Cover Photo By Kurt Lucas
Cover Photo By Kurt Lucas.

#StopTheKillingsPH: Nasaan ang hustisya mula sa mga taong nanumpang magprotekta?


Kung hindi ka ipagtatanggol ng mga taong dapat na magliligatas sa’yo, sino ang pupuntahan mo?


By Benildean Press Corps | Tuesday, 29 December 2020

Muling umani ng pansin ang hindi matigil na isyu ng paglabag ng karapatang pantao ng ilang mga pulis noong Disyembre 20 nang kumalat ang bidyo ni police senior master sergeant Jonel Nuezca na walang habas na binaril ang mag-inang Gregorio sa harap ng maraming tao, kabilang ang sariling anak. Dagdag ito sa patong-patong na kaso ng pagmamalupit ng mga pulis sa mga taong walang kalaban-laban, dahilan upang masabing hindi ito isang “isolated case.

Sa kabila ng pandemya, isang panahon kung saan labis ang aksyon upang maisalba ang buhay ng mga nadapuan ng COVID-19, talamak pa rin ang mga kasong pagpatay na ‘di lamang kagagawan ng mga ordinaryong mamamayan, kundi pati na rin ng mga tinaguriang tagapanggalaga ng ating kaligtasan. 

Hindi isang “isolated case”

Tumututol ang Benildean Press Corps sa pagtukoy sa mga kaso ng mag-inang Sonya at Frank Gregorio bilang isang isolated case sapagkat bahagi ito sa sunod-sunod na kasong pagmamalupit ng mga pulis sa mga nakaraang buwan at sa ilalim ng pinag-iinitang War on Drugs.

Sa nalalapit na pagtatapos ng taong 2020, samu’t saring kaso na ang inihain sa korte at maraming pulis na ang nahatulan ng kasong murder, planting of evidence, at perjury. Saklaw nito ang mga kasong pagpatay sa mga ‘di armadong sibilyan tulad na lamang ni Winston Ragos na mayroon pang kondisyon sa pag-iisip. Karaniwang depensa nila ay “nanlaban” ang mga biktima, kung saan sa ilang mga kaso, batay sa nakalap na ebidensya ng National Bureau of Investigation (NBI) ay napatunayang kasinungalingan lamang.

Tulad ng mga bagong nalutas na kaso nina Kian Delos Santos, Carl Arnaiz, at Reynaldo de Guzman, ipinataw ng korte sa mga sangkot na pulis ang kasong murder, torture, planting of drug evidence at planting of firearms evidence. Isang sampal sa akusasyong “nanlaban” at “armado” ang mga kabataang ito.

Bagamat lumitaw na ang katotohanan at nabigyan ng karampatang parusa ang mga may sala, hindi pa rin dapat makalimutan ang sinapit ng mga biktima sa kamay ng mga abusadong awtoridad. Ang patuloy na tumataas na bilang ng kasong pagmamalupit ng mga pulis, na walang pinipiling biktima, oras, at lugar, ay ipinaparating na kahit na sino ay pwedeng matamaan ng ligaw na bala.

Sa likod ng gatilyo

Marami sa mga kasalukuyang kaso ng pagmamalupit ng mga pulis ay mayroong kalakip na bidyo upang masuri ang katotohanan sa likod ng krimen na sangkot ang kapulisyahan.

Subalit maaaring nananatiling malakas ang kumpiyansa nila na makatakas sa mga krimeng ginawa sapagkat sila rin mismo ang tatakbuhan ng mga biktimang kanilang pinagmalupitan. Bilang resulta, lumilitaw pa rin sa balita at social media ang mga hinaing ng mga testigo para sa hustisya. 

Dagdag pa rito ang kasiguraduhan na ibinibigay ng pangulo na sila ay nasa ilalim ng kaniyang proteksyon at mayroon silang pahintulot na pumatay ay maaaring pinapalakas ang kumpiyansa ng ilang mga pulis na abusuhin ang kanilang kakayahan.

Sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril 1, sinabi niyang hindi siya manghihinayang na ipapatay sa kaniyang mga sundalo at pulis ang mga nanggugulo o ‘di sumusunod sa quarantine violations, aniya “I will not hesitate [to order] my soldiers to shoot you. I will not hesitate to order the police to arrest and detain you…”  (Hindi ako magdadalawang-isip na utusan ang aking mga sundalo na ika’y barilin. Hindi ako magdadalawang-isip na utusan ang mga pulis na ika’y arestuhin at pigilin). Sa huli, nagbitiw siya ng kontrobersyal na pahayag na “Shoot them dead” (Patayin mo sila).

‘Di pa sapat ang mahigit 8,600 na pinatay sa laban kontra-droga na mainit sa mata ng mga human rights activists, maging sa ibang bansa, kung saan ang numerong ito ay maaaring triple pa sa katotohanan. Ani ng pangulo, “Gusto ko pumatay ka diyan ng… Basta droga, barilin [o] patayin mo, ayan ang usapan eH,” ukol sa inaprubahang mga armas para sa mga kapulisyahan sa isang miting ng mga gabinete noong Setyembre 1.

Hindi matatahimik hangga’t hindi maayos ang sistema

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa ilan sa mga panibagong kasong lumutang ngayong taon. 

Kabilang dito ang kaso ni Ragos na sinampahan ng NBI ang pulis at ang apat na trainees ng murder, perjury at planting of evidence; at ang diumanong pagpaslang sa dalagita ng mga pulis matapos nitong magsampa ng “molestation report” laban sa mga sinabing pulis. 

Hangga’t hindi mabibigyang hustisya ang bawat kasong pagpatay sa mga mamamayan, hindi matatauhan ang mga abusadong mga kapulisyahan. Hangga’t mayroong nakatatakas sa ganitong mga krimen, lumalakas nang lumalakas ang kanilang kumpiyansa na sila’y hindi sakop ng batas.

Ang patuloy na isinasagawang imbestigasyon sa kasong murder at planting of evidence sa apat na mga pinatay na army intelligence officers sa Sulu, kasong murder sa 13 na anyos na si Aldrin Pineda, kasong murder ng 17 na anyos na si Joshua Laxamana, at ang iba pang mga kasong bakas ang pagmamalupit ng mga kapulisyahan ay indikasyon na ang taumbayan ay hindi matatahimik hangga’t hindi maaayos ang sistema. 

Marami nang kaso ang inihain sa korte, at hinaing ng mga testigo't pamilya ng mga biktima na minulat ang taumbayan sa patuloy na umiiral na maling sistema sa kapulisyahan. Lalo itong nabibigyang pansin dahil sa bilis ng pagkalat ng balita sa social media, kabilang na ang mga bidyo na pinaiigting ang pahiwatig na respetuhin ang karapatang pantao.

Ang tanong ngayon ay: Ilan pa kayang kasong katulad nito ang hindi umabot sa social media at naibalita? Ilan ang hindi nakunan ng bidyo? At ilan ang hindi pinalad na bigyang hustisya?