Mga Litrato Nina Enrique Bejar, Denise Paule, At Fritz Reyes
Mga Litrato Nina Enrique Bejar, Denise Paule, At Fritz Reyes.

Pagkakaisa’t pananampalataya dala ng Poong Nazareno


Ang Itim na Nazareno ay kumakatawan sa pagkakaisa, pananampalataya, at pag-asa ng maraming Pilipino. Dama sa milyong deboto at namamanata ang masugid na layuning matupad ang kanilang panalangin.


By Chloe Mari Hufana, Beatrice Quirante, and Carlos Mendoza | Thursday, 9 January 2020

Ramdam sa di-mahulugang karayom na bilang ng tao ang umiigting na pangangailangan na masulyapan at mahawakan ang Itim na Nazareno. Bitbit ang panalangin at pananampalataya mula sa mga karanasan, ang mga namamanata ay patuloy na taos-pusong nakikipagsapalaran sa panganib na taon-taong dulot ng Traslacion tuwing Enero 9. Ito ay nagsisilbing pundasyon sa kanilang pagpapakahulugan sa kabutihan na dulot ng pagbibigay debosyon sa Poon.

Ginaganap taon-taon ang Traslacion, ang tradisiyon na pagpaparada ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand, paikot sa siyudad ng Maynila, hanggang pabalik sa Simbahan ng Quiapo, ang nagsisilbing tahanan nito nang mahigit 142 na taon.

Paule 7548

Noong nakaraang Martes, araw ng prusisyon at pagbabasbas ng mga replika ng Poon ng Itim na Nazareno, nakapanayam ng The Benildean ang parochial vicar ng Quiapo Church na si Fr. Douglas Badong. Ayon sa kanya, mahiwaga ang Traslacion sapagkat ito’y “bumubuhay sa Simbahang Katoliko” kung saan sama-samang nananampalataya ang mga Katoliko, at ipinapahiwatig nito na “si Kristo ang sentro ng pananampalataya.” Ang mensahe raw ng presensya nito ay “kasama natin lagi ang Diyos sa paghihirap, pagsubok at pagbagsak” kung saan sinisimbolo nito ang pag-ibig ng Diyos at pag-asa na hindi Niya tayo sinusukuan. Dagdag pa niya, sana kapag ating tinitingnaang Poon ay madama natin ang tawag ng Diyos na tayo’y lumapit sa Kanya.

Sa Likod ng Pamamanata

Ayon sa Catholic News Agency, ang tanyag na Poon ay nakaligtas sa dalawang sunog na nangyari sa simbahan, mga lindol, mga pagbaha, at pagsabog noong ikalawang digmaang pandaigdig. Maaaring ituring itong kabilang sa iba pang mga himala na pinaniniwalaang gawa ng pananampalataya sa Itim na Nazareno.

Rolando de Leon

“Mahalagang-mahalaga [ang Itim na Nazareno]. Halos karugtong na ng buhay namin ang Itim na Nazareno.”

Mula sa impluwensiya ng kanyang mga magulang na deboto, si Rolando de Leon, 55 taong gulang, ay lalong tumibay ang pananampalataya dahil sa karanasan ng kanyang mga apo. Ayon sa kanya, ang dalawa sa kanyang mga apo ang pagpapatunay na tinutugon ng Diyos kanyang mga panalangin.

Una, matapos ihipo sa Poon ang kanyang apong may karamdaman ay kaagad na nanumbalik ang lakas nito. Pangalawa, matapos ipanata ang kanyang apo ng siyam na Biyernes sa Poon ay nakalakad ito kahit na anim na taon na itong hindi nakapaglalakad simula sa pagkapanganak nito.

Dagdag pa niya, simbolo raw ang Itim na Nazareno ng “pagmamahalan ng pamilya” at “pananalig mo sa Kanya” kung saan ang pagbibigay debosyon dito ang aniya gumagabay at nagpapatatag sa kanilang samahan sa pamilya at nananawagan ng mabuting pagbabago.

Corazon Diego

“Kumapit lang kayo sa Kanya, kahit anong pagsubok, kahit gaano kabigat ‘yan, malalampasan natin ‘yan.”

