Layout By Ezra Asor
Layout By Ezra Asor.

2 Valid IDs: Kapag ang sistema ang hadlang sa pag-asa


Mahirap malunod sa isang sistemang hadlang sa pagkuha ng mga pangunahing serbisyo dahil sa mga prosesong nagpapahirap sa mga nangangailangan nito.


By Shane Ashley Gumatay | Tuesday, 3 November 2026

Ang 2 Valid IDs ay isang pelikulang politikal at sosyal drama na tumatalakay sa buhay ni Sylvia, isang magsasaka na naglakbay patungong Maynila upang kunin ang perang ipinadala ng isang kamag-anak para sa pagpapagamot ng kaniyang asawa. Sa halip, naharap sila sa isang balintunang problema: kailangan ni Sylvia ng dalawang valid ID upang makuha ang perang pang-gamot, ngunit wala siyang maipakita kahit isa.

 

Inilalantad ng pelikula ang mga suliraning kaugnay ng kahirapan, burokrasya, at red tape o ang labis at paulit-ulit na mga prosesong nagpapabagal sa mga transaksyon sa loob ng mga institusyon. Higit pa rito, ipinakikita na inuubos ng mga ganitong suliranin ang oras, lakas, at pag-asa ng mga Pilipinong salat sa kabuhayan.

 

Pinangungunahan ang pelikula ng mga batikang aktor tulad nina Marietta “Pokwang” Subong, Joey Marquez, Meryll Soriano, at Zaijian Jaranilla. Isinulat ito ni Abet Pagdagdagan Raz at idinirehe ni Ma-an L. Asuncion-Dagñalan sa ilalim ng produksiyon ng Cinemalaya.

 

Kailangan mo ang wala sa iyo

“Kaya ka nga kukuha ng ID kasi wala kang ID, ta’s hihingan ka ng ID, kanino bang idea ’to?” Sa isang pangungusap, naipapakita ang kabalintunaan ng sistemang humihingi ng patunay ng pagkakakilanlan sa taong wala pa nito.

 

Sa halip na maging daan sa pagkuha ng tulong, nagiging hadlang ang ID. Ipinapakita ng pelikula kung paano pinapahirapan ng isang ordinaryong rekisito ang mga taong kapos sa pera at oportunidad.

 

Higit pa sa pagganap 

Sa pagganap ni Subong bilang Sylvia, naipakita ang isang babaeng patuloy na nagsusumikap para sa kaniyang asawa sa kabila ng mga prosesong hindi pamilyar sa kaniya. Hindi lamang sa kaniyang mga salita makikita ang determinasyon ng karakter, kundi pati sa pagharap niya sa bawat pagsubok.

 

Samantala, mahusay ring naipakita ni Marquez ang kahinaan ni Ramon bilang isang asawang umaasa sa pag-aalaga ni Sylvia, ngunit mulat sa hirap at sakripisyong pinagdaraanan nito para sa kaniya.

 

Isa sa mga dahilan kung bakit nagiging mabisa ang kanilang mga karakter ay ang pagiging simple at personal ng kanilang pinagdaraanan. Hindi sila inilalarawan bilang mga taong naghahangad ng marangyang buhay; ang nais lamang nila ay makuha ang pera para sa pagpapagamot.

 

Ang linyang “Ikaw lang ang meron ako” ay nagbibigay-diin sa ugnayan ng mag-asawa at sa emosyonal na bigat ng sitwasyon ni Sylvia. Sa kabila ng kaniyang mga paghihirap, malinaw na ang pagmamahal niya kay Ramon ang nagtutulak sa kaniya na magpatuloy.

 

Ang lungsod na hindi naghihintay

Isa rin sa mga kapansin-pansing elemento ng pelikula ang paglalarawan sa Maynila bilang isang magulong lungsod. Para kay Sylvia, ang Maynila ay hindi lamang isang paglalakbay– kinakailangan din niyang harapin ang isang kapaligirang hindi pamilyar sa kaniya habang sinusubukang alamin kung paano matatapos ang kaniyang transaksyon. 

 

Inilalantad ng lungsod ang agwat sa pagitan ng mga taong sanay sa ganitong kapaligiran at ng mga kailangang mangapa rito. Para kay Sylvia, ang bawat hakbang ay maaaring magdulot ng pagkalito at dagdag pang gastusin. Habang patuloy na kumikilos ang mga tao sa paligid niya, tila hindi siya makausad dahil sa mga paulit-ulit na hadlang na nauukol sa kakulangan ng pera at kakulangan ng malinaw na gabay.

 

Ang sistemang may pinipili

Higit sa paghihirap ni Sylvia, ipinapakita ng pelikula ang problema sa pagpapatupad ng patakarang hindi isinasaalang-alang ang magkakaibang kalagayan ng mga mamamayan. Mukhang makatuwiran ang paghingi ng mga dokumento sa pagpapatunay ng pagkakakilanlan ng isang tao, ngunit nagiging problema ang kawalan ng mga alternatibo. Sa halip na matulungan silang makapasok sa sistema, lalo silang naiiwan sa labas nito.

 

Dito rin pumapasok ang usapin ng “palakasan” at pribilehiyo. Ang may sapat na mapagkukunan ay maaaring makahanap ng ibang paraan, samantalang ang mga kapos ay nagiging sunod-sunuran na lamang sa bawat hakbang. Dahil dito, ang pagiging patas ng isang patakaran ay hindi lamang dapat ibatay sa pare-parehong rekisito, kundi pati sa kung tunay bang nabibigyan ang lahat ng pagkakataong matugunan ang mga ito.

 

Mabisang inilalarawan ng pelikula ang reyalidad ng isang sistemang patuloy na binibigo ang mga mamamayang nangangailangan ng tulong. Inilalarawan nito na sa likod ng ‘di makatwirang proseso ay may mga taong patuloy na lumalaban. Hindi maaaring patuloy silang sabihan na maging matatag kung walang remedyo na ginagawa upang gumaan ang kanilang pinagdaraanan.

 

Higit pa rito, kailangang bulabugin ang mga nasa posisyon at panagutin silang butihin ang sistema. Kabilang dito ang pagpapasimple ng mga proseso, pagbibigay ng malinaw na gabay at makatwirang alternatibo para sa mga walang sapat na dokumento, at pagtiyak ng tunay na naaabot ng lahat ang mga serbisyong kailangan nila. Hindi sapat ang pagkakaroon ng mga patakaran kung ito mismo ang nagiging hadlang sa pagkuha ng tulong.

 

Mapapanood ang 2 Valid IDs sa mahigit 100 sinehan mula Oktubre 14, 2026. Ayon sa Cinemalaya, maaaring makakuha ng espesyal na ticket sa halagang ₱200 ang mga guro at estudyante sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang ID sa mga ticketing counter. ₱230 naman ang ticket sa mga probinsya, habang ₱275 ito sa Metro Manila.

Last updated: Tuesday, 3 November 2026