Inilatag Ni Zed Roxas
Inilatag Ni Zed Roxas.

Bawat guro, ating bayani


Guro, ikaw naman! Tuklasin ang mga karanasang humubog sa bawat magigiting na gurong Benildyano. Sa paglipas ng #WorldTeachersDay, patuloy na ipagdiwang ang kanilang serbisyo para sa bayan.


By Kate Solinap, and Azlene Maglente | Tuesday, 6 October 2026

Ang mga nagbibigay-daan para sa lahat ng pangarap

Sa paggunita ng World Teachers’ Day ngayong ika-5 ng Oktubre, tuklasin natin ang mga karanasan, paghihirap, at motibasyon ng mga gurong Benildyano na patuloy na humuhubog sa mga mag-aaral at patuloy na naglilingkod sa larangan ng edukasyon.

Tulak ng pagtuturo

Isang malaking dedikasyon ang kinakailangan ng isang guro para magpatuloy na maging gabay ng mga estudyante. Ang pagtuturo ay hindi karaniwang trabaho na pinapangarap ng karamihan, lalo na sa mga pagsubok na kaakibat nito. Ito ay isang bokasyon—isang sining ng paghubog ng kaisipan at isang pagtugon sa tawag ng paglilingkod.

 

Karamihan sa mga guro ng De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) ang hindi agad pinlano na pumasok sa akademya at magturo. Para kina Mr. Jag Garcia ng BenildeFilm Faculty, Mr. Wesley Valenzuela ng Fine Arts Faculty, at Mr. Justin Jette M. Roldan ng Center for Student Life Faculty, naging isang accidental calling ang pagtuturo.

 

Naramdaman ni G. Garcia ang matinding paghikayat sa sarili na magturo at magsilbing inspirasyon sa iba pang nais din matuto sa industriya ng pelikula. Nagkaroon naman ng oportunidad si G. Valenzuela na magturo nang alukin siya ng kaniyang dating boss sa isang advertising agency na kunin ang posisyon nito bilang guro sa College of the Holy Spirit Manila. Samantala, namulat naman si G. Roldan sa halaga ng pagtuturo nang matuklasan niya kung gaano kalakas ang kapangyarihan nito upang maimpluwensyahan niya ang iba na magsama-sama upang bigyang-solusyon ang mga problema sa lipunan.

 

“Ito ay isang sining sa paghubog ng kaisipan sa paggabay ng karakter ng mga mag-aaral,” saad naman ni Mr. Edwin Sagum Estrada, Assistant Professor ng School of Diplomacy and Governance, na bata pa lamang ay may passion na pagdating sa pagtuturo.

 

Sa kabilang banda, para kay Ar. Jonathan Kenneth Baltazar ng BS Architecture (BS-ARCH) Faculty, ang kaniyang karanasan bilang isang arkitekto ang nagtulak sa kaniya upang magbigayliwanag sa mga naghahangad din maging katulad niya. Ibinahagi niya ang kaniyang karanasan bilang delingkwenteng estudyante noong kolehiyo, na binigyan ng pangalawang pagkakataon ng kaniyang mga guro. Dahil sa tiwala na kaniyang natanggap, pinagbuti niya ang pag-aaral at ginawa niya itong inspirasyon sa kaniyang pagtuturo. “Be the person or teacher that you [needed] when you were younger,” aniya.

 

Upang patuloy na maging inspirasyon sa mga estudyante, mula sa maliliit na bagay hanggang sa malaking kaganapan, binubuo nito ang debosyon ng mga gurong magsilbi sa lipunan. Naging inspirasyon kay Ms. Shiela Mae Sabalburo ng School of Diplomacy and Governance (SDG) Faculty ang kaniyang mga guro na buong-pusong nag-alaga sa kaniya, na nag-udyok upang ipasa ang kabutihang-loob sa kaniyang mga estudyante. 

