Inilatag Ni Zoie Sabanal
Inilatag Ni Zoie Sabanal.

EDJOP: Yapak ng pakikibaka


“Kung ang mundo ay magpapaalipin sa takot, baka hindi na umusad ang bayan.” Kilalanin ang konsepto ng pag-asa sa EDJOP ngayong anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.


By Kate Solinap | Tuesday, 22 September 2026

Nabubuo ang kasaysayan sa pamamagitan ng mga pangalan, larawan, at kuwentong naipapasa sa bawat henerasyon. Mula sa direksyon ni Katski Flores, ang pelikulang EDJOP, na nagsimulang maipalabas sa mga sinehan noong Setyembre 16, ay nagbibigay-buhay sa mga taong may mga pangarap at paninindigan para sa bansa. Ito ay hango sa kuwento ni Edgar “Edjop” Jopson, isang lider-estudyante at aktibistang naging bahagi ng magulong yugto sa kasaysayan ng Pilipinas.

 

Hindi tipikal na biopic ang pelikulang ito, sapagkat nabuo ito sa pamamagitan ng mga kuwentong naitalang katotohanan, o mula sa mga sa salaysay na nakasaksi sa mga kaganapan at nakakilala kay Edjop. Ginamit ni Flores ang librong U.G.: An Underground Tale: The Life and Struggle of Edgar Jopson, na isinulat ni Benjamin Pimentel, bilang isa sa mga sanggunian ng pelikula. 

 

May dalawang parallel stories itoang kwento ni Edjop mula sa kanyang pagkabata hanggang sa kanyang prominenteng papel bago at sa panahon ng Batas Militar, at ang kuwento ng kaniyang anak na si Joyette, na minumulto ng alaala ng kaniyang mga magulang noong panahon ng batas militar. Sa pelikulang ito, si Edjop ay tila isa lamang konsepto, marahil ay ganoon din ang tingin ni Joyette sa kanya.

 

Ginampanan ang mga karakter nina Elijah Canlas, Jodi Sta. Maria, Cedrick Juan, Menchu Lauchengco-Yulo, Kakie Pangilinan, at iba pang sumusuporta sa pelikula. Mas naging makubuluhan ang pelikula sa paggamit ng kulay, framing, pati na rin ang mga camera angles sa paglabas ng emosyon ng mga artista. Malaking tulong din ito sa mga manonood na makilala ang pagkakaiba ng dalawang kwento at makita ang pagbabago sa takbo ng buhay ng bawat karakter.

 

Takbong paurong

Dahil sa pagkakaroon ng dalawang lente, naging mahirap sundan ang pelikula. Nakalilito ang pagkasunod-sunod ng mga pangyayari sa buhay ni Edjop, dahil may mga eksena na bigla na lamang lumilipat sa ibang setting. Ngunit habang nagpatuloy ang pelikula, unti-unting natatagpi-tagpi ang kabuuan ng kuwento. 

 

Sa pagsisimula ng pelikula at sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng iba’t-ibang uri ng karera, kapansin-pansin agad ang simbolismo ng pagtakbo. Unti-unting ipinakita sa pagtakbo ni Joyette, mula sa mga tribute para sa kanyang ama, ang pilit na paglimot niya sa alaala ng kanyang ama dahil sa galit at hinanakit. Para makatakas, literal na pagtakbo ang tinahak niyang landas dahil, para sa kaniya, mas komportable roon—ang patuloy na gumalaw at hindi huminto upang maiwasan ang sakit na dulot ng nakaraan.

 

Ipinakita rito na may ilang mamamayang Pilipino na nagbubulag-bulagan sa katotohanan dahil hindi kinakaya ng kanilang sistema na harapin ang kasakiman ng mga nakatataas—mas pinipiling manatili sa katahimikan at kadiliman dahil doon komportable.

 

Pakikibaka para sa ginhawa

Ang bawat pagtakip ng mata at tainga ng mga Pilipino ay katumbas ng inaaksayang paghihirap ng mga manggagawang pinoprotektahan ang kanilang buhay. Si Edjop ay namuhay nang matiwasay bilang bahagi ng upper-middle class, ngunit hindi natinag ang kaniyang pakikiramay sa mga mahihirap. Tulad ni Edjop, marami ring nagtatanong kung bakit hindi nadadaan sa simpleng pag-uusap at mapayapang reporma ang pakikibaka. 

 

Ngunit nang mapagtanto niya ang karanansan ng mga mahihirap sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand Marcos Sr., naunawaan niyang hindi lahat ng tao ay may hurisdiksyon sa kanilang buhay. Ang taong komportable ay lubos na walang kamalayan sa kalagayan ng nasa laylayan hangga’t hindi sila nababagabag.

 

Nang tumigil si Edjop sa pag-aaral ng batas, ramdam na ramdam ang kaniyang galit sa sistemang tila mayayamang tao lamang ang nakikinabang. Napagtanto niya na ang hustisyang patuloy niyang ipinaglalaban ay hindi para sa lahat. Para sa kaniya, lahat ng tao ay pare-parehas, kaya marapat na mamuhay silang pantay-pantay. 

 

At upang matupad ang pangarap para sa bansa at sa kinabukasan ng kaniyang pamilya, pinili niyang paliyabin ang kanyang pag-asa—pag-asa na may pagbabago sa mga taong tulad niya, at sa sistemang nais niyang gawing mas makatao. Iniwan ni Edjop ang komportableng buhay at piniling pumunta kung saan siya kinakailangan. 

 

Mahalaga sa mga Pilipino ang pamilya—normal na buhay, payapa, at malayo sa gulo. Ngunit ang kapayapaan ay hindi matutupad nang walang kaguluhan. Ang pribilehiyo ay hindi makakamit nang walang paglalaban. Ang batas ay hindi maipapatupad kung walang nagpapatupad. Ang laban ay hindi matatapos kung hindi sisimulan. Hindi makaaabante sa karera kung hindi babalik. Tulad ng relay race, ang paglaban para sa tama ay mananatili hangga’t may tumatakbo at may nais matapos at manalo. 

 

Gaano man kalaki ang kalaban, hindi ibig sabihin nito na hindi na ito mananalo. Para kay Edjop at Joyette, mas nanaisin nilang patuloy na tumakbo at tumigil paminsan-minsan upang makita ang kalagayan ng mundo, dahil walang pag-uusad kung mananatiling komportable ang taong-bayan.

Last updated: Tuesday, 22 September 2026