Lacaden
Layout Nina Ben Allie Antonio At Hannah Lacaden.

Pagpuno sa Puwang


Sa kolektibong pagkilos ng kababaihan, makikita ang katatagang magsisilbing lakas sa lipunang pauunlarin.


By Chloe Mari Hufana, and Stefani Tacugue | Tuesday, 2 March 2021

Ayon sa World Health Organization, 35% ng kababaihan sa buong mundo ang nakararanas ng pisikal at sekswal na pang-aabuso. Samantalang sa Pilipinas, araw-araw ay 18 kaso ng panggagahasa ang naitatala ng Philippine National Police. Sa kabila ng mga batas na ipinatupad, ganito pa rin kalubha ang pang-aabuso sa mga biktima, lalo na sa kababaihan. Dahilan upang mahinuhang ang implementasyon ng mga batas ukol sa proteksyon ng mga bata at babae sa bansa ay hindi pa rin ganap na nasusunod. Sa mga biktima ng pang-aabuso, banta rin ang pagkukubli sa tahanan sa kanilang buhay. Ito ay dahil sa pagsasamantalang maaring gawin ng mga salarin sa kanila.

Ngunit hindi lamang sa tahanan nagaganap ang krimen, nauso na rin ang cyberbullying. Talamak sa uri ng pananamantalang makikita ay ang pagbabanta ng mga salarin sa kababaihan at pag-iiwan ng sexist remarks. Maliban pa rito, hindi na rin bago ang terminong “victim-blaming” na karaniwang nakikita. Ilan lamang ang mga ito sa mga pagsubok na kinakaharap ng kababaihan sa panahon ngayon. Subalit kahit na ito’y isang labang tila walang katapusan, mayroong iba’t-ibang kababaihan ang gumagamit ng kanilang boses at kapangyarihan upang labanan ang mga ito.

Ang kababaihan ng kagitingan

Hindi madali ang pagsubok ngunit, hindi alintana ito sa mga babaeng malugod na nakikiisa sa pagpupunyagi ng kapwang nagdurusa at nahihirapan. Alamin ang kanilang salaysay sa kung papaano nila itinaguyod ang bawat adbokasyang kanilang ipinaglalaban.

 

Risa Hontiveros

Sa panunungkulan ng senador, binigyang diin ni Risa Hontiveros ang pangyayaring kailangang tiisin ng mga kababaihan: ito ang araw-araw na pamumuhay sa takot ng pambabastos. Aniya, nagsisimula ang karahasan sa pananalita tulad ng catcalling at wolf-whistling na kadalasa’y nagreresulta sa pisikal na pang-aatake ng mga salarin sa biktima. Tuluyang naisabatas ang panukalang “Bawal Bastos Law” noong Hunyo 25, 2020. Ang batas na ito ay naglalayong protektahan ang mga biktima ng gender-based sexual harassment. Sa kabila ng mga balakid na kinakaharap ng senador, nanatili ang kanyang pagtindig at adbokasya sa karapatan ng kababaihan.

 

Liza Maza

Mula sa paglilingkod bilang isang estudyanteng lider sa Unibersidad ng Pilipinas, patuloy na iniaalay ni Liza Maza ang kaniyang serbisyo sa kasalukuyan para sa masa. Kilala rin siya bilang isang taong hindi natatakot na isaboses ang mga suliranin at mga sanhi nito sa kongreso nang siya ay umupo bilang kinatawan ng Gabriela Women’s Party. Ang kaniyang panunungkulan sa partido at pagiging mambabatas sa kongreso ang nagbigay sa kanya ng karagdagang oportunidad upang isakatuparan ang mga magagandang pangarap para sa manggagawa, magsasaka, at kababaihan.

 

Leni Robredo

Bilang pangalawang babaeng bise-presidenteng umupo upang pagsilbihan ang bansang Pilipinas, kilala si Leni Robredo bilang isang tagapagtaguyod ng mga karapatan ng kababaihan. Hindi rin bago kay Robredo ang makatanggap ng mga misogynistic na pambabatikos mula mismo kay Pang. Rodrigo Duterte. Subalit, isang matapang na babae kung maituturing, ginagamit parati ni Robredo ang kaniyang boses upang punain ang mga pambabastos na ginagawa laban sa kaniya, at sa iba pang kababaihan.

