Sa ikatlong pagkakataon, muling nagdulot ng pangingilabot ang BenildeFilm sa pamamagitan ng "LAGIM!" BenildeFilm Horror Festival na ginanap mula Oktubre 28 hanggang 29 sa 12/F Screening Room, Design and Arts (D+A) Campus.
Upang mas maging kasindak-sindak ang gabi, sinalubong ang mga manonood ng pulang ilaw at mga kantang angkop sa Halloween habang hinihintay na mapuno ang Screening Room. Para sa ikalawang araw ng pagtatanghal, itinampok ang anim na maiikling pelikula: “Hinga” ni Jamia Cuadrado, “Lilith” ni Raika Aniela M. Relos, “Ang Bagong Toy ni Boy” ni Arold Nuestro, “La Hermandad De Maria Dolorosa” ni Ivan Carlo Bustos, “Ani Ko, Ani Mo” ni Maria Beatrice Magat, at “Ten-Four” ni Farrell Andrei Yupano.
Tákot para sa takót
Pinanikip ng “Hinga” ang dibdib ng mga manonood sa pamamagitan ng pagpapakita ng elemento ng claustrophobia. Bumida sa pelikula ang isang claustrophobic na babaeng hinarap ang kanyang takot habang nagtatago mula sa isang nanghimasok sa kanyang tinutuluyang Airbnb. Ayon kay Cuadrado, nagmula ang konsepto sa kanyang personal na phobia at sa kakulangan ng representasyon nito sa mga pelikula.
Ipinaliwanag din niya ang pagkakakilanlan ng nanghimasok sa buhay ng babae, “Noong sinusulat ko ang backstory for [the] intruder, kilala siya ni woman… gusto ko lang siyang maging open-ended. Bahala na yung audience kung ano yung [wakas].”
Ibinahagi rin niya na ang kaniyang paboritong horror na direktor ay si Jordan Peele. Bagama’t baguhan sa paggawa ng horror na pelikula, naging inspirasyon niya ang kakaibang atake ni Peele sa pananakot.
Naghatid din ng kakaibang pananakot ang “Ang Bagong Toy ni Boy” sa pamamagitan ng paggamit ng digital na laro. Umikot ang kuwento nito kay Boy na lumaki sa isang patriyarkal na pamilyang may mababang tingin sa mga kababaihan. Tulad ng pagtrato ng kaniyang ama sa kanyang ina, inutus-utusan din ni Boy si Mayumi—isang karakter ng laro—gamit ang iba’t ibang prompt na lumalampas sa karaniwang dress-up game.
Naging inspirasyon ni Nuestro ang mga usapin sa kawalan ng pahintulot sa paggawa ng prompts gamit ang AI. “Ang AI ay isang malaking threat when it comes to consent… Sa isang prompt ay napakadaling makapag-generate ng kung anu-anong mga bagay na hindi alam ng isang tao.”
Ibinahagi naman ni Relos ang kanyang pelikulang rebelyon sa kaniyang tradisyonal na pamilya. Ang pelikulang “Lilith” ay kinunan sa kanilang tahanan, na nagtatampok ng mga kagamitang karaniwang makikita sa isang tradisyonal na pamilyang Pilipino.
Nagpakita ang pelikula ng mga sagradong elemento upang ipahiwatig ang matinding paniniwala ng pamilya ni Lilith sa Diyos. Nang mabalitaan ng kaniyang ama na hindi na siya pumapasok sa paaralan, nagalit ito dahil pangarap niyang magkaroon ng mga doktor at abogado sa pamilya.
Ibinahagi ni Relos na tulad ni Lilith, inaaasahan din siyang magkaroon ng “normal na trabaho.” Sa pelikula, isang duguang “Lilith” ang bumalik sa kanilang tahanan at nagsalita nang hindi ibinubuka ang bibig.
Ipinakita naman sa “La Hermandad De Maria Dolorosa” ni Bustos ang kakaibang takot na handog ng isang kulto. Umiikot ang kuwento sa isang babaeng nagnanais na buhayin ang kaniyang anak, ngunit ipinagkait din iyon sa kanya.
Sinundan naman ito ng “Ani Ko, Ani Mo” ni Magat, isang psychological horror na tumatalakay sa pag-aagawan ng identidad nina Andi at Dani. Binanggit ni Magat na naging inspirasyon niya ang mga medya na tumatalakay sa krisis sa pagkakakilanlan, gaya ng pelikulang “Black Swan” at kantang “lacy” ni Olivia Rodrigo.
“Doon, nabuo ko yung idea na kung gaano ba ka-importante sa world ngayon kung sino ka at kung paano ma-e-express ‘yon without totally changing yourself,” aniya.
Tinapos ang screening sa pelikulang “Ten-Four” ni Yupano, na sumusunod sa kuwento ng pulis na si Rodel habang muling nauungkat ang nilibing niyang pighati mula sa kaniyang nakaraan. Ayon kay Yupano, pinagsama nila ang analog horror at tradisyunal na katatakutan.
Sa likod ng camera
Sa likod ng bawat obra maestra ng mga direktor ay ang prosesong dinaan sa katuwaan at kahirapan. Ibinahagi ng mga kasapi ng produksyon ang iba’t-ibang pagsubok na kanilang dinanas—mula sa kakulangan ng oras hanggang sa mga pisikal na limitasyon.
Inilahad ni Relos na naging one-man team ang kaniyang produksyon matapos akuin ang 90% ng trabaho. Naging mahirap din para sa kanya na mag-shoot sa lugar kung saan nakaranas siya ng panghuhusga bilang isang estudyanteng ng pelikula at dahil sa pagsasama niya sa kaniyang kasintahang kapareho niya ng kasarian.
Binigyang-diin din ni Magat ang kanilang karanasan sa tatlong araw na full shoot sa Baguio, kung saan limang tao lamang ang bumubuo sa kanilang pangkat. Naging mahirap para sa kanila ang pagsasagawa ng mga eksena, lalo na’t may pinagbabatayan na tono ang mga karakter.
Sa kabilang banda, ibinahagi nina Cuadrado at Yupano na ang kakulangan sa oras at pangangailangang magbawas ng mga eksena sa iskrip, habang pinapanatili ang kalidad ng kanilang pelikula, ang naging pangunahing pagsubok nila.
Sa pagwakas ng talakayan, nagbigay ng mga huling mensahe ang mga direktor tungkol sa mga mensaheng nais nilang ipahiwatig sa mga manonood. Ibinahagi ni Nuestro na ang kagandahan ng isang pelikulang horror ay ang pagpapakita ng tunay na halimaw. Aniya, “Let’s keep our home safe… Yes to consent…. Not to generative AI and no to Pax Salica.”
“Art is always rebellion… always fight for what you think you are,” saad naman ni Relos na nagpapaalala na ang sining ay isa ring anyo ng paghihimagsik. Binigyang-diin din ni Yupano na bagama’t ang dalamhati ay isang masakit na karanasan, hindi ito dapat hayaang magtakda ng takbo ng buhay ng isang tao.
Ipinaalaala naman ni Magat ang pagpapahalaga sa pagtuklas sa sariling identidad. “Try to explore yourself, what you want, without completely basing it on sa mga ibang tao. Lalo na sa art.”
Ang LAGIM! Horror Film Festival ay hindi lamang pagdiriwang ng Halloween, kundi pagkakataon ding imulat ang mga manonood sa katotohanang ang tunay na halimaw ay hindi ang mga kababalaghang nilalang, kundi ang mga sistemang kinakaharap ng lipunan at ang mga personal na pagsubok sa buhay.
