Dibuho ni Ivy Berces
Dibuho ni Ivy Berces.

Ano ang maaari nating gawin ngayong quarantine?


Mayroong mga bagay na humuhubog sa puso, nagpapalusog ng ating kaisipan at katawan at higit sa lahat, nakapagbibigay pag-asa sa kapwa at sa ating mga sarili—ano nga ba ang maaari natin gawin ngayong quarantine?


By Benildean Press Corps | Sunday, 3 May 2020

Labis ang ginagawang pagpapaalala ng pamahalaan na tayo’y manatili sa ating mga tahanan. Bagaman ito’y para sa ating kalusugan, ayon kay Rissa Coronel ng CNN Philippines, tila naapektuhan ng COVID-19 ang kalusugang pang-isipan ng mga Pilipino kung saan nagdudulot ito ng anxiety at pagkawala ng gana na tuparin ang mga nakatakdang gawain. Sa kasalukuyang panahon, ating alalahanin hindi lamang ang kapwa, kundi pati ang sariling kalusugan—pang-isipan, emosyonal, at pisikal.

Isa sa mga sanhi ng pagkakaroon ng ‘di kanais-nais na karamdaman sa ating kalusugang pang-isipan ay ang pagkawala ng ating emotional attachments sa ating kapwa dulot ng pagkakahiwalay sa lipunan o social isolation, ani Dr. Andrew Solomon, isang propesor ng medical clinical psychology sa Columbia University. Kung gayon, marahil ang patakaran na social distancing at Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay hindi naging madali para sa nakararami.

Habang nananatili tayo sa ating mga tahanan at tumutulong sa frontliners at mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay donasyon at pagbabahagi ng kanilang mga hinaing gamit ang social media, importanteng tandaan na pati ang sarili ay kailangan bigyang halaga. Ang ating mga katawan at pag-iisip ay nangangailangan ng pag-aaruga, na maaaring makamptan mula sa pagsasama ng ilan sa mga gawain na ito sa inyong routine hanggang sa pagtutok sa mga bagay na mayroon tayong kontrol.

Ikigai: Ang ating dahilan ng pagkabuhay

Ang Ikigai ay isang Hapon na konsepto ng “reason for being” kung saan ito ay isang pinagsama-samang listahan ng iyong kaya at gustong gawin, ayon kay Hector Garcia, may akda ng Ikigai: The Japanese Secret to a Long and Happy Life. 

Sa Ikigai, ang venn diagram ay naglalaman ng sumusunod: (1) iyong hilig (passion), (2) ano ang sa tingin mo’y kailangan ng mundo (mission), (3) mga bagay na mayroon kang kahusayan (vocation), at (4) ang mga gawain na maaaring kang mabayaran sa kasalukuyan (profession). Sa pagkatuklas sa apat na ito, mas mabigyang liwanag ang ating tungkulin sa buhay. Ang interseksyon ng apat na ito ay ang ating pinakainaasam-asam—ang ating Ikigai

Ani Garcia, “it is important that we must go where we feel most alive [Mahalagang tayo’y tumungo sa lugar na nagbibigay buhay sa atin].”

Ngayong ECQ, ang ilang sa atin ay malaya maipapagpatuloy ang mga nais gawin—ang ating mga hilig at talento. Maaaring sa mga pagkakataon na nag-uumapaw ang ating oras, ilaan ito para sa pagpapalawak ng ating kaalaman. Baka isa ito sa mga oras para makadiskubre ng mga bagong bagay na hindi karaniwan sa atin, at paunti-unting makilala lalo ang ating sarili—ang ating “dahilan ng pagkabuhay.”

Pero siyempre, nasa atin pa rin kung paano natin gagamitin ang oras na meron tayo ngayong ECQ.

Pagnilay-nilay at ehersisyo

Ayon kay Swami Rama ng Yoga International, ang pagninilay-nilay o meditation, ay isang proseso ng pagpapahinga ng ating mga isipan; isang pamamaraan ng pagpapalaya mula sa ating mga balisa. Isa itong paraan upang maiwasan ang ating mga pesimistang pananaw na nakadaragdag sa kaba at takot na dulot ng pandemya. Gawin ito tuwing umaga, habang sariwa pa ang isip, mula dalawa hanggang 15 na minuto.

