Cover Photo Taken From Youth Movement Against Tyranny Official Facebook Page
Cover Photo Taken From Youth Movement Against Tyranny Official Facebook Page.

YMAT webinar binigyang diin ang mga pagkakatulad ng Batas Militar noon at ngayon


Sa ika-48 na anibersaryo ng pagpapatupad ng Batas Militar, nagsagawa ang Youth Movement Against Tyranny (YMAT) ng isang webinar upang talakayin ang kanilang mga karanasan noon at ikumpara sa sitwasyon ng bansa ngayon.


By Chloe Mari Hufana | Wednesday, 23 September 2020

Sa ika-48 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar ni dating Pang. Ferdinand Marcos, nagsagawa ang alyansang Youth Movement Against Tyranny (YMAT) ng webinar na pinamagatang "Martial Law Noon at Ngayon: Dissecting the Marcos and Duterte Regime" noong Setyembre 20 upang suriin ang termino ng dating diktador sa kasalakuyang pamumuno ni Pang. Rodrigo Duterte.

Ayon sa lead convener at tagapagsalita ng YMAT na si Andrea Trinidad sa interbyu kasama ang The Benildean, nilalayon ng webinar na “magbigay-alam sa sitwasyon ngayon ng bansa.” Para kay Trinidad, “maihahalintulad at nahigitan na ni Duterte ang kanyang idolo na si Marcos sa pagiging tiraniko.” 

Ang nasabing organisasyon ay "alyansa ng mga student councils, student publications, at youth organizations na naglalayon na pagkaisahin ang mga kabataang Pilipino" laban sa mga katiwalian. Para sa kaniya, “ang pag-alaala sa Martial Law ay dapat mas magtulak sa ‘tin upang kumilos para depensahan ang ating mga karapatan. Hindi dapat tayo mapatahimik bagkus ay mas maging matapang pa sa paglaban.”

Mga karanasang nag-iwan ng kaalaman

Dalawa sa naging 35,000 na biktima ng Batas Militar ang nagsilbing tagapag-salita ng nasabing webinar. Ang propesor na si Jose Maria "Joma" Sison, na kabilang sa mga inarestong aktibista noong 1977, ay nagbigay-ideya sa pagkakapareho ng mga rehimeng Marcos at Duterte.

Maliban sa pagpapatupad ng Batas Militar at pagtawag sa dalawang administrasyon bilang “pasista” at “diktaturyal,” kaniyang ibinahagi ang paggamit ng political cronies ng dalawang pangulo upang mapagtibay ang kanilang mga administrasyon at pakikipag-ugnayan nila sa mga mayayamang dayuhang negosyante. Bukod pa rito, binanggit niya rin ang pagkakapareha nila sa pangungutang sa iba’t-ibang mga bansa upang tustusan ang mga pangangailangan ng Pilipinas. 

”Maghanda ang Pilipinas sa maaaring pagdeklara ni Duterte ng anumang batas na siyang magpapahaba sa kaniyang administrasyon,” ani Sison.

Tinalakay rin ni Sison ang paggamit ng parehong administrasyon ng pwersa ng militar, aniya ay "halos 55% ng pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay makikita sa Mindanao, at nilalabanan ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA)". Makikilala si Sison bilang tagatatag ng Kabataang Makabayan, Communist Party of the Philippines (1969), at ng NPA (1969). Noong panahon ni Marcos ay aktibong nakikiisa si Sison upang magsagawa ng rebolusyon, kung kaya’t siya’y naging mainit sa mata ng gobyerno.

Dagdag pa niya, malayo na ang lakas ng mga rebolusyonaryo kaysa sa mga “kalaban” sa panahon ngayon, kung ikukumpara sa panahon ni Marcos. Aniya, sa militar lamang lumalamang ang kampon ng gobyerno, ngunit mas malakas pa rin ang taumbayan. 

“It is blind and deaf in its search and destroy operations because it lacks the support” [Ito’y bulag at bingi sa paghahanap at sinisira ang mga operasyon sa kakulangan sa suporta], dagdag pa niya. Kaniyang tinapos ang diskurso sa pagsasabi ng “isulong ang kilusang pambansa demokratikong kilusan! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!”

Matapos magsalita ni Sison ay ang dating paring si Luis Jalandoni ng Diocese of Bacolod naman ang nagbahagi ng kaniyang karansan noong panahon ng Batas Militar. Aniya, noong 1972 ay isa siyang Social Action Director, kung kaya’t nakasalamuha niya ang mga sugar workers. Kaniyang ibinahagi ang paghihirap ng mga manggagawa na dahilan ng kanilang pag-aalsa laban sa mga haciendero kaya't ito ang rason kung bakit inaresto ang mga manggagawa. Ayon kay Jalandoni, naging malapit siya sa kanila, naging miyembro rin siya ng Christians for National Liberation, at nakisama sa mga kabataang aktibista, mga dahilan kung bakit siya naging mainit sa mata ng mga sundalo.

Setyembre 1973 nang siya’y tuluyang mahuli at kinulong sa Bacolod ng tatlong linggo, isang linggo sa Cebu, at halos labin-isang buwan sa Fort Bonifacio. Aniya, maski sa loob ng bilangguan ay patuloy pa rin ang kanilang rebolusyonaryong gawain. 

Patungkol sa patuloy na laban kontra diktaturya, bilin ni Jalandoni na kailangan pa ring maging “very sharp, vigilant, and creative.” Idinagdag niya rin ang patuloy na paghihirap ng mga Pilipino sa sektor ng agrikultura at iminungkahi niya na mas mainam na magkaroon ng land reform policies at maayos na negosasyon. Para kay Jalandoni, malaki ang gampanin ng sektor na ito upang maiangat ang pamumuhay ng mga Pilipino.

Ang huling tagapagsalita ng webinar ay mula sa sektor ng kabataan, na si Mark Fernando, tagapangulo ng Anakbayan Metro Manila na tinalakay ang mga implikasyon ng pagbabalik ng Batas Militar sa bansa. Sa kaniyang diskurso, kaniyang ibinahagi ang mga kaganapan sa administrasyong Duterte, kagaya ng Oplan Tokhang at pagpapatupad ng Batas Militar sa Marawi noong 2017.

Para kay Trinidad, “kayang-kaya ng kabataan na pag-aralan at suriin ang lipunang kanilang ginagalawan. Isa ang sektor ng kabataan na may kakayahang impluwensyahan ang opinyon ng publiko sa mga isyung panlipunan.”