Cover Photo ni Ben Allie Antonio
Cover Photo ni Ben Allie Antonio.

Dahling Nick: Ang tinta’t pahina ni Nick Joaquin


Salamin sa kadakilaan ni Nick Joaquin; tuluyang binuklat ng “Dahling Nick” ang obrang siya mismo ang bida at itinampok ang nagsisilbing tinta sa bawat pahinang kanyang isinulat


By Beatrice Quirante | Monday, 24 August 2020

Nick Joaquin: “So I told myself, I’m going to prove [to] them that I can read, I can write, so I started writing! So I proved to them I could write [...] I got published. Now, I don’t know where the hell those guys are! And here I am.”

(Kaya naman sinabi ko sa sarili ko, papatunayan ko sa kanila na kaya kong magbasa, magsulat, kaya nagsimula akong magsulat! Pinatunayan ko sa kanila na kaya kong magsulat [...] Nailathala [ang mga gawa] ko. Ngayon, hindi ko na alam saan ang mga taong iyon! At naririto ako ngayon.”) 

Inihahandog ng Cinema One Originals at Kino Arts ang documetary-drama na Dahling Nick sa publiko noong taong 2015. Muli, matutunghayan ito sa YouTube mula Agosto 21 hanggang August 26, 2020. Boses ni Nicomedes “Nick” Marquez Joaquin ang nagsilbing pagbati sa dokumentaryo kung saan kanyang sinambit, “Okay… dahling, you’re the writer of the year!” (Okay… dahling, ikaw ang manunulat ngayong taon!) 

Sumunod ay itinampok ang kilalang aktor na si Raymond Bagatsing, na siyang gumanap bilang si Joaquin, na lasing at naglalakad sa isang tunnel at sinalubong ng isang babaeng hubo na may alagang alimango.

 

Iba’t ibang pahina ng buhay kay Nick Joaquin

“Tandaan mo anak, walang saysay ang buhay kung hindi ito ilalaan sa mas mataas na ideyal,” sabi ng ama ni Joaquin sa kanya, na batay sa pahayag ni Jose Rizal, patungkol sa pagtulong sa mga mahihirap na pinagsasamantalahan ng mga may kapangyarihan.

Ika pa ng manunulat na si Gemino Abad, ang abogado’t negosyanteng ama ni Joaquin ay labis ang pagpapahalaga sa honor (karangalan) at delicadeza (pagkakaroon ng angkop na pag-uugali). Pumasok si Joaquin sa seminaryo sa Hong Kong, kung saan maraming buwan, aniya ng manunulat na si Krip Yuson, ang inilaan nito sa pagsusulat ng Stubbs Road Cantos. Higit pa rito, ayon sa kaibigang si Elena Roco, siya ay relihiyoso at tapat kay Birheng Maria. 

Ipinakilala sa pelikula ang pamilya ni Joaquin, na siyang humubog sa kanyang pagka-"hispanophile" aniya ng kanyang kaibigan na si F. Sionil Jose na isa ring Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura. Dagdag pa ni Jose na pinag-sangayunan pa nila ang Don Quixote ni Miguel de Cervantes bilang pinakamagandang nobela na naisulat. 

Naging inspirasyon ni Joaquin sa kanyang mga karakter ang ilan sa mga malalapit na tao sa kanya, tulad na lamang ng kanyang kuya na si Ping, isang jazz pianist, sa pagbuo ng karakter na si Tony sa dulang A Portrait of the Artist as Filipino na ilang beses nang isinadula sa entablado.

Nagsimula siyang magkapangalan bilang isang manunulat nang tangkilikin ni Serafin Lanot, isang literary editor ng Tribune, ang kanyang tula para sa paligsahan nang siya’y bata pa lamang at bigyan siya nito ng trabaho sa pahayagan.

Itinampok ng dokumentaryo ang kasuklam-suklam na pangyayari sa likod ng pagtanggap ni Joaquin ng parangal na Pambansang Alagad ng Sining. Maraming manunulat at mamamahayag ang nakulong at nakaranas ng karahasan sa ilalim ng pamumuno ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, kabilang na ang kaibigan niyang si Jose “Pete” Lacaba. Kaya naman bilang kapalit sa kalayaan nito, tinanggap niya ang gantimpalang ito noong Marso 27, 1976.

