Matagal nang isinasabuhay ng mga magsasaka at komunidad ng Guesang, Sagada ang likas-kayang pagsasaka sa pamamagitan ng salitang inayan. Ngunit higit pa sa isang salita, ito ay gabay sa pag-uugali na tumatatak sa bawat gawain ng mga miyembro ng Guesang Farmers Organization Incorporated (GFOI).
Tuwing Linggo, nagsasagawa ang GFOI ng cleanup activities kasama ang mga kabataan sa komunidad bilang bahagi ng patuloy na pagtuturo sa mga bata na huwag magkalat sa kanilang kapaligiran. Bukod dito, mayroon din silang tree planting kung saan hindi lamang pagtatanim ang ginagawa kundi ipinagpapatuloy din ang pag-aalaga sa mga itinanim. Bagaman simpleng gawain ang mga ito, sumasalamin ang mga ito sa mas malalim na paniniwalang gumagabay sa organisasyon.
Humigit-kumulang 90 hanggang 100 na miyembro ang bumubuo sa GFOI mula nang itatag ito noong 2013, na may sariling programa sa microfinancing, food processing, at agricultural training. Sa likod ng bawat programang ito, nananatiling batayan ang inayan sa kung paano nakikitungo ang mga kasapi sa isa't isa, sa lupa, at sa kanilang komunidad.
Inayan bilang gabay sa pamumuhay
Ayon kay Shiela Patong, manager at auditor ng GFOI, ang inayan ay tumutukoy sa isang uri ng gabay o alituntunin na dapat sundin ng bawat indibidwal sa loob ng komunidad. Ito ang nagsisilbing batayan kung ano ang katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap na asal, mula sa paraan ng pakikitungo sa kapwa hanggang sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Patong, "'Yung inayan po, 'yun po ang pinakamahalaga na dapat meron sa atin. Kasi ito ‘yung nagbubuklod sa atin, kaya ito po ang nagbibigay ng peace sa bawat isa sa mga community. Siyempre, 'pag walang inayan, ay hindi natin alam, baka 'yung kalikasan nasira na, ‘yung mga tao nag-away-away na.”
Dagdag pa rito, inihalintulad ni Merly Deppas, miyembro ng board of trustees ng GFOI, ang inayan sa Sampung Utos. "Bawal po ang “bahala ka diyan.” Bawal po ang “hayaan mo na siya.” Parang sa Ten Commandments sa Bibliya, parang ganon kasi ang ibig sabihin ng inayan."
Dahil sa inayan, naging bukas din ang komunidad ng Guesang sa mga naninirahan mula sa iba't ibang etnikong grupo—may Tagalog, may Bisaya, at may mga mula pa sa Nueva Ecija—na tinatanggap bilang bahagi ng komunidad.
Para kay Soledad Toyoken, isa sa mga pinakamatatandang miyembro at board of trustees ng organisasyon, malaking dahilan ang pagkakaisang ito kung bakit napanatili nila ang GFOI nang mahigit sampung taon kumpara sa ibang katulad na organisasyon.
"Ito lang ang organisasyon na pinakamatagal, kumpara sa iba, kasi walang 'akin, akin, akin.' Para sa lahat talaga," ani Toyoken.
Sa gitna ng tradisyon at hamon
Higit sa isang paniniwala, buhay ang inayan sa pang-araw-araw na gawain ng mga magsasaka ng Guesang, mula sa pag-iikot ng pananim hanggang sa sabay-sabay na pagtatanim ng palay upang maiwasan ang peste. Isa rin sa pinahahalagahang tradisyon ang ubaya, isang araw ng pahinga kung saan ipinagbabawal ang pagpunta sa bukid, at ang pagsasagawa ng mga ritwal bago at pagkatapos ng ani.
Makikita rin ang inayan sa paggawa ng organic fertilizer at spray, na tumutulong sa pangangalaga sa lupa at mga species na umaasa rito.
Kaugnay nito ang konseptong ayyew, na tumutukoy sa hindi pagsasayang sa mga likas na yaman. "Naniniwala po kami na lahat ng nakikita natin sa kapaligiran ay biyaya ng Diyos sa atin, kaya dapat nating alagaan, kailangan nating pahalagahan, kailangan nating hindi sayangin," paliwanag ni Elvie Pasiwat, presidente ng GFOI.
Subalit sa kabila ng pagsunod sa mga nakasanayang kaugalian, may mga hamon pa rin sila sa lubos na pagsasabuhay ng inayan.
Isinaad ni Patong na “kahit gusto natin mag-practice ng 100% organic hindi puwede… kaya kailangang gumamit din ng mga commercial [products]. Kaya sa ngayon, may GAP po… ‘yung good agricultural practice.”
Pagpapanatili ng tradisyon
Sa halip na pagsasalita lamang, isinasama ng GFOI ang mga kabataan sa aktuwal na mga gawain at pagsasanay ng organisasyon, tulad ng mga training na inaalok ng Department of Agriculture (DA).
Dagdag pa rito, malaking papel din ang ginagampanan ng pagkukuwento ng mga nakatatanda sa kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan. “Sometimes we do it by telling stories,” saad ni Toyoken. Ito ay tumutukoy sa mga alamat mula sa nakatatanda tungkol sa kalikasan at mga hayop na nagtuturo ng mga aral tulad ng pag-iwas sa kasakiman at pagtulong sa kapwa.
Kasabay ng mga tradisyong ito ang Indigenous Peoples Education sa mga paaralan, kung saan ikinukuwento rin mismo ng mga kabataan ang mga alamat na ipinasa sa kanila ng mga nakatatanda.
Gayunpaman, kinikilala pa rin nila na hindi madali ang pagpapanatili ng kanilang tradisyon at kultura, lalo na sa kasagsagan ng paggamit ng social media. "Kahit na palaging binabanggit po ng mga elders namin ‘yung traditional or culture practice… mas malakas pa rin ang social media, kaya nadi-distract ‘yung concentration ng mga younger generation," paliwanag ni Madegyen Badongen, marketing officer ng GFOI.
Isa pang hamon ang dokumentasyon ng mga kuwento at alamat, dahil umaasa pa rin ito sa memorya ng mga nakatatanda at hindi pormal na nakasulat. Sa kabila nito, patuloy na hinihikayat ng GFOI ang mga kabataan na maging bahagi ng pagpapatuloy ng tradisyon.
"Dapat nandito pa [rin] palagi tayo para sa kanilang magandang kinabukasan," ani Deppas, isang pahayag na nagpapakita kung gaano kalaki ang pananagutang ipinauubaya ngayon sa susunod na henerasyon sa loob at labas man ng Guesang.
Sa Guesang, hindi lang isang salita ang inayan. Ito ang dahilan kung bakit buhay pa rin ang lupa at patuloy na kumikita ang mga pamilya matapos ang mahigit sampung taon. Ngunit ang tanong ngayon ay hindi na lang kung paano ito mapapanatili, kundi kung sino ang magpapatuloy nito.
Hindi lamang sa Guesang dapat manatiling buhay ang inayan. Hindi sapat na kilalanin lamang natin ang ganitong paniniwala. Bagkus, kailangang isabuhay ito ng bawat Pilipino, sapagkat ang pangangalaga sa kapwa at kalikasan ay hindi dapat nagtatapos sa iisang pamayanan.
