Ang Campus Press Freedom ay hindi lamang tungkol sa karapatang tinatamasa ng mga mamamahayag pangkampus, kundi pati na rin sa mga pananagutang kaakibat ng kalayaang ito.
Ang pagbabahagi ng opinyon at impormasyon nang walang panghihimasok ay kinikilalang karapatan ng bawat tao sa ilalim ng Artikulo 19 ng Universal Declaration of Human Rights. Ngunit ang bawat karapatan ay dapat isakatuparan nang may pananagutan. Gayon din ang Campus Journalism Act of 1991 (Republic Act No. 7079), na nagsusulong ng pag-unlad ng campus journalism upang mahubog ang mapanuri, etikal, at responsableng kabataang mamamahayag. Bilang mga kabataang mamamahayag, marapat na gamitin ang kalayaang na ito nang may integridad, propesyonalismo, at higit sa lahat, paggalang sa karapatan ng iba.
Pagpapahayag ng katotohanan
Ang karapatang maghayag ng balita, opinyon, at impormasyong pang-interes, ay may kaakibat na responsibilidad upang tiyakin na ang bawat impormasyong inilalathala ay dapat na tumpak at beripikado. Marapat itong dumaan sa masusing pananaliksik upang siguraduhing ito ay mapagkakatiwalaan at napapanahon. Ang hindi pagsunod dito ay maaaring magdulot ng kalituhan, maling paghusga, at pagkawala ng tiwala ng mambabasa sa publikasyon.
Hindi nagtatapos sa paghahatid ng impormasyon ang trabaho ng mga mamamahayag. Mahalaga ring sila ay maging maingat at mapanuri dahil hindi lahat ng impormasyong nakikita sa internet ay totoo at beripikado. Sa panahon ng social media, kung saan mas mabilis kumalat ang impormasyon, ang papel ng mga mamamahayag ay nagiging mas mahalaga, dahil sila ang pinagkakatiwalaan at inaasahan ng taong-bayan. Sa pagsasagawa ng fact-checking, naiiwasan ang pagkalat ng misinformation at disinformation na maaaring magdulot ng kalituhan sa komunidad.
Etika sa pamamahayag
Ang bawat tao ay may obligasyong igalang ang karapatan at dignidad ng iba. Kahit sa pagsulat ng editoryal at kolum na may karapatang makapagpahayag ng pananaw ay may hangganan. Sapagkat ang opinyon ay dapat may sapat na batayan upang maiwasan ang libelo, paninirang-puri, at maling pagpaparatang. Ang layunin ng journalism ay ang magbigay-liwanag sa mga isyung mahalagang malaman ng lipunan at hindi ang makasira ng reputasyon ng iba.
Responsibilidad din ng bawat mamamahayag ang paglikha ng orihinal na nilalaman. Ang paghayag ng impormasyon ay ginagamitan ng malikhain at kritikal na pag-iisip upang maiwasan ang plagiarism o paggamit ng impormasyon ng iba nang walang paalam. Marapat na igalang ang gawa ng iba sa pamamagitan ng pagkilala at pagbanggit ng akda ng pinagkunang impormasyon, larawan, o iba pang materyal ng midya.
Higit sa lahat, dapat gamitin ang karapatang makapagpahayag nang malaya na buong tapat, patas, at may pananagutan. Ang integridad ng publikasyon ay marapat na pangalagaan dahil ito rin ay isang institusyong nagsisilbi sa kapakanan ng komunidad ng paaralan. Mahalagang mapanatili ng mga kabataang mamamahayag ang pagiging independiyente at mapanagot upang epektibo nilang magampanan ang kanilang tungkulin bilang tinig ng kapwa nilang mag-aaral.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pamantayan ng katotohanan at integridad, nagiging mas makabuluhan ang papel ng kabataang mamamahayag bilang malayang tagapaghatid ng impormasyon, tagapangalaga ng katotohanan, at katuwang sa paghubog ng isang lipunang may sapat na kaalaman at malasakit sa bansa.