 

Pagtugon sa malikhaing mga gawa ni Joaquin

“Si Nick Joaquin sa kanyang literary works, ‘di lang effusive, kumbaga there’s magic in the language,” paliwanag ng manunulat at propesor na si Jose Maria Sison. (Si Nick Joaquin sa kanyang mga panitikan ay ‘di lang mabisa, kumbaga may hiwaga sa lengguwahe niya.) 

Dagdag pa ni Sison, “Iyon ang power ni Nick Joaquin, very visual, you see the characters, and their dramatic interrelations, and staging.” (Iyon ang kapangyarihan ni Nick Joaquin, nakikita mo ang mga karakter at ang malalim na ugnayan ng bawat isa, at ang pagsasaayos ng dula.)

Nakakahumaling mapanood ang mga isinadulang malikhaing kwento ni Joaquin sa dokumentaryo kung saan binigyang buhay nito ang May Day Eve na may mga mahuhusay at nakakaintrigang eksena tuwing kinagabihan at tatapat ang maga karakter sa salamin.

That’s the thing about Nick’s work that attracts us to it; which is that he keeps plumbing the other side of us, of our characters. His characters are very complex people, which is how we’d like them to be (Iyon ang kakaiba sa gawa ni Nick kaya tayo nahuhumaling dito; kinakatok niya ang iba pang katauhan natin. Ang kanyang mga karakter ay komplikado, tulad ng ating nais.),” paliwanag ng batikang manunulat na si Butch Dalisay sa obrang May Day Eve na ipinapakita ang kaakit-akit na pagkakaiba ng “lover” (manunuyo) at “the Devil” (ang Demonyo).

Ilan pa sa mga binanggit na obra ni Joaquin ay ang maikling kwento na Summer Solstice at Innocence of Solomon. Pagdating naman ng 1970s, binitawan ni Joaquin ang kanyang pagiging literary writer at nagpursigi bilang isang mamamahayag gamit ang alyas na “Quijano de Manila.” 

 

Obrang kahanga-hanga sa pagsasadula

Higit pa sa mga pahinang binuklat ng dokumentaryo sa buhay ni Joaquin, detalyado ang pagsasalaysay ng iba’t ibang mga manunulat, kamag-anak at kaibigan niya sa bawat eksena. Pinaunlakan ng mga kilalang manunulat at propesor ang estilo ng pagsusulat ni Joaquin kung saan kanilang ipinaliwanag na dahil ito sa kanyang pagtangkilik sa ilang mga babasahin at sa kanyang pagkahilig sa wikang Espanyol.

Mahusay rin ang mga gumanap, at kahanag-hanga ang cinematograpiya, musika, at kasuotan na naaayon sa kapanahunan at kaganapan ng mga eksena. Ang ilan sa mga ginawang tagpuan ay mahusay na binigyang kulay ang 1940s. Taliwas dito, hindi gaanong nabigyang buhay ang ilan sa mga karakter at eksena sa kwento, partikular na sa bahaging Legend of the Virgin’s Jewel ng dokumentaryo, dahil sa hindi kapani-paniwalang effects o animation dito. 

Sa nalalapit na pagtatapos ng dokumentaryo, itinampok ang mga talumpati ng mga kaibigan ni Joaquin bago ang kanyang libing, magkahalong lungkot at kasiyahan ang madarama sa entablado dahil sa pagpanaw ng isa sa mga pinakamagagaling na manunulat sa bansa. 

Sa huli, ipinakita si Nick Joaquin na nakaharap sa isang salamin kung saan lumitaw ang Birheng Maria na tila kanyang isinusuko ang kanyang sarili. 

Isinasalaysay nito na si Nick Joaquin mismo ay isang obrang hinihintay at nararapat mabasa ng madla. Ang pagiging tapat at kagalang-galang na manunulat ni Joaquin ay tunay at lubhang sinasalamin ng dokumentaryo, at marahil bilang isang manunulat, gigising sa inyong diwa kung bakit at para kanino kayo sumusulat bilang isang Pilipino.

Matutunghayan pa sa YouTube ang dokumentaryo hanggang Agosto 26.

#DahlingNickOnYT

#CinemaOne

Last updated: Tuesday, 1 September 2020