Ang wika ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang bahagi ng kultura. Sa pamamagitan ng wika, naipapahayag ang mga ideya, kaugalian, at paniniwala. Ito rin ang dahilan kung bakit ang pagkawala ng isang wika ay pagkawala rin ng bahagi ng pagkakakilanlan natin bilang Pilipino. May mga wikang unti-unting nawawala, at kadalasan, walang gaanong nakababatid.
Isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming wika sa mundo. Mayroong mahigit 180 katutubong wika sa Pilipinas, ngunit karamihan sa mga ito’y ginagamit na lamang ng iilang matatanda sa mga liblib na baryo at kabundukan. Madalas ay hindi na itinuturo o ginagamit ng mga bata, kaya unti-unti rin itong nawawala sa pang-araw-araw na buhay. Narito ang ilan sa mga wikang nanganganib na mawala sa Pilipinas:
Adasen

Ang Adasen ay isang wikang nanganganib na maglaho, na ginagamit ng mga katutubong Adasen sa Rehiyong Administratibo ng Cordillera, partikular na sa hilagang-silangang bahagi ng Abra at sa kanlurang bahagi ng Apayao. Sa humigit-kumulang 10,300 na etnikong Adasen noong 2010, 4,000 lamang ang aktibong nagsasalita nito. Bagaman nagtataglay ng mataas na kakayahan sa dalawang wika ang mamamayan nito dahil sa kakayahang magsalita ng Adasen at Ilocano, mas ginagamit at pinapaboran ang Ilocano.
I-wak

Ang I-wak ay isang nanganganib na wikang ginagamit sa ilang bahagi ng Cordillera at Lambak ng Cagayan, na tinatayang nasa 2,570 na lamang ang may kakayahang magsalita nito. Higit pa sa pagiging paraan ng pakikipagtalastasan, nagsisilbi rin itong sisidlan ng kultura at tradisyon ng mga I-wak, kabilang ang pagtatanim ng kamote, pagdaraos ng mga ritwal gaya ng padit, at pagpapanatili ng mga katutubong paniniwala hinggil sa kalusugan at kalikasan.
Kalagan
Bahagi rin sa mga nanganganib na wika ang Kalagan na ginagamit sa Davao del Norte, Davao de Oro, at Davao del Sur sa Davao Region, gayundin sa Cotabato. Ang mga nagsasalita nito ay kabilang sa mga Kalagan, isang pangkat na naninirahan sa Mindanao, partikular sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Pinaniniwalaang ang mga Kalagan ay binubuo ng iba’t ibang pangkat ng mga Pilipinong naninirahan sa kapatagan na nagmula sa timog-kanlurang bahagi ng Asya.
Pánnon

Kabilang din sa mga nanganganib ang wikang Pánnon, na ginagamit ng mga Agtâ Ilabin na naninirahan sa gitnang bahagi ng Cagayan, partikular sa mga bayan ng Amulung, Buguey, Gattaran, Gonzaga, Lallo, Peñablanca, Santa Ana, at Santa Teresita. Nanganganib na ang wikang Pánnon sapagkat mayroon na lamang mahigit 105 mula sa 460 kabahayan ang may kakayahang makapagsalita nito. Pangunahing ginagamit ito sa bayan ng Gattaran sapagkat dito matatagpuan ang pinakamalaking populasyon ng mga Agtâ Ilabin, at ginagamit din bilang wikain sa bayan ng Dingalan, Isabela.
Malaynón

Ang wikang Malaynón ay mula sa isang katutubong grupo sa Kabisayaan at may tinatayang populasyon na 25,000. Naninirahan sila sa bayan ng Malay, sa hilagang-kanlurang bahagi ng lalawigan ng Aklan sa isla ng Panay. Ayon sa kasaysayan, hango ang pangalan nito sa lugar na kanilang kinabibilangan—ito’y isang wikang Austronesian na may malapit na pagkakatulad sa Aklanon.
Malawég

Ang wikang Malawég, na kilala rin bilang Malaueg o Malaway, ay isang nanganganib na wika na ginagamit sa Hilagang Luzon. Naninirahan ang mga Malawég sa Rizal, timog-gitnang Cagayan, at hanggang Conner, Apayao. Ayon sa kuwento noong panahon ng mga Kastila, nagmula ang pangalang Malaueg sa pagsasama ng “ueg,” na nangangahulugang sariwang tubig, at “malo,” na nangangahulugang masama sa wikang Kastila.
Karao

Ang Karao ay kabilang din sa mga nanganganib na wika sa Pilipinas, partikular sa hilagang Luzon. Humigit-kumulang 2,000 na lamang ang nagsasalita nito sa lalawigan ng Benguet at Ifugao. Karaniwang ginagamit ito sa mga nayon ng Karao at Ekip, sa hilaga ng Bokod, sa silangang bahagi ng Benguet, at maging sa timog-kanlurang bahagi ng Ifugao.
Kinaról-an

Isang nanganganib na wika ang Kinaról-an na ginagamit ng mga Karolano sa Barangay Carol-an, Kabankalan, Negros Occidental. Iniuulat na kritikal na ang antas ng paglalaho ng wikang ito kahit pa malaki ang populasyon ng grupo sapagkat iilan na lamang na miyembro ng komunidad ang may kakayahang salitain ito. Madalas itong ginagamit tuwing may seremonya o kaya’y ritwal na ginaganap sa komunidad at madalang itong ginagamit sa pang-araw-araw na gawain at komunikasyon.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga wikang ito, iisa ang hamon na kinakaharap ng bawat isa, ang unti-unting pagkawala ng mga taong gumagamit at nagpapasa ng mga ito sa susunod na henerasyon. Mahalaga ang pagpapanatili at paggamit ng mga katutubong wika sapagkat kasama nito ang mga kuwento, kaalaman, kultura, at pagkakakilanlan ng bawat pamayanan. Sa pamamagitan ng patuloy na paggamit, pagtuturo, at pagpapasa ng mga ito, maaari silang manatiling buhay at bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat pamayanan.
https://linguistics.upd.edu.ph/the-katig-collective/map-of-endangered-languages-in-the-philippines/
https://files.eric.ed.gov/fulltext/ED617996.pdf
https://kwfwikaatkultura.ph/pannon/
https://joshuaproject.net/people_groups/13447/RP
https://joshuaproject.net/people_groups/19184/RP
