Sa gitna ng mabilis na urbanisasyon, paano matatawag na maunlad ang isang lungsod kung hindi pa rin nito matiyak ang malayang paggalaw ng mga mamamayan?
Sa patuloy na paglawak ng Kalakhang Maynila, kasabay ng pag-unlad ng mga lungsod ang mga hamong kinahaharap ng mga mamamayan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Kabilang dito ang kakulangan sa maayos at abot-kayang pampublikong transportasyon na nagdudulot ng mahabang oras ng pagbibiyahe at kahirapan sa pagpasok sa trabaho o paaralan.
Bukod dito, nananatiling malaking hamon ang kakulangan ng maaasahang pampublikong transportasyon sa Metro Manila. Ayon sa 2025 TomTom Traffic Index, ang Pilipinas ang may pinakamataas na antas ng pagsisikip ng trapiko sa Asya, kung saan tinatayang anim na araw ang nawawala sa mga komyuter sa Metro Manila dahil sa trapiko. Dagdag pa rito, tinatayang 70% ng mga biyahe sa Metro Manila ay gumagamit ng pampublikong transportasyon, samantalang 80% ng espasyo sa kalsada ay ginagamit ng mga pribadong sasakyan. Sinasalamin nito ang pangangailangan para sa mga solusyong nakabatay sa ebidensya, kabilang ang pagpapahusay ng ating pampublikong transportasyon at pagpapanatili ng abot-kayang pamasahe upang matugunan din ang pangangailangan ng mga komyuter.
Kaligtasan sa bawat hakbang
Ibinahagi ni Marcus Aquino, isang ID125 na mag-aaral ng Bachelor of Arts in Multimedia Arts (ABMMA) sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB), at limang taon nang komyuter sa Metro Manila, ang mga hamong tinatahak niya sa araw-araw na pagpasok at pag-uwi sa Novaliches, Quezon City. Upang makaiwas sa trapiko, nakasanayan na niyang umalis ng bahay dalawang oras bago ang klase. Gayunman, maaari pa ring umabot nang tatlong oras ang kaniyang biyahe pauwi, lalo na tuwing rush hour.
Bilang mag-aaral na miyembro rin ng Benildean Press Corps, ang publikasyong pangmag-aaral ng DLS-CSB, nababawasan ang kaniyang oras para sa pag-aaral, iba pang gawain, at pagpapahinga dahil sa mahabang biyahe at siksikan sa UV Express at Light Rail Transit system (LRT). Kaniyang binigyang-diin na huwag dapat ituring na normal ang ganitong hirap.
“‘Yung pinakamalaking hamon talaga sa akin is yung kawalan ng pagkakataong maging productive sa gitna ng napakahabang biyahe… Ninakawan na tayo ng oras sa bawat biyahe natin,” aniya.
Para kay Aquino, hindi lamang oras ang nawawala sa mga komyuter, kundi pati ang pagkakataong makapaglakad nang ligtas. Ibinahagi niyang may mga lugar sa paligid ng DLS-CSB na walang maayos na bangketa, kaya napipilitan ang mga estudyanteng maglakad sa kalsada. “Kahit pa nasa tamang pedestrian lane ka na tumatawid, kailangan mo ring maging sobrang alerto.”
Ipinaliwanag din ni Aquino na ang mga suliranin ay hindi lamang dapat iugnay sa mga indibidwal na motorista, kundi sa mas malawak na pagpaplano ng mga lungsod. “Masyado tayong car-centric sa bansang commuters naman yung nagpapatakbo,” aniya, na tumutukoy sa pangangailangang bigyang-pansin ang mga gumagamit ng pampublikong transportasyon.
Iminungkahi rin niya ang pagpapalawak ng mga linya ng tren, pagpapanatiling abot-kaya ng pamasahe, at pagbuo ng mga lungsod na may malalawak na bangketa at ligtas na daanan para sa mga nagbibisikleta.
Kakulangan ng organisadong sistema
Ibinahagi naman ni Leanne Kaye L. Gom-os, isa ring ID125 na mag-aaral ng ABMMA sa DLS-CSB na nagsimulang maging komyuter noong senior high school pa lamang, ang mga hamong kinahaharap niya. Kabilang dito ang maagang pag-alis sa kanilang bahay, mahabang paghihintay ng masasakyan, at matinding trapiko na dahilan ng dalawa hanggang apat na oras niyang byahe pauwi sa Quezon City.
Tinukoy niya ang kawalan ng organisadong sistema ng pampublikong transportasyon bilang isa sa mga sanhi ng pagkaantala at dagdag na hirap sa mga pasahero. “Gusto ko sila mismo mag-commute muna bago sila gumawa ng patakaran, bago sila mag-isip ng solusyon. Bakit sila 'yung gagawa ng solusyon kung hindi naman nila alam 'yung problema?” aniya, na tumutukoy sa mga opisyal at tagapagtatag ng mga patakaran sa transportasyon.
