Kuha ni Ricardo Yan II
Kuha ni Ricardo Yan II.

Mga luhaing alon ng mga isla


Lahat ng bagay, kung hindi aalagaan, ay tuluyang masisira; at hindi naiiba ang mga isla ng ating bansa.


By Benildean Press Corps | Thursday, 22 November 2018

Mula pananakop ng mga dayuhan hanggang sa pagpapatalsik ng diktador, naging saksi ang mahigit kumulang pitong libong isla ng Pilipinas. Ngunit sa hinaba ng kasaysayan, ngayon lamang nakaranas ng walang pagsang-alala ng tao sa kaniyang kapaligiran. Darating pa kaya ang panahon na pag-asa ang dala ng mga alon sa ating mga isla?

Mula 1900s hanggang 1980s, karamihan sa mga isla ng bansa tulad ng Boracay, Siargao, at Palawan ay hindi dinadayo ng parehong lokal at banyagang mga turista, kaya’t marahil napreserba ang angking kagandahan nito. Napanatili rin ang mabuting pagpapalagayan ng mga hayop at mga tao dito; ang mga dating istraktura at komposisyon ng mga kagubatan na nakapaloob sa mga isla ay walang pagbabago. Samakatawid, ang mga bantog na isla ng Boracay, Siargao, at Palawan ay maituturing noon na ‘virgin islands’ o mga isla na walang bahid ng turista.

Dahil sa maputing buhangin at malinaw na tubig, hindi nakakapagtaka na kinalaunan ay dinumog na ng mga turista ang mga naturang isla. Kung saan marami ang turista, doon din nagsisipuntahan at nagsisitayuan ng mga sari-saring negosyo. Kaya naman sila rin ang naging sentro ng mga samu’t-saring salu-salo at mga okasyon. Ang Boracay ay hindi eksepsyon dito.

Imbis na malinaw at malinis na tubig dagat, pinepeste na ng mga lumot ang Boracay. Sa katunayan, noong 2015, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation (JICA), isang organisasyon ng gobyerno ng Japan na nagbibigay ng tulong pinansyal at teknikal sa mga mahihirap na bansa, ang mga coral reef ecosystem ng Boracay ay nasira na dahil sa mga aktibidad ng mga turista tulad nang unmonitored diving at snorkelling. Kaya naman noong Abril, ayon sa Presidential Communications Operations Office, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na isara ang isla sa loob ng anim na buwan upang mabigyang pagkakataon na marehabilita ang isla.

Hindi lamang mismong mga isla ang apektado sa mga negatibong nangyayari dahil ang mga naninirahan at mga trabahador dito ay nagdudusa rin. Ayon sa pagpupulong ng Boracay Tourism and Resorts Stakeholders, ang naturang pagsara sa isla ng Boracay ay maaring magresulta sa kawalan ng trabaho ng mahigit kumulang 36,000 na katao at 56 bilyon pesos sa revenue o kita.

Habang inaayos diumano ang isla ng Boracay, kasalukuyan ding iniimbistigahan ang popular na destinasyon ng mga surfer, ang isla ng Siargao.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu noong Pebrero nitong taon, mahigit kumulang 90 na establisyimento sa Siargao ang lumabag sa Environmental Impact Statement System kung saan nakasaad ang patakaran para sa bawat establisyimento na magkaroon ng tamang sistema sa pagtatapon ng basura at maayos na drainage system. Dagdag pa na wala diumano nakuhang environmental compliance certificate ang ilang mga kainan.

Samantala naman, makikita ang ang isa sa Seven Wonders of Nature na Subterranean River National Park sa Puerto Princesa, Palawan. Subalit, sa kasamaang palad, mukhang ito naman ang susunod na masisira dahil sa kapabayaan ng turista at lokal na pamahalaan.

Sa isa panayam ni Cimatu sa 2nd Philippine Environment Summit na ginanap sa Cebu noong Pebrero, napag-alaman niya na ang pangingitim ng kuweba ay dahil sa pagdagsa ng mga turista na pumupunta rito. Ang paghinga ng tao raw ay maaaring pinanggalingan ng carbon na nadudulot ng pangingitim.

Maliban sa pangingitim ng kuweba sa Subterranean River National Park, nakakita rin ang DENR ng mga establisyimento na lumabag sa batas patungkol sa coastal zone. Ayon sa Executive Order No. 533 o Integrated Coastal Management (ICM) of 2006, nakasaad ang pagpapanatili ng maayos na baybayin at karagatan. Noong Marso ay ibinalita na mahigit kumulang tatlumpu’t dalawang mga resort, kainan, hotel, at iba pang establisyimento na lumagpas sa tatlong metrong eastment zone ang inutasan ng lokal na pamahalaan ng El Nido, Palawan na umalis sa kanilang pwesto at gibain na rin ang mga ito.

Hindi pa man tiyak ang kahihinatnan nang patuloy na paglubha ng kondisyon ng mga virgin islands tulad ng Boracay, Siargao, at Palawan. Mahihinuha na malaki ang posibilidad na parehas lang ang kahahantungan nito sa Boracay. Ang pangkalahatang kapakanan ng isla, ng kagubatan, dalampasigan, at mga hayop nito ay hindi lamang pakikinabangan sa ekonomiya. Ang malawakang negatibong epekto nito ay unti-unting mararamdaman ng mga naninirahan rito, kasunod ang buong mamamayang Pilipino.

Hindi masama ang magbakasyon at humanga sa mga kagandahang hatid ng ating bansa. Subalit, kailangang tandaan na kasabay sa paghanga ang pagpapahalaga upang hindi mawala ang biyaya ng mga isla.

Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 2: Aftermath.

 

 

 

Last updated: Friday, 18 June 2021