Pinagbibidahan ng dalawang beteranong aktor sa bansa, ang Hintayan ng Langit ay patungkol sa dalawang dating magkasintahan na pinaglayo at muling pinaglapit ng tadhana. Mula sa kwento ng pag-ibig, hanggang sa pagsisisi, at kamatayan, ang obrang ‘to ay tunay na aantig sa mga puso ng manonood.
Ang pelikulang itinampok noong 2018 bilang kalahok sa QCinema International Film Festival ay mula sa direksiyon ni Dan Villegas at isinulat ni Juan Miguel Severo, mula sa kaniyang one-act play. Nag-uwi ito ng Best Actor at Audience Choice bilang mga parangal.
Dahil sa diabetes, dalawang taon nang naghihintay ang karakter ni Gina Pareño, si Lisang, sa purgatoryo o Gitna. Sa mga taong iyon, hindi mabilang sa daliri ang mga ginawa niyang gulo, tila sinasadya niyang mapatagal ang kaniyang pagtaas sa langit. Mula sa kaniyang matabas na dila at mga pilyang gawain, maski ang kaniyang tagapangalaga, na ginampanan ni Kat Galang, ay naubusan na rin ng pasensiya sa kaniya. Samantala, ang kaniyang dating kasintahang si Manolo, na ginampanan ni Eddie Garcia, ay kamamatay lamang at bagong salta sa Gitna. Ang kanilang naudlot na kwento ay tila nagkaroon ng panibagong yugto sapagkat sila’y tila pinagtambal ng tadhana nang napilitan si Manolo maki-kwarto sa kaniyang dating nobya.
“Gano’n ba ako kadaling kalimutan?”
“Hindi.”
Balot ng pagsisisi ang relasyon ng dalawang bida, na nagsimula simula noong inakala ni Lisang na hindi siya sinipot ni Manolo sa napag-usapan nilang pagtatanan. Kahit na parehong may pamilya, hindi nawala ang nararamdaman ng dalawa para sa isa’t-isa.
Habang pinapanood ko ang pelikula at pinapahid ang aking mga luha, napagtanto kong napakaraming mga rason kung bakit hindi natin makakalimutan ang isang ispesipikong tao, marahil ay dahil sa galit, pagmamahal, o pagsisisi.
Para kay Lisang, sa langit ay payapa—walang galit, pagsisisi, o masidhing damdamin—at ayaw niyang maging malaya mula sa mga ito. Kung tutuusin, ang mga emosyong ito ang nagpapaalala sa ating buhay tayo’t may nararamdaman—at sa oras na maging manhid tayo sa mga emosyong ‘to, marahil ay kumakaway na sa ‘tin si San Pedro.
“I want to leave a mark in this world… but what really matters is the void we leave behind.”
Sa bilang na taon natin sa mundong ibabaw, ano ba ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay? Para ba sa ‘ting sarili o sa ‘ting kapwa? Tila napakahirap hanapin ng direksiyon sa buhay. Sa sobrang aligaga nating mabuhay, nakaluklok sa trabaho, at mga materyal na bagay, nakakalimutan natin ang mga taong nakapalibot sa ‘tin. Ni minsan ba ay napagtanto natin kung paano ang buhay natin nang wala sila?
Sa pelikula, nakita ang pagsisisi ni Manolo nang hindi siya nakapagpaalam nang maayos sa kaniyang anak. Para sa kaniya, porke ba ay patay na siya, hindi na siya pwedeng magpaka-ama? Pinapaalala ng linyang ito na nararapat pahalagahan natin ang ating mga mahal sa buhay. Ipahiwatig natin kung gaano natin sila kamahal dahil oras na tayo’y pumanaw, wala na tayong pagkakataon upang gawin ang mga nais nating gawin sa lupa.
“Bakit hindi ka lang marunong maghintay?”
“Dahil hindi ko alam kung may dapat pa ba akong hintayin!”