 

Angel Locsin

Bilang isang Darna sa tunay na buhay, pinatunayan ni Angel Locsin na ang pagtulong ay hindi lamang dapat mamataan sa pelikula. Sa kasagsagan ng krisis, muling naging matunog ang pangalan ni Locsin dahil sa kabutihang ginagawa nito sa iba’t ibang komunidad. Para sa kaniya, ang pangunahing mithiing gusto niyang isakatuparan ay ang pagpaparamdam ng kaniyang presensya sa pamamagitan ng pagpapaalam sa mga tao na may makikinig at kakalinga sa kanila. Sa kaniyang Instagram account, nag-upload ang artista ng litrato na nakataas ang kamay at mayroong black and white na filter na kung saan inilahad niya ang datos ng pang-aabuso laban sa kababaihan sa bansa, kasama ang USAID at Lunas Collective. Matatandaan din ang “carwash audition” sa Pilipinas Got Talent, kung saan tinanggihan ni Locsin ang mga mananayaw at iginiit na ayaw niyang lalong ma-objectify ang kababaihan sa telebisyon; isang aktong kinumenda ng Gabriela Women’s Partylist.

Pagbangon sa bangin

Hindi madaling bumangon mula sa pagkalugmok na dulot ng opresyon. Araw-araw ay may napapanood o nababasa tungkol sa mga pambabastos laban sa mga kababaihan. Marahil ay karaniwan na lamang ito para sa karamihan, ngunit hinding-hindi ito magiging madaling kalimutan para sa mga biktima. Mayroon mang mga batas na pumo-protekta sa mga karapatan ng kababaihan, hindi pa rin mawawala ang takot na magsalita ukol sa pinagdaanang unos.

Maraming epekto ang nagagawa ng mga pang-aabuso laban sa mga kababaihan. Ilan na lamang dito ay depresyon, post traumatic stress disorder, anxiety, at iba pang may kaugnayan sa mental na kalusugan.

Subalit dahil sa hawak-kamay na pagtutulungan ng mga eksperto at mga tagapanguyod ng mga karapatang pambabae; nagkakaroon ng mas maluwag na daanan patungo sa kabilang parte ng tulay at na siyang tumutulong magbigay kaalaman ukol sa isyung nakapaloob dito. Talamak din ang online movements, gaya ng #HijaAko at #MeToo, upang tulong-tulong na makiramay sa bawat babaeng may napagdaanang ‘di kanais-nais.

Tandaan, hindi mo ito kailangang pagdaanang mag-isa.

Maaari mang panghinaan ng loob at matakot mag-kwento tungkol sa iyong karanasan, mayroong mga online therapy programs na maaaring salihan upang gumaan ang pakiramdam. Mahalaga ring tandaan ng bawat isa ang kapangyarihan ng mga salita. Ang isang negatibong komento sa Facebook ay malayo ang mararating para sa biktima; ganon din ang isang positibong komento. Lahat ng ating iniiwan online ay mag-iiwan ng bakas sa mga nakakabasa.

Maliit man o malaki, ang bawat babae ay mayroong kayang patunayan. Umiral man ang iba’t-ibang miskonsepsyon sa kanila, araw-araw namang lumalantad ang kanilang tagumpay at kayang patunayan. Mahaba pa ang progresong pagdadaanan ng lipunan upang pagtibayin ang dignidad ng kababaihan, ngunit ang responsibilidad na ito ay hindi lamang dapat sa kanila nakaangkla. Sapagkat hindi lamang sila ang bumubuo ng mundo; ang bawat isa ay nararapat na matuto sa tunay na kahulugan ng kabutihan.

Sa pagpapalakas ng kababaihan, maitatatag ang matibay at maunlad na komunidad. Ito ay dahil maitatrato sila nang maayos at mabibigyan ng pantay na oportunidad tulad ng pagbibigay sa kalalakihan. Maaabot nila ang kanilang potensyal at mas mapapadali ang pagkakataon sa kanila upang maging ganap na malaya at ligtas.

Sapagkat ang mga babae ang nagsisilbing gulugod ng lipunan, hindi akma ang salitang “lang” upang sila ay ilarawan.