Litrato ni Anne Valmeo
Litrato ni Anne Valmeo.

Importansya ng pagkakaisa, kabataan binigyang diin ngayong ika-34 na taon ng People Power Revolution


Sa ika-34 na taong anibersaryo ng People Power Revolution, ipinamalas muli ng taumbayan ang diwa ng pagkakaisa na nagpatumba sa diktaduryang Marcos.


By Benildean Press Corps | Tuesday, 25 February 2020

Mula sa iba’t-ibang parte ng bansa’y nagtipon-tipon muli ang taumbayan upang gunitain ang isa sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa rebolusyong ito inaalala ng mga Pilipino ang tagumpay ng pagkakaisa at demokrasya laban sa diktadurya. 

Tuwing ika-25 ng Pebrero ginaganap ang binansagang “bloodless revolution” o ang EDSA People Power Revolution, na siyang nagmarka sa pagbagsak ng rehimen ni Ferdinand Marcos at naghudyat ng pag-uumpisa ng administrasyon ni Corazon Aquino.

Nagsimula ang pagtitipon na pinamagatang “EDSA 2020: Kapayapaan ng Bayan, Simbolo ng Kalayaang lpinaglaban,” sa pamamagitan ng flag raising sa EDSA People Power Monument, na pinangunahan ni EDSA People Power Comissioner Joey Concepcion.

Matapos ang 34 na taon, hindi pa rin nawawala ang diwa ng nasabing rebolusyon kung saan ipinamalas ng iba’t-ibang mga grupo ng aktibistang nakiisa sa pagdiriwang na nananatiling may boses ang masa. 

Ang Bayan Muna, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Gabriela, Anak Pawis, Kilusang Mayo Uno (KMU), Kilusang Mabubukid ng Pilipinas (KMP), Salinlahi, Piston at iba’t-iba pang mga grupo ay naglahad ng kanilang mga ipinaglalaban sa EDSA Shrine, España Boulevard, at Mendiola Bridge. 

Ibinahagi ng mga aktibista ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng pagtalumpati at pag-awit. Bukod pa rito, naghandog ng pagtatanghal ang mga batang mula sa mga laylayan ng lipunan at mga anak ng mga magsasaka sa kalagitnaan ng pagtatalumpati, na ipinakita ang kahirapan kanilang patuloy na nararanasan.

Kapit-bisig para sa kalayaan

Dinig ang sigaw ng mga aktibista na “Maglingkod kayo sa bayan, huwag sa dayuhan!” mula sa EDSA Shrine. Bagamat matagumpay ang People Power Revolution sa pagpapakita ng pagkakaisa ng taumbayan, ayon kay Kobi Tolentino, miyembro ng Anakbayan‐Southern Tagalog, nagtipon-tipon ang mga raliyista mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan at lugar upang iparating sa masa ang kanilang mga hinaing sa kasalukuyang administrasyong Rodrigo Duterte

“Isa itong pagpapalakas [ng] loob, isa itong pagtataas ng moral, isa itong muling pagkakaisa ng mamamayan,” dagdag pa niya.

Ayon kay Casey Cruz, ang 21 taong gulang na tagapag-salita para sa BAYAN-Southern Tagalog, hindi pa tunay na nakakamit ang kalayaan at kapayapaan dahil umaasa pa ang Pilipinas sa mga imperyalismong bansa gaya ng Estados Unidos at Tsina. Bukod pa riyan, kanyang binanggit ang hiling na sana’y wala nang Pilipinong naghihirap, nagugutom, at pinapaslang. Layunin ng kanilang grupo ang ipahayag ang pagpapabuti ng lagay ng bansa; gayundin, ang pagtigil sa paglabag sa mga karapatang pantao.

Nangibabaw ang boses ng kabataan

Malaki ang epekto at papel ng kabataan sa pagkakaisa laban sa mga kamalian sa lipunan, ayon kina Cruz at Tolentino.

Ani Cruz, ang mga kabataan ang nagsimula ng pag-aaklas noong naunang People Power Revolution at hindi natitinag ang kanilang diwa sa kagustuhang lumaban. Ang pakikiisa sa mga ganitong aktibidad ang hamon sa mga kabataan sa kasalukuyang henerasyon, ayon kay Tolentino, sapagkat “aanhin ang diploma kung hindi paglilingkuran ang sambayanan.”

Bagamat ang pakikiisa para sa inaasam na kalayaan ay nakakasindak, ani Tolentino, nagsisilbing inspirasyon ang kaniyang kapwa-aktibista sa kanyang paglaban na “wakasan na ang katakutan.” Dagdag pa niya, laban din ng kabataan ang People Power Revolution sapagkat “kinabukasan natin ang nakasalalay dito” at “para saan ang kaunlaran kung may pag-iiwanan kang sambayanang Pilipino?”

Ayon sa 17 taong gulang na si Carlo Patrick Suyat, miyembro ng Anak Bayan Laguna at ng College Editors Guild of the Philippines, ang kabataan daw ang dapat nangunguna sa pagtataguyod ng pakikibaka para sa bayan. Ito raw ay para maipagpatuloy ang laban ng mga  mamayan para sa tunay na kapayapaan at pagbabagong katipunan na inaasam ng bawat Pilipino. 

Patuloy na sumisiklab ang silakbo ng damdamin ng ibang mga Pilipino tungo sa ipinaglalaban na kalayaan ngayong EDSA 2020. Kasama ang boses ng kabataan, na bumubuo ng karamihan sa populasyon ng bansa, inaasahang makakamtan ang kapayapaan. 

Ika ni Tolentino, “Umaayon ang kasaysayan—sa sama-samang pagkilos ay marami na tayong mapagtatagumpayan.”

 

 

 

Last updated: Wednesday, 16 June 2021