Cover Photo ni Michael Ambion
Cover Photo ni Michael Ambion.

Sa mga salita ko bakas ang aking pagka-Pilipino


Salamin ng kultura’t kasaysayan ng mga Pilipino. Ang iba’t ibang mga wika sa Pilipinas ay nagsisilbing sangkap ng pagkakaisa’t pagkakakilanlan.


By Chloe Mari Hufana, and Beatrice Quirante | Monday, 24 August 2020

Ngayong Buwan ng Wika 2020, tinatawag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na kilalanin ang ambag ng mga katutubong wika sa kasaysayan at pandemya. Walo sa mahigit 500 na wika sa Pilipinas ang nagsisilbing pangunahing wika sa bansa kung saan kabilang dito ang Tagalog, Cebuano, Ilocano, Ilonggo, Bicolano, Waray, Pampango, at Pangasinense. Katulad ng mga magaganda’t natatanggi nitong mga salita, ang kalakip nitong kasaysayan na humubog sa wikang nakagisnan at pagkakaisa ng sambayanan.

“Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika” at "Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya” ang mga nagsisilbing tema ngayong taon para sa Buwan ng Wika. Kaya naman ay tunghayan natin ang kasaysayang nakalamat sa iba’t ibang pangunahing wika na nagbunga ng ating mga natatangging salita—ilan lamang sa mga yaman na nararapat nating malaman at alagaan.

 

Tagalog

Nanggaling ang salitang Tagalog sa “taga-ilog.” Ito ay sinasalita ng higit 21.5 milyong Pilipino at nagmula sa sangay ng Malayo-Polynesian ng Austronesian na lengguwahe. Ito ay karaniwang ginagamit sa katimugan ng Luzon, ngunit ito ay tinuturing na lingua franca ng halos lahat ng mga Pilipino, na may konsentrasyon sa Kalakhang Maynila. Noong 1987 ay pinalitan ito ng “Filipino” at itinuring na Wikang Pambansa. 

Bnw Salita Web

 

Cebuano

Tumatayo bilang pangalawa sa kadalasang ginagamit na wika sa Pilipinas, sinasalita ang Cebuano ng mahigit sa 15.8 Milyong mga Pilipino. Cebu, Boholano, Leyte, at Mindanao Visayan ang ilan sa mga dayalekto nito. Ito ay kilala rin bilang “Sebuano” at “Sugbuhanon” na kabilang sa wikang Malayo-Polynesian na nagmula sa lengguwaheng Austronesian, tulad ng Tagalog at Ilokano, kaya naman maihahalintulad ang gramatika nito sa isa’t isa. Higit pa rito, ang wikang ito ay naimpluwensiyahan ng wikang Kastila, tulad na lamang sa pagbibilang at pagbati. 

Bnw Salita Web2

 

Iloko

Ito rin ay kilala bilang Ilocano o Ilokano. Ang katutubong tawag dito ay “Pagsasao nga Ilokano” o “Pagsasalita na Ilokano.” Kabilang ang Iloko sa sangay ng lengguwaheng sinasalita sa Hilagang Luzon. Karaniwan itong sinasalita ng mga nasa rehiyon Ilocos at Cagayan Valley ng Hilagang Luzon, at ilang parte sa gitnang Luzon, Mindoro, at timog ng Mindanao. Ito ang ikatlong pinakaginagamit na salita sa Pilipinas, kung saan may 11 milyong mananalita noong 2015, kabilang ang 9.1 milyong katutubong mananalita. Ito ay unang naisulat sa pamamagitan ng isang bersyon ng baybayin: ang Kur-itan o Kurdita. 

Bnw Salita Web3

 

Hiligayon o Ilonggo

Kabilang ang wikang Hiligayon o Ilonggo sa lengguwaheng Austronesian na mayroong mga salitang hiram mula sa wikang Ingles, Espanyol, Tagalog at Cebuano. Sinasalita ito ng mahigit 5.770 milyong tao kung saan karamihan ay naninirahan o mula sa Isla ng Panay. Hiligaynon, Kawayan at Kari ang tatlong dayalekto nito.

