Inilatag Ni Claire Chua
Inilatag Ni Claire Chua .

Mga Kuwento sa Likod ng Bahaghari


Ano ang tunay na kahulugan ng pagiging malaya? Ito ang mga kuwentong hindi laging naririnig at mga tinig na matagal nang naghahangad na mapakinggan. Sa pagdiriwang ng Pride Month noong Hunyo, ating bigyang-tuon ang mga tinig, karanasan, at laban ng pamayanang LGBTQIA+ bilang pagpupugay sa kanilang katapangan at pagiging totoo sa sarili.


By Kate Solinap, and Azlene Maglente | Thursday, 9 July 2026

Ang bahaghari ay hindi lilitaw kung walang ulan.

 

Ang makulay na representasyon ng LGBTQIA+ ay nagniningning sa bawat pagpatak ng ulan—puno ng saya, pagpapahayag, at pakikibaka sa gitna ng bawat pagsubok. Ang pagdiriwang ng Pride Month ay isang malaking hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas inklusibong komunidad sa Pilipinas. Dahil sa katapangan ng bawat miyembro at mga taong sumusuporta sa kanilang laban, mas malaya nang naipapahayag ng mga tao ang kanilang tunay na sarili—walang takot at walang pag-aalinlangan para sa mas makulay na kinabukasan.

 

Pagbuo ng bahaghari

Ang bawat kulay ng bahaghari ay binubuo ng mga kuwentong humubog sa pagkatao ng bawat miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+. Para kay Aldrin Chua, isang Gen Z at estudyante sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB), ang salitang Pride ay tungkol sa authenticity. 

Mahalaga para sa kaniya ang pagiging tapat sa sarili sa malayang pagpapahayag ng identidad ng isang tao. 

 

Samantala, inilarawan naman ni Juliana Antonia Mariano, isa ring Gen Z at estudyante sa DLS-CSB, bilang isang “butterfly” na malayang lumilipad sa agos ng buhay, hinahayaan niya ang daloy ng hangin kung saan siya tangayin upang madiskubre niya ang kaniyang sarili sa kabila ng mga inaasahan sa kaniya ng lipunan. 

 

Para naman kay Ms. Dayanara Cudal, isang millennial at namumuno ng Student Publications Unit (SPU) sa DLS-CSB, ang pagiging miyembro ng LGBTQIA+ ay ang pagkakaroon ng unapologetic na pamumuhay. Dahil sa bigat na kanilang pasan bilang isang miyembro ng komunidad, naniniwala siyang mapoprotektahan nila ang kanilang sarili at identidad sa pamamagitan ng paninindigan sa kanilang paniniwala at pagkatao.

Iba-iba man ang kanilang pinagdaanan at pinagmulan, iisa pa rin ang kanilang mensahe: ang Pride Month ay higit pa sa isang selebrasyon. 

 

So ang Pride Month, hindi lang siya month to be loud and proud, it’s also a month for love, visibility, and where we build a community or a society where we reconstruct social constructs that were built upon us,” pagbabahagi ni Chua. 

 

Para sa kaniya, ang selebrasyon na ito ay isang pagkakataon para ipaglaban ang kahalagahan ng bawat kasarian, seksuwalidad, at respeto na hindi nakabatay sa kung sino ka man. Binigyang importansya naman ni Mariano ang Pride bilang isang protesta. Ang laban ay nagsimula sa katapangan ng mga naunang henerasyon ng LGBTQIA+ na nakipagsapalaran sa lansangan para  sa kanilang karapatan. 

 

Para naman kay Jomz Apostol, isang Generation X at Operations Manager, ang Pride ay pagiging tapat sa sarili, pagkakaroon ng layunin, at pagtulong sa kapwa. Aniya, ang Pride Month ay isang pandaigdigang selebrasyon na kumikilala hindi lamang sa mga hamon ng komunidad, kundi maging sa kanilang mga tagumpay at ambag sa lipunan. Samantala, para kay Ms. Cudal, ang selebrasyong ito ay maaaring isagawa sa kahit anumang panahon dahil patuloy pa rin itong ipinaglalaban ng bawat henerasyon araw-araw. Bilang isang millennial, nagbago ang kahulugan ng Pride para sa kaniya, mula sa malayang pagpapahayag ng sarili noong kaniyang kabataan, mas nakikita niya ngayon ang Pride bilang patuloy na adbokasiya para sa mga konkretong karapatan. Kabilang dito ang accessible healthcare, legal na pagkilala sa mga partnership, at pangkalahatang pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat miyembro ng LGBTQIA+. Ang diwa ng Pride ay nagsisimula sa pagyakap sa sariling pagkatao na nagbibigay-daan sa mas inklusibo at makatarungang lipunan.

