Layout By Marcus Aquino
Layout By Marcus Aquino.

Pamana ng kamay at mga sining ng Katutubong Pilipino


Saan isusulat ang kasaysayan ng isang pamayanan kung wala itong papel? Para sa mga Katutubong Pilipino, hinahabi ito sa abaka, iniuukit sa kawayan, tinatapik sa balat, at iniindak ng mga kamay. Ngayong #BuwanNgKatutubongPilipino, silipin natin ang mga likhang nagpapatuloy sa kuwento ng ating mga ninuno.


By Rae Salonga | Tuesday, 20 October 2026

Hinabi, inawit, isinayaw, at itinatak sa balat ang sining ng ating mga katutubo. Ang bawat isa ay salaysay ng kanilang paniniwala, dangal, at pagkakakilanlan na sumasalamin sa kanilang ugnayan sa kalikasan. Sa bawat likhang tampok sa listahang ito, mababakas ang yaman ng mga pamayanang patuloy na nag-aalaga ng kanilang kinagisnan. 

 

 

Inilatag Ni Zoie Sabanal

Pangalay

Tinaguriang “sayaw ng kuko” ang Pangalay—tradisyonal na sayaw ng mga Tausug sa kapuluan ng Sulu. Kilala ito sa umaalong galaw ng mga braso at kamay, na lalong nasisilayan dahil sa janggay, ang mahahabang kukong yari sa metal. Ito ay karaniwang itinatanghal sa kasalan at iba pang pagdiriwang ng pamayanan. Igal o Umaral naman ang tawag ng mga karatig na Sama at Bajau sa kahawig na sayaw, kung minsan ay kawayang kastaneta naman ang ginagamit sa halip na janggay.

 

 

Inilatag Ni Zoie Sabanal

Ambahan

Tula ng damdamin at pamumuhay ang Ambahan ng mga Hanunó’o Mangyan ng Mindoro. Pitong pantig ang bawat taludtod nito, at may tugma ang huling pantig ng bawat linya. Tradisyonal itong inaawit at tumatalakay sa panliligaw, pagpapayo sa kabataan, paghingi ng matutuluyan, at pamamaalam sa kaibigan. Dahil sa halaga nito, kinilala ang Surat Mangyan na gamit sa Ambahan bilang National Cultural Treasure at napabilang sa Memory of the World Register ng UNESCO. 

 

 

 

Inilatag Ni Marcus Aquino

Dagmay

Hinahabi ng mga Mandaya ng Davao Oriental mula sa abaka ang Dagmay gamit ang paraang ikat, kung saan mahigpit na tinatalian ang piling sinulid bago kulayan upang lumitaw ang disenyo sa paghabi. Taglay ng mga disenyo ang kosmolohiya ng Mandaya at iniuugnay sa proteksyon, pagkamayabong, at presensya ng umagad—ang mga espiritu ng ninuno. Matapos habiin, kadalasang ibinababad ang tela sa putik na mayaman sa bakal upang lumalim ang kulay, tumibay ang hibla, at mapirmi ang tina.

 

 

 

Inilatag Ni Kij Cabardo

T’nalak

Hinahabi mula sa hibla ng abaka ang T’nalak, ang sagradong tela ng mga T’boli sa Lake Sebu, South Cotabato. Ang mga disenyo nito ay ipinagkakaloob sa mga manghahabi sa panaginip ni Fu Dalu, ang diyosa ng abaka. May taglay ring kahulugan ang mga tradisyonal na kulay: puti para sa kadalisayan, pula para sa dugo ng mga ninuno, at itim para sa lupang pinagmulan. Dahil sa panaginip nagmumula ang mga disenyo, tinaguriang dreamweavers ang mga manghahabi nito. 

 

 

 

Inilatag Ni Zed Roxas

Hagabi

Inukit mula sa iisang puno ng narra, ipil, o molave, ang hagabi ay isang malaking bangkong likha ng mga Ifugao. Itinuturing itong pinakamataas na sagisag ng ranggo at katayuan ng uring kadangyan. Hindi ito maaaring basta ipagawa sapagkat kailangang patunayan muna ng pamilya ang kanilang kagandahang-loob sa pamamagitan ng sunud-sunod na piging na ginaganap sa loob ng maraming taon. Sa kabila ng pagiging tanda ng yaman, ginagamit din ito ng buong pamayanan. 

 

Mula sa salitang-ugat na tubò ang katutubo na nangangahulugang pagsibol mula sa sariling lupa, na siyang tulad ng kalikasan ng kanilang sining. Kung may aral tayong madadala mula sa pagkilala sa kanila ngayong Buwan ng Katutubong Pilipino, ito ay ang pamanang pinipiling panatilihin araw-araw ng mga taong tumangging limutin ang kanilang pinagmulan. 

Last updated: Tuesday, 20 October 2026