 

Para naman kay Ms. Orchid Cabatuando ng School of Multidisciplinary Studies (SMS), sa mga simpleng bagay nakukuha ang inspirasyon sa pagtuturo. Mula sa paghingi ng recommendation letter at pagpapasalamat ng mga estudyante ay sapat na magbigay sa kaniya ng lakas at motibasyon sa pagtuturo. 

 

Ang pagiging guro ay hindi lamang isang trabaho, kundi isang misyon ng paghubog ng karakter at kaisipan ng mga kabataan. Sila ang nag-iiwan ng kaalamang patuloy na dadaloy sa mga susunod na henerasyon.

 

Bigat na pasan ng guro

Ang bawat silid-aralan ay may dalang pagsubok na kinakailangan ng pagpapakumbaba at pag-unawa. Isa sa naging karaniwang sagot ng mga guro ay ang usaping pampinansyal at sahod—isang reyalidad sa Pilipinas kung saan ang sahod ay madalas hindi sapat upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin. Kinakaharap din nila ang patong-patong na responsibilidad, lalo na sa mga gurong part-time at may inaasikasong ibang responsibilidad sa labas ng paaralan. 

 

Kaakibat din ng pagiging isang guro ang emosyonal na kabigatan ng mga problema. Ibinahagi ni G. Baltazar ang pag-atake ng impostor syndrome—pagkwestyon kung sapat ba ang kaalamang ibinabahagi niya sa klase. Ipinahayag din nina G. Roldan, Bb. Cabatuando, at Mr. Bary Reyes ng School of Management and Information Technology-Analytics, Computing and Infrastructure (SMIT-ACI) Cluster Faculty ang hirap sa pagbabalanse ng pakikiramay at pagdidisiplina sa mga estudyante lalo na kapag hindi sila nagpapakita ng respeto.

 

Sa kabila naman ng paningin ng ilang mga estudyante sa mga guro, inihayag nina G. Roldan at Bb. Cabatuando na hindi kailanman intensyon ng guro ang magbigay ng bagsak na grado. Sa halip, nagdudulot din ito sa kanila ng self-reflection kung naging epektibo ba ang kanilang estilo sa pagtuturo o kung may pagkukulang sila bilang mga tagagabay. 

 

“Ang dapat nilang intindihin [ay] ang mga pinag-aaralan nila, may patutunguhan. Hindi dahil sa kailangan mong mag-comply at [dahil] sinabi ng propesor,” saad ni G. Reyes sa pagpapaalala sa mga estudyanteng lahat ng kanilang pinag-aaralan ay importante sa aspeto ng kanilang programa. 

 

Ngunit sa kabila ng mga hamon at hindi pagkakaunawaan, ang mga guro ay tumitindig nang matatag at hindi sumusuko. Sa kabila ng pagod at personal na mga problema, isinasapuso nila na ang pagtuturo ay pagsusubaybay sa pag-unlad ng kabataan.

 

Paggunita sa landas ng guro

Ang pagtahak sa landas ng akademya ay hindi madali, sapagkat kaugnay nito ang responsibilidad na ipagpatuloy ang pagtugon sa tawag ng bokasyong pagtuturo. Marami mang oportunidad ang tinangay ng panahon, mananatili pa rin itong buhay sa puso ng mga gurong patuloy na naglilingkod sa bayan. Sa likod man ng iba’t ibang sumbrerong suot ng mga guro upang ipakita ang kanilang personalidad, namamayagpag pa rin ang kanilang mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon.

 

Ang pagpiling tahakin ang landas ng akademya ay tila isang liham para sa kanilang nakababatang sarili. Para kay G. Estrada, ninanais niyang iparating sa kaniyang nakababatang sarili na tama ang landas na kaniyang pinili, ngunit kinakailangan ang kahandaan sa mga pagsubok na darating sa hinaharap.

 

“Because everything that I will learn along the way is something that would be helpful and beneficial when the time comes,” pahayag ni Bb. Sabalburo habang ginugunita ang hindi pagkakaroon ng tuwirang landas sa pagtuturo. 

