Mula sa binansagang kauna-unahang Filipino “crime novel” na isinulat ni F.H. Batacan noong 2002, mahusay na ipinamalas ng pelikulang Smaller and Smaller Circles ang nakababahalang sistema ng mga hindi napag-uusapang karahasan. Habang unti-unting binubusisi ang sunod-sunod na kasong pagpatay sa bawat eksena, tila pinapanatiling nakatutok ang mga manonood—binbantayan ang bawat ebidensya upang malaman sino ang may sala.
Ipinalabas sa sinehan noong 2017, ang pelikulang pinamunuan ni Direktor Raya Martin at gawa ni Ria Limjap ay tumanggap ng maraming papuri mula sa publiko. Umusbong muli ang pagtangkilik sa pelikula nang inilabas ito ng TBA Studios sa YouTube noong Mayo 19, 2020.
Sa isang panayam kasama ang Esquire noong 2017, ayon kay Martin, ang pelikula ay hindi isang “political statement” gayunpaman, kahit na umiikot ang kwento sa dekada nobenta, ang ilan sa mga kaganapan dito ay nananatiling magpasahanggang-ngayon. Aniya sa panayam, “There must be something going on with our society that it keeps on coming back—that certain things that happened decades ago still happen today.” (Maaaring may nangyayari sa ating lipunan na patuloy na nanunumbalik—na makalipas ang ilang dekada ay may ilang mga pangyayari na patuloy pa rin nangyayari sa kasalukuyan).
Dagdag pa niya sa nasabing panayam, kabilang sa ipinaparating ng pelikula ay “[h]ow we’re all connected to that and how we become complicit, but then also how we can be part of the solution.” (Kung papaano konektado tayong lahat at nagiging kasabwat [sa mga pangyayari], pero ipinapakita rin nito kung papaano tayo maaaring maging parte ng solusyon).
Umiikot ang nobelang nanalo ng prestihiyosong Carlos Palanca Award sa dalawang pari na naatasang mag-imbestiga ukol sa pagpatay ng mga batang lalake sa Payatas at magsagawa ng forensic analysis sa mga bangkay. Bago mahanap ang salarin, kinaharap nila ang mga taong sakim at mapagsamantala—mula sa Simbahan hanggang sa mga awtoridad sa ilalim ng pamahalaan.
Kamangha-manghang sinematograpiya at pagsasatao
Kahanga-hanga na inilahad ng beteranong aktor na si Nonie Buencamino ang pighati, pangamba, at galit ng karakter ni Padre Augusto “Gus” Saenz, SJ sa mga katiwalian at karahasan na nangyayari sa kanyang lipunan, pati sa loob ng Simbahan. Tila sumasalamin ang kanyang mga kilos at emosyon sa lubos na nagugulumihan na tauhan. Kapani-paniwala rin ang pagganap ni Sid Lucero kay Padre Jerome Lucero, na siyang kasama ni Padre Gus sa paglutas ng mga krimen.
Ang makasarili namang karakter ni Benjamin “Ben” Arcinas ay mahusay na ginampanan ni Raffy Tejada, mula sa nakaiinis na pagbabatikos sa mga teorya at pamamaraan ng dalawang pari hanggang sa mga matang sakim sa papuri. Dagdag pa rito, ang siyang mayabang at uhaw sa posisyon na karakter ni NBI Deputy Director Phillip Mapa, na siyang nagbigay ng kaso kay Arcinas, ay mahusay na ginampanan ni Christopher de Leon.
Kabilang sa iba pang mga tauhan sa pelikula ay sina NBI Director Francisco Lastimosa (Bembol Roco), Joanna Bonifacio (Carla Humphries), Cardinal Rafael Meneses (Ricky Davao), Emong Ricafrente (Cholo Barretto), Deputy Jake Valdez (TJ Trinidad), Hon. Tess Mariano (Gladys Reyes), Carding (Alex Vincent Medina), Gilda Salceda (Tessie Tomas), Dra. Alice Panganiban (Madeleine Nicolas), Lolita Bansuy (Erlinda Villalobos), at Dr. Alejandro “Alex” Carlos (Junjun Quintana).
Sa pinagsamang sinematograpiya ni J.A. Tadena, musika ni Lutgardo Labad, at talento ni Art Director Ericson Navarro, Editor Jay Halili at Moira Lang, napanatili ang mapanglaw at katakot-takot na tema sa bawat eksena. Pansin ito sa musikang nadirinig bago dakpin ang bawat biktima kung saan tila pinapaigting ang mensaheng nag-iisa ang bata sa kadiliman habang siya’y pinagmamasdan.
Lalong nabibigyang-diin ang nakagugulumihan na eksena sa mga tagpuan na kadalasa’y may kalabuan ang ilaw tulad ng opisina, laboratoryo, ospital, at mga eskinita, at ang mahusay na pagkagawa sa mga prosthetics. Nakadaragdag din sa pagkabalisa ang paggawa ng mga eksenang may krimen tuwing gabi.
Pagmulat sa kawalan ng katarungan at karahasan
Bagaman seryoso ang kasong pagpatay sa mga inosente at walang kalaban-laban na mga bata, tinawanan ni Arcinas ang isa sa mga paraan ng pagpatay sa kanila—inaalis ang mukha, puso, at ari—at layon pang kunin ang kaso para sa sariling katanyagan. Kaya naman siya’y kinuwestyon ni Lastimosa nang kanyang sabihing mayroon na kaagad “mga suspek” at sinabing, “Gusto mo lang ba sumikat? Talaga bang mas mahalaga ‘yon kaysa sa katotohanan?”
Higit sa kahangahangang pagsasadula ng mga aktor at sinematograpiya ng pelikula, ibinabahagi rin nito ang ilan sa mga reyalidad na nais iparating ng orihinal na libro. Habang tumatagal, isa-isang ipinakita sa pelikula ang mga paratang sa sistema ng Simbahan, pamahalaan, at paaralan. Binanggit ang mga kasong pang-aabuso sa Simbahan, pinakita ang pagpabor sa kasikatan kaysa sa katotohanan ng ilang mga awtoridad, at pagsasamantala sa mga bata sa paaralan—na siyang dating naranasan ng mamatay-tao at naging “trigger” sa kanyang pagpapatay sa kwento.
Sa kabuuan, ang mga nakababahalang pangyayari na ito ay dulot ng kasakiman at abuso sa kapangyarihan ng mga mayroong posisyon.
Mayroon mang ganitong mga pangyayari, nananatiling simbolo ng pag-asa sina Padre Gus at Padre Jerome na patuloy sa kanilang imbestigasyon sa kabila ng mga pambabatikos—hawak ang layunin na magbigay hustisya sa kamatayan ng mga bata at maglingkod ng tapat sa Diyos.
Ang pelikulang Smaller and Smaller Circles ay maaaring isang panawagan na kailangan ng mga tapat at mabubuting tao na magkaisa’t buong tapang ibunyag ang katotohanan para maiwasan ang pagpapatuloy ng karahasan sa lipunan. Mahusay itong naipabatid ng angkop na sinematograpiya, musika, at ng mga gumanap na aktor at tunay ngang isang palabas na makapag-mumulat sa karamihan.