Inilatag Ni Marcus Aqunio
Inilatag Ni Marcus Aqunio.

Mga lunas na bahagi ng kulturang Pilipino


Ngayong #BuwanngTraditionalandAlternativeHealthcare, kilalanin ang paggamit ng mga halamang gamot at tradisyunal na paraan ng panggagamot na nananatiling bahagi ng kulturang Pilipino sa kabila ng pag-unlad ng makabagong medisina.


By Kristina Caasi, and Paula Martinez | Sunday, 22 November 2026

Bago pa man lumaganap ang mga ospital, botika, at makabagong gamot, marami sa mga Pilipino ang umaasa sa kalikasan upang maibsan ang iba't ibang karamdaman. Mula sa mga halamang matatagpuan sa bakuran hanggang sa mga pamamaraang isinasagawa ng mga tradisyunal na manggagamot, naging mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino ang katutubong panggagamot.

 

Sa paglipas ng panahon, patuloy na naipapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod ang kaalaman tungkol sa mga halamang gamot at tradisyunal na panggagamot. Mas madaling mahanap at mas abot-kaya ang mga ito, lalo na sa mga rural na lugar at pamayanang limitado ang access sa serbisyong medikal. Dahil dito, mahalagang kilalanin ang mga ito bilang bahagi ng ating kultura at kasaysayan. 

 

Ayon sa Department of Health (DOH), may sampung halamang gamot na kinilala dahil sa kanilang potensiyal na makatulong sa paggamot o pagpapagaan ng ilang karaniwang karamdaman, kabilang ang mga halamang madaling matagpuan sa mga bakuran at pamayanan. Narito ang ilan sa mga ito:

 

Inilatag Ni Zoie Sabanal

Inilatag ni Zoie Sabanal

 

Akapulko (Senna alata)

Kilala rin bilang Ringworm Bush, ang Akapulko ay isang halamang karaniwang ginagamit para sa mga impeksiyon sa balat na dulot ng halamang-singaw, tulad ng buni, an-an, at alipunga. Karaniwang ginagamit ang dinikdik na sariwang dahon nito bilang pampahid sa apektadong bahagi ng balat.

 

Inilatag Ni Zed Roxas

Inilatag ni Zed Roxas

 

Ampalaya (Momordica charantia) 

Bukod sa pagiging karaniwang sangkap sa mga pagkaing Pilipino, kinikilala rin ang Ampalaya dahil sa potensiyal nitong makatulong sa pagkontrol ng antas ng asukal sa dugo. Dahil dito, pinag-aaralan at ginagamit ito bilang halamang gamot na may kaugnayan sa diabetes. Gayunpaman, hindi ito dapat ipalit sa mga iniresetang gamot para sa sakit na ito.

 

112226 (karilyon   Listicle Traditional And Alternative Healthcare Month   Bawang)

Inilatag ni Zoie Sabanal

 

Bawang (Allium sativum) 

Ang Bawang ay hindi lamang pampalasa sa mga lutuing Pilipino, kundi isa ring halamang may mga katangiang maaaring makatulong sa kalusugan. Iniuugnay ito sa pagkontrol ng kolesterol at presyon ng dugo. Mayroon din itong mga sangkap na pinag-aaralan dahil sa kakayan nitong lumaban sa mikrobyo.

 

[X]

 

Bayabas (Psidium guajava) 

Kilala ang Bayabas bilang panlinis ng mga sugat dahil sa mga katangiang antiseptiko nito. Karaniwang pinakukuluan ang mga dahon upang makagawa ng tubig na ginagamit sa paghuhugas ng sugat at pagmumog. Bahagi na rin ito ng nakaugaliang pangangalaga sa kalinisan ng katawan ng maraming Pilipino.

 

[X]

 

Lagundi (Vitex negundo) 

Ang Lagundi ay isa sa mga kilalang halamang gamot sa Pilipinas na ginagamit upang makatulong sa pagpapagaan ng ubo at mga sintomas na kaugnay ng hika. Karaniwang ginagamit ang mga dahon nito sa paggawa ng tsaang Lagundi at mga produktong herbal na makikita rin sa mga botika.

 

Bukod sa paggamit ng mga halamang gamot, mayroon ding iba't ibang nakaugaliang paraan ng panggagamot na bahagi ng kulturang Pilipino. Ang mga pamamaraang ito ay kadalasang isinasagawa ng mga tradisyunal na manggagamot at naipapasa sa pamamagitan ng karanasan, paniniwala, at kaalamang minana mula sa mga nakatatanda.

 

112226 [karilyon   Listicle Traditional And Alternative Healthcare Month] 6. Hilot

Inilatag ni Anjelia Pardilla

 

Hilot

Ang Hilot ay isa sa mga pinakakilalang tradisyunal na paraan ng panggagamot sa Pilipinas. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pagmasahe, pagdiin, at maingat na paggalaw ng mga kamay sa iba't ibang bahagi ng katawan. Karaniwang ginagawa ito upang makatulong sa pagpapagaan ng pananakit ng kalamnan, pagkapagod, at paninigas ng katawan. 

 

Inilatag Ni Marcus Aqunio

Inilatag ni Marcus Aquino

 

Ventosa

Ang Ventosa o cupping therapy ay isang pamamaraan kung saan gumagamit ng mga espesyal na tasa na inilalagay sa balat upang lumikha ng pagsipsip o suction. Layunin nitong makatulong sa pagpapagaan ng pananakit at paninigas ng mga kalamnan. May iba't ibang uri nito, kabilang ang paggamit ng init o espesyal na kagamitan upang makalikha ng vacuum sa loob ng tasa. Mahalagang isagawa ito ng sinanay na praktisyoner upang maiwasan ang paso, pasa, at impeksiyon.

 

112226 [karilyon   Listicle Traditional And Alternative Healthcare Month]

Inilatag ni Kij Cabardo

 

Suob

Ang suob (tuob sa Bisaya) ay isang tradisyunal na paraan ng panggagamot na gumagamit ng usok mula sa pinakuluang tubig o mga halamang gamot. Sa ilang bayan, isinasagawa ito sa pamamagitan ng pag-upo malapit sa pinagmumulan ng usok habang tinatakpan ng kumot ang katawan upang mapanatili ang init. Bahagi ito ng paniniwalang makatutulong ang pagpapawis at paglanghap upang maibsan ang ilang karamdaman. Gayunpaman, walang sapat na siyentipikong ebidensyang nagpapatunay sa bisa nito at mayroon din itong panganib na magdulot ng pagkapaso o hirap sa paghinga. 

Sa kabila ng pag-unlad ng agham at teknolohiya, nananatiling bahagi ng kulturang Pilipino ang mga halamang gamot at tradisyunal na panggagamot. Sumasalamin ang mga ito sa pagiging malikhain at maparaan ng ating mga ninuno sa paggamit ng likas na yaman upang pangalagaan ang kalusugan. Mahalagang mapanatili at maidokumento ang mga kaalamang ito bilang bahagi ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan. Sa huli, ang pagpapahalaga sa ating tradisyon ay nangangailangan din ng responsableng paggamit nito para sa susunod na henerasyon.   

Last updated: Monday, 23 November 2026