High blood─’yan ang lagi nating nararamdaman sa tuwing magbubukas tayo ng telebisyon, partikular na sa mga non-stop na isyu ng katiwalian at korupsyon. Dati rati’y mga ordinaryong mamamayan lamang ang ipinapakitang dinadala sa kulungan. Ngayon, maging ang mga big time na politiko ay center of attraction na rin─s’ympre with matching wheelchair. Sa halip na mainis, mayroong mga taong idinadaan na lamang ang nararamdaman sa sining at mga likha. Isa na sa mga likhang ito ay ang Kleptomaniac, isang rap-musical tungkol sa buhay ng mga Pilipino sa kamay ng mga pulitikong manyak sa pera.
Ang Kleptomaniac ay isang dula na pinangungunahan ni Nicco Manalo, isang alumnus ng De La Salle-College of Saint Benilde na nagtapos ng kursong Bachelor of Arts in Technical Theater. Si Nicco bilang si Tabo ay isang tambay na naghangad ng isang marangal na buhay para sa kaniyang kasintahan na si Vicki (Thea Yrastorza) at sa kanilang magiging anak. Puro hirap at panghuhusga ang dinanas ni Tabo mula sa kanyang mga kapitbahay. Tila wala siyang karapatang mangarap ng higit pa sa pagiging isang padyak driver.
Nabigyan ng trabaho ang kawawang si Tabo bilang tagapili ng mga mabibigyan ng libreng pabahay ng Mayor (Brian Sy). Dahil nais niyang mabuhay ng tapat at marangal, nanganib ang kaniyang buhay at naging biktima ng magulong sistema ng pulitika at katiwalian.
Mahusay na ipinakita ng mga aktor, sa pamamagitan ng fliptop-rap, ang mga tahasang murahan, bangayan, kasawian, pag-asa, at pagmamahalan na sumasalamin sa tunay na buhay ng ating mga kababayang kung tawagin ay informal settlers. Sa pangalawang interval ay ipinakita ang hirap na dinaranas ng mga ordinaryong Pilipino sa kamay ng mga kleptomaniac na mga pulitiko. Ika nga, ang salitang “magnanakaw” ay para sa mga mahihirap at “kleptomaniac” naman para naman sa mga mayayaman.
Ang dulang ito ay mula sa malikhaing panulat ni Layeta Bucoy at mahusay na direksyon ni Tuxqs Rutaquio. Ang musika naman ay mula kina Jose Carlos Frios, Nina Virgin, at Jed Balsamo. Ipinamahalaan naman ni Nestee Mamaril Gamilla ang choreography ng dula. Talaga namang kahanga-hanga ang konsepto ng dula na ito dahil ginamitan nila ito ng rap at iba’t ibang klase ng kanta.
Nakuha namin ang konsepto ng rap-musical mula sa mga [African-american] kung saan ay gumawa sila ng sarili nilang mga language gamit ang rap. At diba, mahilig ang ating mga kababayan sa rap,” ayon kay Rutaquio.
Bukod kay Manalo, gumanap rin dito ang mga batikang stage actors na sina May Bayot, Miles Kanapi, at Jonathan Tadioan.
Ang dula ay mapapanood sa Tanghalang Aurelio Tolentino sa Cultural Center of the Philippines. Magpapatuloy ang kwento ni Tabo hanggang July 27. Magkakaroon naman ito ng re-run sa Nobyembre 28 hanggang Disyembre 14.