Si Corazon Diego, 73 taong gulang na deboto, ay nagsimula namanata sa Itim na Nazareno nang siya’y labing-pitong taong gulang pa lamang. Kanyang patuloy na hinihiling ang kaligtasan, kalusugan, kapayapaan at mahabang buhay ng kanyang pamilya. Ani, maraming nagsasabing “malakas ako sa Panginoon,” sapagkat siya’y nanatiling matatag sa kabila ng pagkakaroon ng kanser at, ngayon, ng sakit sa puso.

Nang tanungin kung hanggang kailan siya magiging isang deboto, agad niyang isinagot na pangako niya sa Panginoon na “hanggang mamatay na ‘ko.” Kalakip ng bukal na kalooban at pagsasapuso ng pananampalataya sa Poon ay ang habambuhay na pagdarasal—ito ang tunay na kahulugan ng Traslacion ayon sa kanya.

“‘Yung iba, hindi naman nauunawaan ang kahulugan ng pagdedeboto,” ayon kay Corazon na tinutukoy ang mga kabataan sa kasalukuyan. Kaya naman, kanyang ikinatuwa na ang kanyang mga anak ay kusang inialay ang kanilang mga sarili bilang deboto ng Poon.

Bago matapos ang panayam, kanyang ibinahagi ang kanyang mensahe sa mga kabataan: “Isapuso ang kahulugan ng pamamanata upang manatiling malakas sa Diyos.”

Bagaman mayroong katotohanan ang mga sinasbi ni Corazon ukol sa mga kabataang tila’y naliligaw sa pagdiwang ng pista ng Poong Nazareno, mayroon pa ring mga kabataan na taimtim na nagdarasal at nakikilahok sa taunang Translacion. Kagaya na lamang ng isang binatilyong abalang-abala sa pagtulong sa mga tao katulad ni Alexis Quillano.

Alexis Quillano

“Mahalaga ito, kasi dito ako nagpapasalamat sa lahat ng biyayang natatanggap ko taon-taon.”

Labing tatlong taong gulang pa lamang si Alexis, deboto na siya sa Poong Nazareno. Ito ang kanyang ikapitong taong pagdalo sa Traslacion at dahil sa kaniyang pananampalataya sa Poon ay napagaling ang kaniyang sakit na hika. Naniniwala siya na lahat ng dumadalo sa Traslacion ay seryoso sa kanilang mga panalangin at pasasalamat. Dapat raw kusang ay loob at hindi pilit ang pagpunta sa pista ng Poong Nazareno.

Sa taong-taong pagbalik niya, hindi raw siya humihiling kundi puro pasasalamat ang nasa kaniyang isip. Pasasalamat sa lahat ng biyaya at mga sakit na pinapagaling ng Poon.

Tawag ng Pagkakaisa

Ayon kay Msgr. Jose Clemente Ignacio, rektor ng Basilika ng Itim na Nazareno, ang 4.3 milyang paglalakbay nang walang saplot sa mga paa ay implikasiyon ng pagiging resilient ng mga Pilipino. Ito ay nag-uugat sa malalim na pananampalataya sa Diyos.

Sa pagdalo ng The Benildean sa araw ng Traslacion, tanaw ang iba’t ibang taong dumalo sa Traslacion mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. Nagsisilbing tulay ng matibay na samahan ng mga Pilipino ang pananampalataya sa Panginoon.

Roselle Magallanes 

“Habang nasa Traslacion, hindi mo mararamdaman ang pagod.”

Kasama ni Roselle Magallanes, 30 taong gulang, ang kaniyang pamilya at mga kapitbahay ngayong taon. Mula sa Marilao, Bulacan, sampung tricyle at anim na motor ang kanilang ginamit upang makarating sa Maynila. Bitbit ni Roselle ang kaniyang dalawang anak na sina Rose Anne, 7, at Rhodes Daniel, 5, na masigasig na tumatanggap ng mga panyo at bimpo na kanilang ipinupunas sa kanilang replika ng poon.

Nag-ugat sa kaniyang ama ang pananampalataya at tradisyong ito at nais niya itong ipasa sa kaniyang mga anak. Sa katunayan, hindi pa lamang nabibinyagan ang kaniyang panganay na si Rose Anne, ay dinala na niya ito upang maranasan ang Traslacion, at simula noon ay walang humpay ang kanilang pagdalo sa pagdiriwang.

