Ang Tayo sa Huling Buwan ng Taon (2019) ay sinusundan ng nauna nitong pelikula, Ang Kwento Nating Dalawa (2015). Ito ay ayon sa direksyon at panulat ni Nestor Abrogena, na dating propesor sa De La Salle-College of Saint Benilde, kung saan karamihan ng eksena ng Ang Kwento Nating Dalawa ay kanyang kinuhanan sa School of Design and Arts (SDA). Si Abrogena ay kasalukuyang isang kilalang Production Designer, kung saan halimbawa ng kanyang mga gawa ay ang Manananggal sa Unit 23B (2016), at Can We Still be Friends? (2017).
Sinasalaysay ng pelikulang Tayo sa Huling Buwan ng Taon ang limang taon na pagkakahiwalay ng mga tauhan na sina Isa at Sam, at ang kanilang muling pagkakita bitbit ang kanilang bagong buhay at mga pananaw. Kung dati, ang kwento ay umiikot sa kanilang dalawa lamang na tila walang pakielam sa kapaligiran, ang ikalawang kwento ito naman ay tungkol sa mundo na nakapalibot sa kanila.
Higit pa rito, makikita sa unang pelikula ang dalawang magkasintahan na nakasakay sa tren ng MRT kung saan ang lalaki ay binabantayan ang babaeng nakatulog na. Sa karugtong nito, ipinapakita na magkausap ang dalawa sa telepono, pauwi na galing sa kanilang trabaho ngunit hindi na ang isa’t isa ang inuuwian nila. Ang kanilang mundo, maaaring magkalapit, ay unti-unting kumukupas na’t hindi na umiikot sa isa’t isa.
Bilang isang estudyante Digital Filmmaking sa Benilde, para sa aki’y ang pelikulang ito ay pasok sa tinatawag na “mood” film. Minsan, hindi ito tungkol sa kwento o mga lines, kundi sa paano ito kinuhanan—ang tahimik o maingay na paligid, o ang musika na pumapalibot dito. Ipinagmamalaki naman ni Tey Clamor ang mundo ng sinematograpiya mula sa itaas ng gusali, o ang mga masisikip at malalawak na espasyo. Ito ang isa sa mga pelikula na kakausapin ka gamit ang biswal. Hindi mo sila naririnig; pero nakararamdam ka ng kakaunting koneksyon. Sa sinematograpiya, maaakit ka sa mga malulungkot na mata nina Isa at Sam na gusto pa rin hanapin ang sarili nila. Minsan, may mga eksena na mararamdaman mo ang pagkakulong o pagkalaya ng mga karakter sa blockings na ipinapakita, gaya ng eksena sa itaas ng gusali.
Nakuhanan ang pelikula noong Disyembre 2018, kung saan masagana at makukulay ang mga gabi. Sa hapagkainan, mababanggit ang paborito nating ulam, Sinigang, at mapapaisip tayo kung gaano natin nababalewala ang mga tila pagkaraniwang eksena na ito. Ito ang karaniwang araw sa isang pamilyang Pilipino: ang pamimigay ng regalo, o ang pagpapaalam sa isang pamilya na mangingibang bansa na. Maaalala natin ang tindi ng biyahe at commute, at ang pakiramdam kasama ng iyong minamahal. Ang pelikula ay mas umiikot sa buhay, hindi sa pag-ibig.
Makata, pero walang hustisya
Ngunit ang pelikula ay hindi lamang biswal. Sa Ang Kwento Nating Dalawa, makikita na ang pelikula ay nainspira sa 1995 na pelikulang Before Sunrise ng direktor na si Richard Linklater, na maraming pandagdag na pabago-bago sa eksena at mga linya. Ngunit ang dayalogo—kahit ang intensyon ay natural sa pagsasadula—ay minsan walang kinalaman, walang pandagdag o pakulo sa mga pangyayari.
Sa pelikula, tinuturuan tayo na maraming nakasalalay sa isang karakter base sa mga kilos at desisyon na ginagampanan niya. Sa kalagitnaan ng pelikula, ang kilos pa rin nito ay mabagal, halos nawawalan ka na ng gana na suportahan silang dalawa. Mapapatanong ka—dapat pa ba sila magkita? Napakalaki na ng pinagbago, kaya kung sakali, sila pa ba’y magbabago?
Kapansin-pansin din na nagsimula ang pelikula bilang makata; ngunit habang tumatagal, lumipat ito sa pagiging natural. Tila ang film treatment ay pabago-bago.
May mga oras na hindi akma ang pagganap, kagaya ng eksena ni Sam at ng kapatid niya. Kadalasan ay napapalabis, na para kang nanunuod ng teatro kaysa sa pelikula. Halimbawa na lang ang eksena noong nag-aaway sina Sam at Isa sa labas—kasama ang kaguluhan at kaingayan ng Metro Manila. Mapapaisip ka kung makatotohanan ba ito, na mabuti pa sanang naghanap sila sa isang pribadong pwesto upang pagusapan ang nakaraan.
Dagdag pa rito, hindi rin masyadong mararamdaman ang chemistry nina Isa at Sam. At kung uulitin, parang kulang ang mga “stakes” na dapat ba maging silang dalawa. Ang nakikita ko lamang ay dalawang tauhan na nakalipas na. Oo, matatawag na bawal ang relasyon nila sa unang pelikula, pero wala naman ibang rason na naging sila kung hindi na parehas umiikot ang mundo nila sa isa’t isa. Kulang pa ang pagbibigay konteksto sa buhay at pagkatao ng mga tauhan: anong nagpapasakit sa kanila, nagpapasaya sa kanila.
Kung papaikliin ko, hindi malinaw kung saan patungo ang mga tauhan sa pelikula. Ngunit kahit sa kalinisan at pagiging perpekto ng sinematograpiya, ang mga dayalogo na walang katumbas, at ang hindi naaalinsunod na treatment ng pelikula ay maaaring biguin ang mga tagagawa at manunulat ng pelikula.
Maaring mapanuod ang Tayo sa Huling Buwan ng Taon sa Netflix.