Noong kanilang kabataan, nangako sila sa isa’t-isa na sila’y magsasama habambuhay, ngunit habang wala si Manolo, nabuntis si Lisang ni Nestor, ang kaniyang naging asawa. Sa galit ni Manolo ay sinabihan niya si Lisang na hindi siya marunong maghintay. Kung kaya’t noong namayapa na si Lisang at napunta sa Gitna, ginawa niya ang lahat upang maabutan ang kanilang muling pagsasama ni Manolo—patunay na marunong siyang maghintay para sa kaniyang minamahal.
Sa ‘ting pagmamadali, kadalasan ay nakakalimutan natin na mayroong mga bagay na mas mainam hintayin. Dahil dito, nauuwi tayo sa mga desisyon o bagay na pinagsisisihan natin, na kagaya ni Lisang, habambuhay niyang dinala. Ipinaalala ng pelikulang ito ang halaga ng pasensiya at pagtitiis. Ngunit sa kabila ng mga pagsisisi natin sa buhay, mahalaga ring matutunan natin ang manindigan. Kagaya ng paninindigan ni Lisang sa kaniyang pagmamahal kay Nestor, na kinasama niya nang mahabang panahon, mayroong mga bagay na kahit hindi natin ginusto noong una, matututunan din nating gustuhin at mapagtatanto rin nating nakabubuti rin pala ito sa ‘tin.
“Alam mo kung bakit sigurado akong mahal kita? Dahil araw-araw kitang pinili.”
Patuloy na proseso ang pagmamahal. Bawat araw, bawat dagok, bawat ngiti, at lahat ng sangkap ng isang relasyon ay dahil sa mga desiyon natin. Kagaya ng paninindigan ni Lisang kay Nestor, pinili niyang manatili sa kaniya kahit alam niyang hindi namamatay ang pagmamahal niya sa kaniyang unang irog.
Ani Villegas, “I hope people would fall in love after watching the film, because the bottomline is, Hintayan ng Langit is a love story.”
Iba’t-iba ang manipestasyon ng pag-ibig, sa buhay ni Lisang, iyon ang pagpili sa kaniyang pamilya araw-araw. Sa henerasyon ngayon, moderno ang pag-ibig. Marahil ang iba ay mas pipiliing ipagsigawan sa social media ang pagmamahal sa kasintahan o ang iba nama’y mas pipiliing gawing pribado ang relasyon. Sa pag-usbong ng gadyets at social media, nag-iba na rin ba ang pananaw natin sa pag-ibig? Marahil ay oo. Kasabay ng pagbago ng ihip ng hangin ay ang pag-iiba ng paraan ng mga tao sa pagpapakita ng kanilang pagmamahal. Sa ngayon, marahil ay mas sinusukat sa materyal na bagay ang pagmamahal o sa online posts. Ngunit sa katotohanan, ang pagmamahal ay hinding-hindi masusukat ng mga materyal na bagay. Kagaya ni Lisang, ang pagmamahal ay paninindigan. Nagmamahal tayo sa kabila ng mga paghihirap. Patuloy tayong naniniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig, at iyon ang nagbibigay baga sa’ting buhay.
Kasabay ng pagbabasa ng artikulong ito, inirerekomenda kong pakinggan niyo ang First Love Never Dies ng Pilipinong bandang The Boyfriends. Para sa ‘kin, mas mararamdaman niyo ang pagmamahalan nina Lisang at Manolo sa pamamagitan ng awiting ito. Lumipas man ang ilang dekada, hindi matatawaran ang tunay nilang pagmamahalan. Ito ay isang pelikulang nagturo sa ‘tin ng kahalagahan ng buhay, iiwan nating marka sa mundo, paghihintay, at higit sa lahat, pagmamahal.
Oras na kumaway sa atin si San Pedro, masasabi ba nating naging masaya tayo sa ating buhay sa ibabaw?
Layout ni John David Miranda