Inilatag Ni Zoie Sabanal
Inilatag Ni Zoie Sabanal.

Indak ng bayan: Mga kuwento sa likod ng mga katutubong sayaw ng Pilipinas


Sa likod ng bawat indak ay may mga kuwentong humubog sa pagkakakilanlang Pilipino. Tuklasin ang mga kuwentong nakatago sa bawat pagsayaw.


By Kate Solinap | Friday, 21 August 2026

May mga kuwentong inilalahad sa pamamagitan ng sayaw. Ang bawat hakbang ay sumusunod sa kulturang unti-unting binuo ng ating mga ninuno at patuloy na binubuhay hanggang sa kasalukuyan. Sa bawat indak at kumpas, naisasalaysay ang kuwento ng pag-ibig, pagkakakilanlan, at pamumuhay ng mga Pilipino.

Bawat sining ay may sari-sariling lalim at kuwentong nais ihayag, katulad na lamang ng pagsayaw. Ang mga katutubong sayaw sa Pilipinas ay nakaugat sa mga komunidad na lumikha at patuloy na nagpapanatili sa mga ito. Sumasalamin ang mga ito sa kultura, kasaysayan, pagkakakilanlan, at sa pamamaraan ng pamumuhay ng mga Pilipino. Dahil sa malawak na pagkakaiba-iba ng kultura sa bansa, hindi natukoy ang eksaktong bilang ng mga sayaw na umusbong sa iba’t ibang bahagi nito. Bawat rehiyon, lalawigan, at maging tribo ay may natatanging galaw na sumasalamin sa kanilang kultura. Ang iba naman ay naimpluwensyahan ng kulturang dayuhan, inangkop at niyakap ng ibang mga komunidad. Ngunit ano nga ba ang mga kuwento na nakatago sa likod ng bawat pagsayaw?

 

Binting ‘di magpapaipit

Ang tikling (Gallirallus striatus) ay isang uri ng ibon na karaniwang makikita sa makakapal na damuhan at mga taniman ng mga magsasaka. Upang maprotektahan ang kanilang mga pananim, naglagay ang mga magsasaka ng mga bitag na kawayan. Ngunit walang bisa ito dahil sa mabilis na pag-iwas ng mga tikling. Nang makita ng mga magsasaka ang kanilang kakaibang galaw, ginaya nila ang mga ito. Dito inuugnay ang pagsilang ng Tinikling sa Leyte, na naipasa sa mga sumunod na henerasyon. 

 

Ngunit sa kabila ng nakatutuwang kuwento na ito, may isa pang kuwento tungkol sa pinagmulan ng Tinikling. May kuwentong nagsasalaysay na sapilitang pinagtrabaho ng mga Kastila ang mga Pilipino sa mga plantasyon. Kung sino man ang tumangging gawin ang trabaho ay paparusahan gamit ang dalawang tungkod ng kawayan para ipitin ang kanilang mga paa. Upang maiwasan ang pag-ipit, ginaya nila ang mabilis na galaw ng mga tikling. Hindi lamang bilis at pag-iwas ang tinuturo ng sayaw na ito, kundi ang kakayahang sumabay sa ritmo ng buhay nang hindi naiipit.

 

Ligawan ng panyo at pamaypay

Matagal nang nakaugat ang panliligaw sa kultura ng mga Pilipino. Sa paglipas ng panahon, nahubog ito ng iba’t ibang impluwensya, kabilang na ang kulturang Kastila na nag-iwan ng bakas sa paraan ng pakikitungo, pananamit, at pagpapahayag ng pag-ibig. Sa panliligaw, hindi lamang salita ang nagsisilbing patunay ng damdamin; mahalagang patunayan ng manliligaw ang kaniyang katapatan at panindigan ang responsibilidad na magtaguyod sa kaniyang nililigawan. 

 

Ang Cariñosa, na nangangahulugang “mapagmahal” sa Espanyol, ay isang sayaw na malinaw na umiikot sa tema ng panliligaw. Nagpapalitan ang lalaki at babae ng kilos gamit ang kanilang panyo at pamaypay. Ito rin ay may mga hakbang na tila mapang-akit na nakaugnay sa kultura ng Kastila, pero pinapanatili pa rin nito ang mapaglaro, mahinhin, at magalang na kilos ng isang dalagang Pilipina.

 

Sa bawat paglapit at pag-iwas, tila nakabuo ang sayaw ng isang pag-uusap na hindi kailangan ng anumang salita. Sapagkat sa Cariñosa, ang pag-ibig ay hindi nagmamadali—ito ay nakikinig, naghihintay, at nagtitiyaga.

 

Indak ng payapang alon

Ang galaw ng alon at hangin ay banayad at malumanay. Tulad ng mga galaw na ito, ang Pangalay ay may mabagal at tuloy-tuloy na galaw ng mga kamay, braso, at katawan. Ang sayaw na ito ay malalim na nakaugat sa kulturang Tausug at iba pang pamayanang Muslim sa Sulu.

 

Madalas itong ginagamitan ng janggay, mga metal na kuko na isinusuot sa mga daliri upang mas bigyang-diin ang malumanay na galaw ng mga daliri at kamay. Sa bawat galaw, mas naipapakita ang kagandahan, biyaya, at dangal na matagal nang bahagi ng kulturang pinamgmulan nito.

 

Ipinapakita sa Pangalay na ang marahang galaw ay may natatanging kapangyarihang nagpapaalala na sa gitna ng mabilis at nakakapagod na mundo, mabuting huminga, makinig sa ritmo, at sumabay lang sa agos nito.

 

Hiyang tinatago sa payong

Bukas, sara, at ikot—ang mga paggalaw na ito sa payong ang nakabibighaning bahagi ang sayaw. Ngunit hindi lamang sa mga makukulay na payong umiikot ang kuwento ng Sayaw sa Payong. Inuugnay din ito sa mga relasyong nabubuo natin. Tulad ng Cariñosa, ang galaw na ito ay magaan, elegante, at mapaglaro. Sa bawat pagbukas ng payong ay tila may espasyong nabubuo para sa dalawang taong naglalapit at kapag nagsasara naman tila pinapakita ang pagbabalik ng hiya at distansya sa isa’t-isa.

 

Sa ilalim ng payong, hindi lamang sa ulan at araw nakahahanap ng silong ang mga mananayaw. Mayroon ding silong para sa pagkakaibigan, ligawan, at sama-samang pagdiriwang. Sapagkat, kung minsan, hindi kailangang maging marangya ang isang bagay upang maging bahagi ng isang kuwentong Pilipino.

 

Sa bawat pag-iwas sa Tinikling, paglapit at paglayo sa Cariñosa, marahang paggalaw sa Pangalay, at pag-ikot ng mga payong, may kuwentong patuloy na isinasalaysay. Mga pamana itong sumasalamin sa kultura, paniniwala, karanasan, at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino. Sa panahong sumisibol ang mga bagong sayaw, ang kultura ay hindi lamang dapat alalahanin, kundi dapat patuloy na isabuhay. Hangga’t may nagnanais na patuloy na humahakbang at may pusong sumasabay sa ritmo, mananatiling buhay ang mga kuwentong nakatago sa bawat pagsayaw.