Dagdag pa ni Gom-os na ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga drayber ay nagdudulot ng konsensya sa kaniyang kalooban, sapagkat pakiramdam niya ay hindi sapat ang pamasaheng ibinabayad niya sa kanila. Para sa kaniya, mahalagang magkaroon ng mas maayos at organisadong sistema ng transportasyon upang mapagaan ang kalagayan ng mga drayber, gayundin upang makatulong sa pag-unlad ng bansa.
“Sa kabila din ng pagpupursige, patuloy din nating ipaglaban na magkaroon ng mas magandang programa ang transportasyon at mabigyan tayo ng mas kalidad na experience sa pagkokomyut,” aniya.
Sa madilim na siyudad
Para naman kay Joan Marie Jose, isang estudyante sa senior high school sa Malate Catholic School, na isang taon nang bumibiyahe sa Metro Manila, hindi natatapos ang usapin ng kaligtasan sa loob ng pampublikong sasakyan. Araw-araw, nagmumula pa siya sa lungsod ng Pasay at gumugugol ng humigit-kumulang 30 hanggang 45 minuto sa biyahe patungo sa kaniyang paaralan sa Maynila, gayundin sa kaniyang pag-uwi.
“Bilang isang babae, siyempre mas nagiging conscious ka sa surroundings mo, lalo na kapag gabi,” aniya. Kabilang sa kaniyang mga aalalahanin ang mga kalsadang walang maayos na bangketa at mga lugar na kulang sa ilaw. Dahil dito, nagiging mas mapanganib ang paglalakad, lalo na sa gabi.
Para kay Jose, dapat ding isaalang-alang ng mga lokal ng pamahalaan ang karanasan ng mga taong naglalakad sa kanilang mga komunidad. Hindi sapat na nakatuon lamang ang pag-unlad sa pagtatayo ng mga gusali at mall kung hindi naman ligtas ang mga lansangan para sa mga naglalakad.
Iminungkahi niyang ayusin ang mga bangketa at streetlights upang mas maging ligtas ang mga lansangan, lalo na sa mga lugar na dinaraanan ng mga estudyanteng umuuwi sa gabi.
Bigyang-pansin ang iba pang ruta
Para naman kay Reisa Mae Valenzuela, isang 25-taong-gulang na nagtatrabahong Accounts Receivable Accountant sa Jollibee, dalawang taon na siyang bumibyahe ng isa’t kalahati hanggang dalawang oras araw-araw mula sa Tandang Sora, Quezon City hanggang Ortigas, lungsod ng Pasig. Malaking suliranin para sa kaniya ang pagkahuli sa trabaho dahil sa pagkaantala ng Metro Rail Transit (MRT), mahahabang pila, at siksikan ng mga pasahero.
Para kay Valenzuela, mahalagang magkaroon ng mahabang pasensya at umalis nang mas maaga upang maiwasan ang mga ganitong sitwasyon. Ayon sa kaniya, naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ang matinding daloy ng trapiko, kaya kinakailangan niyang mag-adjust upang hindi mahuli sa pagpasok sa trabaho. “Kasi ngayon, ‘yung traffic, very normal na lang ‘yan. Minsan hindi na talaga siya maaalis sa atin,” saad niya.
Iminungkahi niya ang kaniyang suhestiyon na dagdagan ang pagtatayo ng mga karagdagang skyway. Magsisilbi itong daan upang maibsan ang pagsisikip ng mga karaniwang kalsada sa kadahilanang maraming pribadong sasakyan ang dumaraan dito.
Kaligtasang may pananagutan
Mahalagang layunin ng pamahalaan ang pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak sa kaligtasan ng publiko. Ngunit ang kaligtasan sa lungsod ay dapat ding masukat base sa kalidad ng mga lansangan at pampublikong espasyong ginagamit ng mga mamamayan araw-araw.
Sa isang ulat ng World Resources Institute noong Marso 2026, iniliarawan kung paano nakaaapekto sa karanasan ng mga komyuter ang mga sirang bangketa at mapanganib na tawiran. Ipinakita rin dito kung paano nakatutulong ang adbokasiya ng mga mamamayan sa pagsusulong ng mas ligtas at inklusibong transportasyon.
Hindi nasusukat ang kaunlaran ng isang lungsod sa matataas na gusali, malalawak na kalsada, o mga bagong tayong imprastraktura. Nangangailangan din ang mga mamamayan ng organisadong sistema ng transportasyon na tumitiyak sa kanilang kaligtasan at malayang paggalaw sa mga rutang kanilang tinatahak. Bahagi rin ng pag-unlad ng isang lungsod ang sama-samang disiplina at pagkilos upang matugunan ang mga kakulangan at mapangalagaan ang mga karapatan ng bawat isa.
