Katulad ng pagtraydor ni Hudas kay Hesus kapalit ng tatlumpung pirasong pilak, tila ipinagpalit ng karamihan ng kasalukuyang senador ang kanilang integridad at dangal para sa yaman at kapangyarihan. Tila ba’y endangered species na ang mga pulitikong may paninindigan at lakas na loob harapin ang isang administrasyong walang habas na tinatapakan ang karapatang pantao at ibinabasura ang konstitusyon ng ating bansa.
Habang pinagpiyestahan ng madla ang katatapos lang na ABS-CBN Ball, pinagpiyestahan rin ng mga Chinese investors ang pagbili ng mga isla sa sarili nating bansa. Punong-puno ang mga social media sites ng balitaktakan at debatehan tungkol sa mga kaganapan ng ABS-CBN Ball habang walang nagsisimula ng diskusyon sa kasalukuyang sitwasyon ng ating gobyerno na kung saan ang tatlong sangay nito ay parang nasa kamay na ng iisang tao.
Halos wala o maliit lamang ang oposisyon na natitira sa loob ng Senado at ng Kamara. Mas pinagtibay at pinalakas ng sambayang Pilipino ang kasalukuyang administrasyon sa paghalal ng mga bagong senador at kongresista na kaalyado ng gobyerno: mga mandarambong, manloloko, ignorante, at tapat sa paglilingkod hindi para sa bayan kundi para sa Pangulo na nagbigay ng kapangyarihan.
Bakit humantong sa ganitong lebel ng mga pulitiko ang bansang Pilipinas?
Nakalimutan na ba ng sambayanang Pilipino na mayroon mga pulitiko na kagaya ni Claro M. Recto na lider ng “Filipino-first” movement na umatake sa Estados Unidos at “neo-colonialism” nito sa Pilipinas? Maikukumpara ba natin ang tapang ni dating Senador Recto sa kasalukuyang Senate President Tito Sotto na nagsabing walang problema ang pangingisda ng mga Tsino sa ating dagat?
Nasaan na ang mga Jovito Salonga ngayon na kahit nasabugan ng bomba sa Plaza Miranda ay patuloy pa rin ang pakikipaglaban sa diktaturyang Marcos? Ang dating Senador ang siyang nagsulat ng Republic Act 7080 (Act Defining and Penalizing the Crime of Plunder) o ang batas laban sa pandarambong na isinampa sa dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Arroyo, pati na rin sa tatlong senador na sangkot sa Pork Barrel Scam (PBS). Maikukumpara ba natin ang paninindigan ni dating Senador Salonga kay Senador Bong Revilla kung siya mismo ay sangkot sa PBS?
Kaliwa’t kanan pa rin ang balita ng korapsyon at pandarambong sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Bureau of Customs (BOC), at ang kontrebersyal na Good Conduct Time Allowance Law (GCTA) na nakapagpalaya ng libo-libong kriminal sa ating mga kalsada.
Mabilis makalimot ang sambayanang Filipino sa mga iskandalo ng korapsyon. Nasaan na ang mga katulad ni dating Senador Miriam Defensor Santiago na mabangis at walang tigil ang paglaban sa mga katiwalian at pandaraya na nagaganap sa gobyerno? Kaya ba natin maihalintulad ang kalidad ng serbisyong ibinigay ni Senador Santiago kay Senador Imee Marcos na bago pa man umupong senador ay sangkot na sa mga alegasyon ng korapsyon sa lalawigan ng Ilocos Norte?
Kapag hindi dekalibre ang gumagawa ng batas ay hindi ring maasahan ang kalalabasang mga batas. Kinakailangan mas paigtingin ang pagbabantay at pagsisiyasat sa mga gawain ng Senado. Hindi dapat lumalagpas ang anumang batas nang walang sapat na deliberasyon at debate.
Sa kasalukuyan, walang ibang dapat sisihin sa kapalaran ng ating bansa kundi tayo mismong mga Pilipino. Tayo ang naghalal at nagbigay ng kapangyarihan sa mga pulitikong nakaupo ngayon ngunit nasa kamay din natin ang kapangyarihan upang baguhin ang lahat. Sikapin dapat ng bawat Pilipino na aktibong lumahok sa politikal at sosyal na buhay sa ating lipunan.
Ang pagiging rehistrado at marunong na botante, ang pagpapalaganap ng malalaman na isyung panlipunan imbis na showbiz, at ang pagwawasto sa mga taong nagpapalaganap ng fake news sa iba’t ibang social media sites ay iilan lamang sa mga paraan kung saan magiging aktibo tayo sa kaganapang politikal at sosyal sa ating bansa.
Hindi natin maipagkakait na ang Senado noon ay hindi na ang Senado ngayon; ang dating malalaman at mabibigat na usapan sa Senado ay unti-unti nang nawawala. Hahayaan na lang ba natin na ganito ang kahihinatnan ng ating gobyerno? Sapat na ba ang mga mandarambong, manloloko, at walang paninindigang mga tao para maglingkod sa ating bayan? O ipapakita natin sa susunod na halalan ang tunay ng hangarin ng sambayanang Pilipino?