Ayon sa kaniya, mas nagustuhan nila ang mga nakaraang Traslacion. Bago ang gabi ng prusisyon ay nahirapan silang maghanap ng puwesto sapagkat puro sarado ang mga daanan.  Aniya’y hindi pa nila nakikita ang istatwa sapagkat umiba ito ng ruta. Dahil dito ay balak ng kaniyang pamilya at mga kasamahan na umuwi muna pabalik sa Bulacan nang hapon upang iwan ang kanilang mga kasamang bata at bumalik muli upang makisama sa misa.

Nang tanungin kung sila’y dadalo muli sa susunod na taon, masiglang sumagot si Roselle ng oo. Ang pagod ng paglalakbay at hirap sa pakikipagsiksikan ay sulit oras na masilayan ang Poon.

Arvin Cabral

“Magaan sa pakiramdam oras na masilayan ang Senyor.”

Para sa 11 anyos naman na si Arvin Cabral, ang kaniyang nakatatandang kapatid na naoperahan at sumasailalim sa dialysis ang nagtulak sa kaniya upang maki-isa sa selebrasiyon ngayong taon. Ito ang kaniyang ikalawang beses na lumahok.

Kasama niya ang magkaibigang Aling Eutropia, 73, at Aling Rose Mary Fustrado, 64, na 18 na taon nang sumasama sa Traslacion, at si Kenellyn, 11 anyos. Silang dalawa ni Arvin ang nakatung-tong sa kanilang dalang replika ng Poon at masigasig na nagpupunas ng mga panyo at bimpong ibinabato ng mga kapuwa nila deboto.

“Ayaw nga nilang matulog eh. Sabi nila baka iwan namin sila,” ani Eutropia nang tanungin kung bakit kahit na may babala tungkol sa pagsasama ng mga bata ay kasama pa rin nila ang dalawa. Ngunit kahit na sila’y maagang dumating, nadismaya ang kanilang grupo dahil sa pag-iiba ng ruta ng poon. Gayunpaman, sila’y nabuhayan ng loob nang masilayan ang Poon.

Rogelio Mungcal

“Dito mo makikita ang lahat ng tao, makikita mo ang lahat ng tao nagkakaisa, makikita mo lahat ay nagsasakripisyo.”

Pasan-pasan ang isang maliit na rebulto ng poong Nazareno, mataimtim na naglalakad ng nakayapak si Rogelio Mungcal. Mahigit 20 taon ng deboto si Manong Rogelio sa Poong Nazareno. Dumadalo siya sa Traslacion sapagkat ito ang paraan niya ng pasasalamat sa mga biyaya niyang natatanggap taon-taon. Sa kaniyang pananaw, sa isang taon ang isang araw ng pagkakaisa ng lahat ay isang kahilingan ng  Panginoon.

Karga niya sa kanyang mga balikat ang mga hiling para sa mabuting kalusugan ng kaniyang pamilya. Naniniwala siya na ang Traslacion ay sumisimbolo sa taos-pusong pasasalamat ng lahat sa taon-taong himala at binibigay na biyaya na hindi aakalaing ibinibigay ng Poon. Nanawagan siya sa ibang mga Katoliko na kung kakayanin nilang dumalo sa Pista ng Poong Nazareno ay dumalo sila dahil isang beses lamang ito sa isang taon.

Paule 7587

Taon-taong ipinapamalas ng mga Katolikong Pilipino ang kanilang determinasyon at pagsasakripisyo ng isang araw para sa Panginoon. Sa kabila ng init, pagod, at ingay na nangyayari sa prusisyon ng Traslacion, nangingibabaw pa rin ang pagkakaisa at taimtim na pananalangin ng bawat debotong dumadalo.

Kasabay ng pag-apaw ng tao sa pagdalo rito ang buhat-buhat nilang mga panalangin at pasasalamat sa Panginoong Hesukristo.

Mga Litrato nina Enrique Bejar, Denise Paule, at Fritz Reyes

 

 

 

Last updated: Thursday, 17 June 2021