Dagdag pa rito, ang ehersisyo ay isa sa mga kadalasang gawain upang payamanin ang ating pisikal at mental na estado. Ito ay nagpapalakas ng resistensya, nakakapagpababa ng nadaramang anxiety, at nakadaragdag sa ating kumpiyansa sa sarili, ayon kay Arlene Semeco, M.S. ng Healthline. Inirerekomenda ng Mayo Clinic na bigyan ng 150 na minuto (o dalawa’t kalahating oras) kada linggo ang pag-eehersisyo at 30 na minuto na katamtamang ehersisyo araw-araw.

Paglalaan ng oras para sa mga mahal sa buhay

Isinasaad ng isang artikulo sa U.S. National Library of Medicine na pinamagatang “Family Relationships and Well-Being” na ang kalidad ng relasyon sa pamilya ay may impluwensya sa psychosocial at pisyolohikal na katauhan, at pag-uugali ng isang tao. Mula sa pagtanggap ng suporta o social support, ang indibidwal ay maaaring makayanan ang stress, tumaas ang tingin sa sarili, at lalong pagiging positibo.

Kung tutuusin nga naman, sa mga oras na walang ginagawa sa bahay, mapa-estudyante o empleyado, gawing pagkakataon ito na kumain sa iisang hapag-kainan, magluto, at manood ng paboritong palabas kasama ang pamilya o mga mahal sa buhay. Maaari ring subukan ang paglalaro ng board games na makabubuti sa kalusugang pang-isipan at kabuuang kapakanan. 

Sa huli, kahit magkaroon lamang ng simpleng kwentuhan araw-araw ay maaring  matutumbasan ang nakaligtaan na oras para sa mga minamahal sa buhay.

Netflix, mga pelikula, at anime

Maliban sa pagiging isa sa mga nakawiwiling libangan na kabilang sa pagpapahinga, binanggit ni Dr. Bruce Skalarew na ang pelikula ay isang instrumento na makatulong sa ating kalusugang pang-isipan. Dagdag ni Dr. Birgit Walz, isang sikolohista, na nagbibigay ito ng mas detalyadong kaalaman sa ating mga sarili at magandang pamamaraan na pakawalan ang ating mga emosyon—tinawag niya itong “cinematheraphy.” 

Pangdagdag, hindi naman nakakasama ang paglalaan ng oras sa mga libangan o “guilty pleasures” upang tayo’y makapagpahinga mula sa sobra-sobrang tutok sa trabaho o mga akademikong gawain

Maaring subukan ang “Netflix Party” kung saan makakapanood kasabay ng ating mga kaibigan at makakapag-chat pa habang nanunuod. Marami ring mga lokal na pelikula sa Netflix; karamihan dito ay ang mga nagtagumpay na pelikula sa mga lokal at internasyonal na paligsahan.

Ilan sa mga kinasasabikan ngayon sa Netflix ay ang mga sumusunod: 

  • Top Films available on Netflix Philippines: 3 Idiots, Marriage Story, Inception, The Platform, To All the Boys I’ve Loved Before, Spider-Man: Into the Spider-Verse
  • Top 5 Most Watched Series on Netflix: Money Heist, The Witcher, Terrace House, Tiger King: Murder, Mayham and Madness, Nailed it!

Kung anime ang iyong hanap, ito ang ilan sa mga maipapayo kong panoorin sa  Netflix:

  • Top 5 Anime Films & Series (Personal): Howl’s Moving Castle, Spirited Away, A Silent Voice, Hotarubi no Mori E, 5 cm per second, Your lie in April, Attack on Titan, Naruto/Shippuden, Noragami, Death Parade. 

Habang ang ibang tao ay nagbabahagi sa kanilang mga bagong tagumpay sa quarantine, mahalaga na ang pagiging produktibo ay hindi ipinipilit. Lahat tayo ay may kanya kanyang pasanin sa ating buhay.

Tandaan na hindi naisusukat ang ating halaga sa ating mga natapos na gawain at lahat tayo ay may kanya kanyang kabanata sa buhay—at ang pagpapahinga ay parte ng ating kalusugan at kaligtasan.



Last updated: Friday, 4 June 2021