Cover Photo By Kai Javier
Cover Photo By Kai Javier.

Mga sabi-sabi sa pagsapit ng dilim


Tuwing sasapit ang dilim, mas lumalakas ang ugong ng mga sabi-sabi–tila nagkakaroon ng kapangyarihan ang dilim upang gawing katotohanan lahat ng kwentong-bayang naririnig natin mula sa mga nakatatanda.


By Chloe Mari Hufana, and Beatrice Quirante | Saturday, 31 October 2020

Parte na ng kabataan ng bawat Pilipino ang mga kakila-kilabot na mga kwento ng mga nakatatanda. Pagsapit ng dapit-hapon, kaniya-kaniyang diskarte sila upang mapatigil sa paglalaro ang mga bata at mapa-uwi sa kanilang mga bahay-bahay. Mula sa mga ‘di matahimik na kaluluwa at mga “kumaw” na kumukuha ng mga bata, iba’t-ibang kwentong-bayan ang bumalot ng katatakutan sa’ting mga imahinasyon.

 

Ang mga kwentong-bayan ay karaniwang nagsisimula sa mga baryo at mga probinsyang malalayo sa malalaking mga siyudad. Para sa propesor na si Carlos P. Tatel Jr., ang urban legends ay parte ng kultura sapagkat ang mga ito’y mga sabi-sabi na ipinapasa, karaniwan ng mga matatanda. Kasabay ng paglubog ng araw ay ang pag-usbong ng mga kwento ng katatakutan. 

 

Ngunit, ang ilan sa mga ito ay hindi ganito ang pakay, bagkus ay ang paninira sa mga establisiyemento at maski na reputasyon ng mga tao, gaya ng snakeman sa Robinson’s Galleria. Samantala, mayroon ding mga manunulat na ang pakay ay kumita lamang ng pera kung kaya’t mas pinipiling gawing mas katakot-takot ang kanilang mga kwento, dahilan kung bakit mas lalong kumakalat ang mga kwentong-bayan.

 

Sa huli, maski ano mang pakay ng mga tao sa pagkakalat ng mga kwentong-bayan, hindi pa rin maiaalis ang kilabot na dala ng mga ito at maski na ang pinsalang iniiwan sa mga biktima.

 

Romblon Triangle: Tatsulok ng Takot

Sa North Atlantic, matatagpuan ang kinakatakutan ng mga mandaragat na Bermuda Triangle. Lingid sa kaalaman ng nakararami, dito sa Pilipinas ay mayroon ding ganitong lugar at matatagpuan sa Sibuyan Sea, malapit sa Mindoro, Panay, at Masbate, sa lalawigan ng Romblon. 

 

Ang tinagurian ding “Devil’s Triangle” ay puno ng misteryo sapagkat sa parteng ito ng dagat ay nanguha na ng libu-libong mga buhay at ilang mga barko sa loob ng 60 na taon. Noong 1980, ang barkong Don Juan na may higit 1,000 pasahero ay nakabangga ng isang oil tanker at lumubog. Noong 1987, ang barkong Dona Paz na may 4,000 na laman ay nakabangga rin ang isang oil tanker at lumubog. At panghuli, noong 2008, ang barkong Princess of Stars na may higit 1,000 pasahero ay lumubog dahil sa bagyo. Hindi lamang dito nagtatapos ang listahan, sapagkat maraming mga sirang barko at bangka ang makikita sa ilalim ng dagat. Ang mga residente ng Sibale Island, ang islang malapit sa triangle, ay naniniwalang mayroon ding ghost ship tuwing gabi at kumikinang ito na parang ginto.

 

Dahil sa limang oras na layo nito, gamit ang bangka, mula sa kabisera ng Romblon, napabayaan na ito ng lalawigan at humihingi ng tulong ang mga residente ng isla na i-angat ang kanilang lugar. 

 

Ngunit para sa mangingisdang si Noel Fedelen, ang paghihirap sa kanilang isla ay dala ng sumpa ng ghost ship of Lolo Amang. Dahil sa kahirapan at pinsala sa reputasyong dala ng Romblon Triangle, maihahalintulad na rin sa pamumuhay sa sementeryo ang buhay ng mga taga-Sibale.

 

The Devil’s Mountain

Taliwas sa Bundok Banahaw na tinaguriang “Holy Mountain,” ang bundok San Cristobal sa gitna ng Laguna at Quezon ay kinikilalang “The Devil’s Mountain” ng mga residente malapit dito. Mayroong mga sabi-sabing nagsisilbing bantay ng bundok ang “tumao” na tinaguriang Big Foot ng Pilipinas. Hindi lamang iyon, mayroon ding mga kwento na mismong ang demonyo ang naninirahan dito. Pinaghihinalaan ang mga kakaibang nilalang na nakatira rito ang dahilan ng pagkawala ng mga turistang umaakyat sa bundok.