Bnw Salita Web4

 

Bikol

Maliban sa lengguwaheng Austronesian, ang wikang Bikol ay batay sa mga dayalekto ng lungsod ng Naga, Camarines Norte, Camarines Sur, Silangang Albay, at Hilagang Sorsogon. Bunga ng paglipat ng ilang mga taga-Samar-Leyte sa rehiyon ng Bicol, mga Tagalog sa Camarines Norte at Camarines Sur at mga taga-Visayas sa Masbate at Sorsogon, nagkaroon ng iba’t ibang dayalekto ng Bikol. Ang wikang Bikol ay nahahaluan ng salitang Tagalog at Bisaya sa mga nasabing lugar, habang ang dayalektong ginagamit sa Catanduanes ay nahaluan ng lengguwahe ng Samar-Leyte. 

Mayroong apat na pangunahing lengguwahe ang wikang Bikol, kabilang dito ang lengguwahe sa Hilagang Baybayin ng Bikol (Northern Coastal Bicol), Timog Bicol, Gitnang Bicol, at ang tinaguriang “Bisakol” na kadalasang ginagamit sa Masbate at Sorsogon. Ang mga pangunahing lengguwaheng ito ay mayroon ding mga kinapapalooban na mga dayalekto sapagkat, tulad ng Bisakol na naimpluwnesiyahan ng wikang Waray-Waray, Cebuano at Ilonggo, ang mga salita’y hinubog din ng mga dayuhang piniling manatili sa rehiyong Bicol.

Malawak man ang wikang Bikol, nagkakaisa at nagkakaintindihan ang mga Bicolano sa paggamit ng “Bicol proper” na lengguwahe, ang karaniwang sinasalita sa lungsod ng Naga at mababang bahagi ng lambak ng Bicol. 

Bnw Salita Web5

 

Waray-Waray

Pang-lima sa pinakaginagamit na wika sa bansa na ginagamit ng mahigit tatlong milyong tao, sinasalita sa probinsya ng Samar, Hilagang Samar, Silangang Samar, Biliran, at sa Hilaga-Silangang bahagi ng Isla ng Leyte ang wikang Waray-Waray. Tulad ng ibang mga wika, ito’y nagmula sa  lengguwaheng Austronesian.

Bnw Salita Web6

 

Kapampangan

Karaniwang ginagamit sa Luzon at may higit tatlong milyong mananalita, sangay ito ng salita ng Hilagang Pilipinas mula sa Malayo-Polynesian na lengguwahe. Ito rin ay tinatawag na Pampango, Pampangueño, Amanung Sisuan. Kagaya ng Iloko at Tagalog, ang Kapampangan ay mayroon ding bersyon ng baybayin bago ang pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas noong ika-16 siglo.

Bnw Salita Web7

 

Pangasinense

Tinatawag ding “Salitan Pangasinan,” ito ay sinasalita ng higit 1.5 milyong katao, lalo na sa probinsya ng Pangasinan, kung saan itong tinuturing bilang opisyal na lengguwahe. Ito rin ay maririnig sa ibang dako ng Luzon kagaya sa Zambales, Benguet, Tarlac, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, at Ifugao. Ito ay isang lengguwaheng Austronesian na kabilang sa Malayo-Polynesian na lennguwahe. Ito ay malapit sa Ibaloi, na sinasalita naman sa Benguet.

Bnw Salita Web8

Ngayong Buwan ng Wika, ang magandang bigyang pansin din ang makulay na mga dayalekto na meron ang ating Inang Bayan. Higit sa pakikiisa, ito ay isang paraan upang mas maintindihan nating mas mabuti ang isa’t isa.

Last updated: Tuesday, 1 September 2020