Sa gitna ng mga kababalaghan at kakaibang nilalang na nakapaloob sa kultura’t imahinasyong Pilipino, muling binuhay ng Benilde Theater Company ang mga pamanang iniwan sa atin sa pamamagitan ng pagtatanghal ng “Abay ang Tropa sa Kasal ng mga Tikbalang,” sa panulat nina Yoj at Laurence de Vera, direksyon ni Anthony Peñaranda, at katuwang sa direksyon ni Erich Baldove, na itinanghal mula Agosto 7 hanggang 12 sa ika-5 na palapag, Theater ng Design and Arts (D+A) Campus.
Pagpasok ng teatro, sinalubong ang mga manonood ng magandang tugtugin mula sa Philippine Gong Orchestra, na nagbigay ng mas malalim na ugnayan sa kulturang Pilipino. Lalo pang naging kapansin-pansin ang set design, ilaw, at backdrop na nagbigay-buhay sa pagtatanghal. Ang paggamit ng kulay lila, pula, asul, puti, at dilaw na ilaw ay nakatulong upang maipakita ang iba’t ibang damdamin at tono ng bawat eksena.
Makikita rin ang pagiging angkop ng mga kasuotan sa tema, sapagkat bawat tauhan ay gumamit ng mga costumes, headwear, at maskara na naaayon sa kanilang karakter at sa kabuuang konsepto ng palabas. Nakatulong din ang paggamit ng mga kolorete upang mapatingkad ang detalye sa mukha na nakaayon sa karakter na kanilang ginampanan.
Ang kasal ng mga tikbalang
Upang simulan ang dula, unang bumida si Ka Ayo na maayos na ginampanan ni Nyang Lopez. Unti-unti ring ipinakilala ang iba pang mga tauhan, sa pangunguna ng mga kakaibang nilalang kasunod ang limang batang magkakaibigan na ginampaman nila Cher “Malaya” Victorino, Hannah Nono, Erich Baldove, Sean Mapalad, at Jeric Tan. Unti-unting lumitaw ang kuwento ng pag-iibigan ng dalawang tikbalang, na ginampanan nina Althea Guancia at Lindsey Corral, at ang mga suliraning hahadlang sa kanilang pagpapakasal.
Ngunit, napagdesisyunan ng mga bata na pumasok sa sagradong bahay at doon ay inabutan sila ng malakas na ulan. At doon nila naisipang maglaro ng kasal-kasalan, isang larong karaniwang nilalaro ng mga bata sa Pilipinas. Mula sa disenyo at mga pagkaing ihahanda hanggang sa listahan ng mga iimbitahan, maingat at maayos nilang pinlano ang lahat ngunit may mga katanungan na sumagi sa kanilang isipan. Sa dami ng kailangang gawin ng mga tao para sa isang kasal, paano kinakasal ang mga tikbalang? Ano ang mga handa nila? At “Hindi ba dalawang tikbalang ang kinakasal? Paano mo nalalaman kung sino ‘yung babae o ‘yung lalaki sa kanila?” Isa rin sa mga katanungang binigyang-diin ay kung bakit babae at lalaki lamang ang maaaring ikasal. Maaari itong ituring na salamin sa usapin tungkol sa kalagayan ng LGBTQIA+ sa Pilipinas, kung saan hindi pa kinikilala sa batas ang same-sex marriage. Sa susunod na bahagi ng dula, doon na nagtagpo ang mga bata at ang mga kakaibang nilalang sa sagradong bahay. Naghalong takot at galit ang naging emosyon nila sa bahaging ito at sa kabila ng lahat, hindi rin natuloy ang kasal-kasalan.
Malayang maging malaya
Sinimulan ang ikalawang bahagi ng dula sa pagpapakita ng kahirapan ng pag-iibigan ng dalawang tikbalang. Ayon sa kanila, “ang daming tutol sa pagmamahalan natin,” dagdag pa rito ang buhos ng ulan na patunay na maraming humahadlang sa kanilang pag-iibigan kaya hindi matuloy-tuloy ang kasal na matagal na nilang pinagpaplanuhan. Ang pagganap ng dalawang babae bilang mga tikbalang ay maaaring isang malaking simbolo sa mga taong nasa loob ng relasyon na bahagi ng LGBTQIA+. “Palaging may nakatitig sa atin,” ani ng isang tikbalang, na maaaring sumisimbolo sa pagharap ng mga LGBTQIA+ sa mapanghusgang tingin ng lipunan. Sa simpleng pahayag na ito, naipapakita ang pakiramdam na tila palaging may matang nakamasid at nanghuhusga sa kanilang pagmamahalan.
Binigyang-diin ng dula ang pakiramdam na hindi sila nabibilang sa mundo ng mga tao at tila nakalilimutan ang kanilang mga kuwento. Ani ng isang nilalang, habang tumatanda raw ang mga tao ay mas lalo nilang nakikita ang kadiliman ng mundo at nakalilimutan ang masaya at malayang imahinasyong kanilang kinalakihan. Sinai rin nila na tila hindi na nirerespeto ang mga lupang kanilang tinitirhan. Ipinapakita nito kung paano hindi iniingatan ng mga tao ang kalikasan.
Habang pinakikinggan ang mga hinanakit ng mga nilalang ay nakapulupot ang mga inosenteng bata, bilang paraan ng pagparusa sa kanila. Ngunit ano nga ba ang kasalanan ng mga bata kung nais lang naman nilang maglaro ng kasal-kasalan?
Sa huling bahagi ng dula, dumating si Ka Ayo at iniligtas niya ang mga bata sa pamamagitan ng pakikiusap sa mga kakaibang nilalang na hindi nararapat sisihin ang kabataan, at nagmakaawang pakawalan ang mga bata. Binigyang-diin niya na walang may kasalanan. Kalaunan ay napagkasunduan din ng dalawang panig na lumipat na lamang sa ibang lugar kung saan mas matatanggap sila kung sino at ano man sila—sa langit. Nagtapos ang dula sa matagumpay na kasalan ng mga tikbalang kung saan naging abay ang magkakaibigan.
Sa likod ng mahiwagang mundo ng mga tikbalang, higit pa sa isang kuwento ng pag-iibigan ang ipinakita ng dula. Naipamalas nito ang mga usapin tungkol sa pagkalimot sa sariling kultura, kalayaan, pagtanggap, panghuhusga, at pangangalaga sa kalikasan, na patuloy na nararanasan sa reyalidad. Sa huli, ipinaalala ng pagtatanghal na ang pag-ibig at kalayaan ay hindi dapat nililimitahan ng mga pamantayang ipinapataw ng lipunan.