 

Mayroong mga sabi-sabi na may dalawang magkasintahan na umakyat sa bundok na patungo sa campsite, subalit imbis na kumanan papunta sa tamang daanan, sila’y kumaliwa, at hindi na nakita pa. Hindi rito nagtatapos ang misteryo sapagkat ayon sa mga residente nakikita nila ang mga kaluluwa ng mga nawawala, kabilang ang magkasintahan, at ang iba ngang umaakyat sa bundok ay minsa’y sinusundan ang mga kaluluwang ito na bigla-biglang naglalaho at dinadala pa sila sa trahedya. 

 

Biringan: Sa Paglitaw ng Nawawala

Literal na salin mula sa Waray na ang ibig sabihin ay “hanapan ng mga taong nawawala,” ang Biringan ay ang pinaniniwalaang tahanan ng mga engkanto na matatagpuan sa probinsya ng Samar. 

 

Itinampok ng GMA News ang isang dokumentaryo tungkol dito. Ayon kay Jonas T. Lim, isang opisyal para sa sining at kultura, magugulat na lamang ang mga residente malapit sa lugar dahil saku-sakong mga semento at iba pang mga gamit, na ‘di umano’y bayad na, ang may address na Biringan. Sa isa ring dokumentaryo ng Kapuso Mo, Jessica Soho, isinalaysay ni Aling Potenciana ang kaniyang karanasan noong may dalawang lalaki ang kumuha sa kaniya at dinala siya sa Biringan. Siya’y binigyan ng kanin na kulay puti at itim, ngunit aniya, hindi niya ito tinanggap. Aniya, kahit na nais mong makita ang nawawalang lungsod, hindi ito posible sapagkat ang mga imbitado at natitipuhan lamang ng mga residente ng Biringan ang makakakita rito. 

 

Taliwas sa mga katakatang mga lungsod, ang Biringan ay maihahalintulad sa mga malalaking siyudad gaya ng Hong Kong at New York. Ito’y puno ng mga makabagong imprastraktura at tila mga katedral na porma ng mga gusali. Ani rin Aling Potenciana, karamihan sa mga tao rito ay hindi katakot-takot ang mga anyo, bagkus sila’y normal na tao.

 

Manila Film Theater: Isang malaking puntod

Sa kamamadali sa paggawa ng gusali, noong Nobyembre 17, 1981 ng alas-tres ng umaga, ang scaffolding ng ika-apat na palapag ay bumagsak at ibinaon sa semento ang 169 na manggagawa. Nagkaroon ng media blackout matapos ang insidente, at pinahintulutan lamang na pumasok ang mga respondante matapos ang siyam na oras. Sa tagal na nakabaon sa semento, ‘di maikakaila kung bakit karamihan sa mga manggagawa ay inilabas na bilang mga bangkay, kung saan nagmistulang isang malaking puntod ito sa Pasay.

 

Patong-patong na ang kababalaghan ang ipinaabot ng ‘di matahimik na mga kaluluwang nasa gusali. Ayon sa mga sabi-sabi, minsa’y sa likod ng entablado, may mga pagkakataong may kakaibang amoy na umaalingasaw kasabay ng malamig na hanging tila humahaplos sa balat ng mga naroroon.

 

Ang nag-udyok na ipagpatuloy ang paggawa sa kabila ng trahedya, na si Betty Benitez, ay na-aksidente sa kanyang kotse makalipas ng ilang buwan. Sinasabi ng iba na isa ito sa mga paghihiganti ng mga kaluluwang tila hindi binigyan ng katarungan.

 

Totoo o hindi man, hinubog ng mga kwentong ito ang kultura at paniniwala nating mga Pilipino simula pagkabata. Mga kwentong nagsilbing sagot sa mga pangyayaring walang kasagutan, palatandaan ng isang kalupitan, o panakot sa mga mananakop; ang pagbabalangkas ng mga ito ay tinulak tayo na paniwalaan ang mga bagay-bagay na hindi pa natin tuwirang nararanasan. 

 

Alinman doon, nagsilbi ang mga itong gawi na nag-udyok sa ating mga Pilipino na payabungin ang ating panitikan. At higit sa pagiging sabi-sabi lamang, ang mga ito’y palatandaan na manatili tayong mapagmasid at alisto sapagkat sa laki ng mundo.

 

Sa tingin mo, ilang mga mata ang nagmamasid sa’tin sa dilim?

Last updated: Saturday, 31 October 2020