Narito na naman ang pinakahihintay na araw ng mga luma-love life at ang araw naman na kinakalimutan ng mga ampalaya at malalamig ang puso. Kung ano man ang kalagayan mo para sa araw na ito, bakit hindi natin sariwain ang tamis na dulot ng ika-14 ng Pebrero? Sabay-sabay nating harapin ang isang mahabang araw na dulot ng Valentine’s Day dahil narito na ang espesyal na mga payo para sa araw na ito mula kay tita charing!
Single ka kamo? Heto na ang ka-date mo.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ginagamit mo ang iyong mga paa upang makarating sa kung saan-saan. Naisip mo na bang pasalamatan siya at makipag-date muna sa kanya? Kung hindi pa ay dumaan muna sa spa, kumalma lang at mag-chillax. Noong kabataan ko, ginagawa ko rin iyan tuwing araw ng mga puso, NBSB kasi ang tita mo. Effective naman siya, nababawasan ang pait sa aking puso.
Wallet revival 101 by tita Charing
Magkikita na ba sana kayo mamaya pero biglang nabutas ang bulsa mo? Huwag mag-alala dahil nandito si tita, hindi para bigyan ka ng pang-date, kundi para bigyan ka ng payo. Sabihin mo sa iyong iniirog na pumunta sa inyong bahay dahil grounded ka sa araw na iyon. Maghanda ka ng tanghalian,merienda o hapunan para sa inyong dalawa, kasama ng tulong ni inay! Pumitas ka na lang din muna ng bonggang-bougainvillea sa hardin, tandaan na tanggalan ng tinik, okay?
Paanong makaiwas sa “Sa susunod na lang” zone?
Ibahin ang kahulugan ng Valentine’s day para sa nakararami at gawin itong family day + araw ng pagsamba. Sabi nga sa akin ng crush ko noon nung niyaya ko, “Pasensya ka na, Charing. Magsisimba kasi kami ng pamilya ko. Sa susunod na Valentine’s na lang!” Kaya heto ako, 30 years na ang nakalipas pero hindi pa rin natutuloy ang “sa susunod na lang!” ng crush ko. Pero ayos lang, may libreng lunch date na kasama ang pamilya, hindi pa ako na-basted ng crush ko.
Alam ninyo, isang araw lang naman ang araw ng mga puso sa sinasabi ninyong Day 1/366 days na iyan. Ibig sabihin, mayroon ka pang 365 days para: 1) ipakita sa kaniya kung gaano mo siya kamahal; 2) ipagtapat sa kaniya ang tunay na nararamdaman; at 3) sabihin kina inay at itay na mahal na mahal mo sila. Kaya ang lahat nang plano na ito ay magiging espesyal pa rin kahit hindi sa Pebrero 14 isagawa. Hindi ba’t masarap pa nga sa pakiramdam ang makatanggap ng regalo kahit wala namang okasyon? Kaya hala, sige, make your tita proud, Hanggang sa muli!
Mga Dibuho ni Sace Natividad
