Sa gitna ng makabagong teknolohiya at mabilis na pagbabago ng panahon, muli nating bigyang-buhay ang mga larong kinalakihan ng maraming Pilipino. Pinapatunayan ng mga tradisyonal na larong Pilipino na kaya nitong buhayin hindi lamang ang saya ng pagkabata, kundi pati ang kultura, pakikipagkaibigan, at pagkakaisa ng bawat kalahok.
Sa kasalukuyang henerasyon, kung saan malaking bahagi ng oras ng kabataan ay nakalaan sa teknolohiya, nagsisilbing daan ang Palarong Pinoy upang muling ipakilala, pahalagahan, at mapanatili ang mga tradisyunal na mga larong sumasalamin sa mayamang kulturang Pilipino. Sa ganitong paraan, ang mga larong minana mula sa nakaraan ay patuloy na nabibigyan ng bagong buhay at naipapasa sa susunod na henerasyon.
![082326 [ablaze X Karilyon Filipino Sports Listicle]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/28b8773e-06f4-4cd4-8b34-078aef99895b.png)
Inilatag ni Marcus Aquino
Taguan
Isang klasikong larong Pinoy kung saan ang isang manlalaro ay nagsisilbing taya, at kailangang hanapin ang iba pang manlalaro na nagtatago sa iba’t ibang lugar. Habang nag-uunahan ang mga kalahok na makapagtago at makaiwas na matagpuan, nasusubok din ang kanilang bilis at pagiging madiskarte.
![082626 [ablaze X Karilyon] Mga Laro Ng Lahi Langit Lupa](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/76988ee2-debb-4c96-8213-91ed4ea4e99a.png)
Inilatag ni Antoine Tanag
Langit-Lupa
Sa larong ito, may isang taya na manghuhuli sa ibang manlalaro na kailangang manatili sa ligtas na lugar o “langit” upang hindi mataya. Kailangang mabilis na lumipat ang mga manlalaro mula sa “lupa” patungo sa ligtas na lugar habang iniiwasan ang taya. Dahil dito, mahalaga ang bilis, timing, at pagiging alerto ng bawat kalahok.

Inilatag Ni Kij Cabardo
Kadang-Kadang
Ang Kadang-Kadang ay isang tradisyunal na larong Pinoy na nagmula sa Cebu noong 1969. Ang larong ito ay gumagamit ng mga patpat o kawayan bilang tungtungan na tinatapakan habang naglalakad o nakikipagkarera. Kailangang manatiling balanse ang mga manlalaro habang mabilis na gumagalaw upang makarating sa dulo nang hindi natutumba. Bukod sa bilis, nasusubok din sa larong ito ang koordinasyon, tiyaga, at pagiging maingat ng bawat kalahok.
![082426 [ablaze X Karilyon Filipino Sports Listicle Siklot]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/8f18d72d-318e-4f0e-b03b-3831b60b3f13.png)
Inilatag ni Zed Roxas
Siklot
Ayon sa artikulong inilathala ng International Council of Traditional Sports and Games, ang Siklot ay isang larong Pinoy na nagmula sa mga rural Filipino villages at gumagamit ng maliliit na bato, kabibi, o mga buto ng halaman. Layunin ng laro ang makatama ng iba pang bato sa pamamagitan ng pagpitik gamit ang daliri. Isa lamang ang kailangang matamaan at kung hindi, magpapatuloy na ang laro sa susunod na manlalaro. Ang kalahok na may pinakamaraming bato sa dulo ng laro ang panalo.. Pinatitibay ng Siklot ang koordinasyon ng mata at kamay, at maging ang kanilang kamalayan sa espasyo.

Inilatag Ni Juliana Polancos
Ubusan ng Lahi
Ang Ubusan ng Lahi ay isang tradisyunal na larong Pinoy kung saan may isang magsisilbing taya. Layunin ng taya na hulihin ang iba pang kalahok sa laro. Kapag may nahuli, sasali ito sa grupo ng taya at tutulong sa paghuli sa mga natitirang manlalaro. Nagtatapos ang laro kapag nataya na ang lahat. Mahalaga sa larong ito ang pagiging maliksi at mabilis, pati ang pakikipagtulungan sa bawat manlalaro.
![082426 [karilyon X Ablaze Filipino Sports Patintero]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/3c727f9f-41fa-406b-aebd-3a0b89f16be9.png)
Inilatag ni Kamille Castillo
Patintero
Ang Patintero ay isang laro na mayroong dalawang koponan, ang mga mananakbo at taga-taya. Ang mga mananakbo ay kailangang malagpasan ang bawat linya sa loob ng parihabang grid papunta at pabalik nang hindi natataya habang nananatili sa mga itinalagang guhit ng grid. Pinapalakas ng Patintero ang pagiging maliksi, bilis, balanse, mga reflex at stamina.
Sa huli, ang mga larong ito ay higit pa sa simpleng libangan, kundi nagsisilbi ring pundasyon ng pagkakaisa, pakikipagkaibigan, at disiplina. Sa pamamagitan ng mga larong Pinoy, naipapamana natin ang mayamang kultura bilang bahagi ng ating pambansang identidad, mapapanatili ang kalusugan, pinapalakas ang iba’t ibang kakayahan, at pagbubuo ng magagandang ugnayan sa isa’t isa.