 

Sa kahusayan nagsisimula ang bawat bagong kaalaman—hindi lamang upang magturo, kundi upang patuloy ding matuto at maibahagi ang sarili sa kapwa. Sa bawat maliit na hakbang na humuhubog sa mag-aaral, naroon ang mga aral na kanilang natutunan mula sa kanilang mga guro. 

 

Sa kabilang banda, nag-iwan naman ng payo si G. Garcia: “You're sharing your life, you are learning the hard way. You build students—binubuo mo sila sa isang imahe na gusto mong makita sa mundo.” 

 

Para kay G. Reyes, marapat munang alamin ang iyong layunin at tanungin ang sarili kung nasisiyahan sa larangan ng pagtuturo, sapagat kusa na lamang daw itong lumalapit na parang tadhana. 

 

“I’d like to think of courage not as the absence of fear, ‘yung hindi ka natatakot, kundi you recognize that there are some things that you are not familiar with, there are some things that make you afraid or fearful, but you still go through it,” saad naman ni Bb. Cabatuando habang emosyonal na ibinabahagi ang kaniyang mensahe.

 

Hindi malilimutan ang kanilang pagkilala, sapagkat sa bawat munting disiplina na kanilang tinutuwid, unti-unting nabubuo ang kumpiyansa sa sarili na balang araw mayroon ding bunga sa mga punong kanilang itinanim.

 

“Guide lang ako, o magbibigay lang ako ng pointers, but at the end of the day, sila pa rin ‘yung magdedecide kung ano talaga ‘yung gusto nila,” pahayag ni G. Valenzuela, na binibigyang-diin ang kanyang papel bilang gabay sa halip na tagapagdesisyon para sa kanyang mga estudyante. Samantala, hangad ni G. Baltazar na pukawin ang kamalayan ng bawat estudyante na kanyang tinuturuan sa bawat panuruang taon.

 

Para naman kay G. Roldan, sa pamamagitan ng pagtuturo, mas marami siyang naimpluwensiyahan at matutulungan sa lipunan.

 

Tila sinulid na hinabi, pinagdurugtong ng bawat leksiyon ang kaalaman na natutuklasan ng bawat mag-aaral. Bilang gabay, palaging naroon ang kanilang mga guro upang ituro ang tamang landas. Hindi lamang sila sandigan ng edukasyon, kundi mga pangalawang magulang na handang gawin ang lahat upang maabot ang kanilang mga munting pangarap. Sapagkat kung may isang gurong patuloy na nagtitiwala, ang kanilang kinabukasan ay patuloy ding uunlad.

 

“Lahat kayong mga estudyante, para kayong mga superhero. Hindi niyo lang alam kung paano i-unlock ang skills ninyo. Ang goal ng mga propesor is to help you,” habilin ni G. Reyes habang ibinabahagi ang potensyal ng mga mag-aaral sa paglikha ng sarili nilang landas. 

 

Gayundin ang habilin ni G. Roldan na patuloy na nananalig, “Sana panghawakan natin ‘yong mga learnings [at] mga natutunan din natin mula sa iba na experiences. Lalo na ‘yong grasya na mula sa Panginoon.”

 

Sa huli, isinasabuhay ng mga guro ang pagiging responsable sa lipunan—isa sa mga pagpapahalagang binibigyang-diin ng Benildean Expressions. Sa kanilang tapat na paglilingkod, naipapakita rin ang Lasallian Core Values na naniniwala sa kapangyarihan ng pagkatuto at ugnayan sa kapwa. 

 

Sa pagtanggap sa iba’t ibang katangian ng bawat guro, hindi lamang kaalaman ang kanilang naibabahagi, kundi pati na rin ang hangaring ipagpatuloy ang mga aral at hulmahin ang potensyal ng bawat estudyante.

Last updated: Wednesday, 7 October 2026