Inilunsad ng Tukod Foundation ang kanilang proyektong pinamagatang “Kapuluan: A Book, Film, & Festival for Our Archipelago” sa pamamagitan ng isang Merienda & Press Launch, noong ika-19 ng Oktubre sa Tahanan Showroom, YMC Building, Chino Roces.
Ang Kapuluan ay binubuo ng serye ng mga aklat at pelikulang pang-edukasyon hinggil sa klima at kultura, na inilikha kasama ang mga katutubo at mga komunidad sa frontline mula sa bawat rehiyon ng bansa.
Nagsimula ang kaganapan sa pagbibigay ng mensahe nina Tukod Foundation President Isabella Tanjutco at Executive Director Annika Rafer, na nagpasalamat sa National Geographic at Youth Climate Justice Project sa kanilang suporta sa inisyatiba.
Binigyang-diin ni Tanjutco ang patuloy na tungkulin ng pundasyon sa pagpapanatili ng aksesibilidad ng sining at likhang Pilipino sa pamamagitan ng programang placemaking, edukasyon, at iba't ibang pagdiriwang.
“In this foundation, we truly believe that culture is the solution to the crisis we all can face. And we really assist the call on investing indigenous and ancestral knowledge,” ani Tanjutco.
Giit niya, layunin ng proyekto na maipakita kung paano maisasabuhay ang pagiging isang kapuluan—nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pamumuhay.
Inilahad din ng grupong nangasiwa sa proyektong Kapuluan, na binubuo nina Impact Director Issa Barte, Art Curator at Creative Director Tasha Tanjutco, at Video Editor Miko Reyes, ang kuwento sa likod ng kanilang likha.
Ayon kay Tanjutco, ang nais nilang ipahiwatig sa salitang “Kapuluan,” na nangangahulugang arkipelago, ay ang pagpapayabong ng pagbabago sa buong Pilipinas. Bunga nito ang kanilang tatlong taong paglalakbay sa iba’t ibang isla upang makisalamuha sa mga kabataan at nakatatanda sa mga komunidad.
Ang karaniwang intensyon sa paglilibot sa iba’t ibang panig ng mundo ay samantalahin ang pagkakataong gawing mas makabuluhan ang isang lugar o kaya’y humanap ng isang bagay na bukod-tangi rito.
Ngunit ang natuklasan ni Reyes ay kahit magkakaiba ang mga isla, mayroon pa ring natatanging kaugnayan. “I think what we found is there's more threads that connect these islands than separate them. We're not separated by water, we're connected by it.”
Bilang pagpupugay sa mga ninuno, ang aklat at pelikula ng Kapuluan ay nagsisilbing paalala sa mga susunod na henerasyon kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pagiging isang Pilipino. Layunin nito na dekolonisahin ang pampublikong edukasyon sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kabataan sa mga kapuluang paraan ng pag-iisip, pamumuhay, at paglikha.
Ayon kay Barte, ang Kapuluan ang naging tugon sa kanilang pagsaksi at pagdanas sa mga epekto ng kolonisasyon sa bansa. “Looking around and working with all these communities from across the archipelago in our youth-led organization just showed us there's so much to lose if we don't start something now.”
Ipinaliwanag din niya na ang pagtalakay ng climate change, gamit lamang ang numero at datos, ay maaaring magdulot ng takot at kawalan ng pag-asa. Sa tulong ng Kapuluan, natatalakay ang climate change sa pamamagitan ng mga kuwentong sumasalamin sa kulturang Pilipino at mga makatotohanang karanasan ng mga tao.
“A lot of the data calls for us to want to create new things or try to look outward in what other people are doing in different countries. [It’s] just trying to look at what we can do better but it's not calling us to remember what we're already doing and what we already have.” Dagdag ni Rafer.
Nagsisilbi ring paraan ang aklat upang magpasalamat at magbalik sa bawat komunidad na naging bahagi ng proyekto. Ayon kay Rafer, ang donasyon mula sa mga bumibili ng aklat ay makatutulong sa pagpapatuloy ng kanilang mga layunin.
Maaari nang mag-pre-order ng aklat, na inaasahang opisyal na lalabas sa Pebrero 2027. Ayon kay Rafer, maglalabas pa sila ng karagdagang detalye sa kanilang social media.
Kasabay nito, nagpaplano rin sila ng serye ng lakbay-aral, pagpapalabas ng pelikula, book introductions, at mgatalakayan para sa promosyon ng aklat.