 

Kulay ng bawat henerasyon

Magkakalayo man ang agwat ng bawat henerasyon, para sa miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+, iisa ang kanilang hangarin—ang malayang pagpapahayag at pagmamahal. 

 

Ayon kay Chua, ang laban ng mas naunang henerasyon at sa mga bagong henerasyon ngayon ay pareho lamang: ang pagkamit ng respeto at dignidad. Ngunit kaniyang binigyang-diin na mas kaunti ang espasyong mayroon ang mga naunang henerasyon upang malayang ipahayag ang kanilang sarili. Kaya naman, ang proseso ng paglantad ay hindi dapat minamadali dahil, anuman ang henerasyon, ang bawat miyembro ay may karapatang magdesisyon para sa kanilang sarili nang hindi pinapatunayan ang kanilang pagkatao. 

 

Para naman kay Apostol, ang agwat ng henerasyon ay hindi hadlang kung ang bawat isa ay tapat at may mabuting layunin. Aniya, ang pagiging totoo sa sarili at ang paggalang sa kapwa ang susi para mas matanggap at mabawasan ang diskriminasyon na nararanasan ng kanilang komunidad. 

 

“Sa lahat ng mga LGBTQIA+ member natin, I need to let them know na they have to be true to themselves. Kung ano po tayo, embrace lang natin who we are. And, with that I think that is also Pride,” dagdag ni Apostol.

 

Mas malaya na ang representasyon ng LGBTQIA+ sa kasalukuyan, ngunit nananatili pa ring hindi ganap ang kalayaan. “Hanggang may naaabuso pang mga parte ng LGBTQIA+, hangga’t hindi pa napapasa ang [SOGIE Equality Bill] na isa sa makakatulong sa mga parte ng LGBTQIA+, and ‘yung mga generation before may pinaglalaban sila pero ibang lalim ‘yung ngayon sa lalim before,” saad ni Mariano. Dagdag pa niya, mahalaga na kilalanin ang lawak ng iba’t ibang gender identities at sexualities sa halip na ikahon ang komunidad sa limitadong identidad lamang. 

 

Para naman kay Ms. Cudal, nagbabago ang pananaw at ipinaglalaban ng bawat henerasyon sa paglipas ng panahon. Binigyang-diin niya ang mga adhikaing nais niyang makamit mula sa pagkakaroon ng pantay na karapatang makapag-asawa, makabuo ng pamilya, at magkaroon ng legal na pagkilala sa lipunan. Bagama’t nakikita niyang mas bukas ang loob at isipan ng lipunan ngayon, naniniwala siyang malayo pa ang Pilipinas sa ganap na kalayaan na tinatamasa ng ilang bansa. Ang respeto ay hindi nakabatay sa henerasyon, kundi sa buong pagkatao ng isang tao. Ang iba’t ibang paraan ng kanilang pakikipaglaban ay bumubuo sa bahagharing nagbibigay-lakas sa mga susunod na henerasyon.

 

Daluyong sa gitna ng bahaghari

Saksi man ang katapangan ng bawat miyembro ng komunidad nito, sila ay nakararanas ng diskriminasyon at suliranin na nagpapababa ng kanilang pagtingin sa sarili. Bagaman mas inklusibo na ang mundong ginagalawan, hindi pa rin maiiwasan ang mapanghusgang lipunan. 

 

Inilarawan ni Chua na ang pagiging androgynous ang naging mabigat na hamon para sa kaniya sapagkat minsan ay lumalabas na lang ang feminine o masculine features niya o hindi kaya’y pareho itong nangyayari sa magkasabay na panahon. Sa diskriminasyong kaniyang naranasan ay natuto raw siyang maging matatag sa kabila ng tinatamasa niyang batikos na nakatulong sa kaniyang pagsulong. 

 

Ayon naman kay Mariano, ang hindi pagiging isandaang porsiyentong malaya ang rason kung bakit hanggang ngayon ay may inaabuso pa rin, at hanggang hindi pa lahat ay may karapatang magsalita, mananatili pa rin ang bawat miyembro na maranasan ito. Para kay Ms. Cudal, ang sistematikong paniniwala at kultural na ugat ang rason kung bakit talamak pa rin ang maling pananaw ukol sa Pride. 

 

“Compared to heterosexual individuals, we are not given the same legal rights, access to opportunities, and culturally, mayroon pa ring misconceptions about who we are, and our intentions,” ani Ms. Cudal. 

 

At tulad din ng madalas maranasan ng karamihan, ang hindi pagtingin ng pantay ang lumulusob sa kanilang takot na ang henerasyon ngayon ay hindi pa nabibigyan ng sapat na kaalaman tungkol sa dimensyon ng Pride. Sa panayam naman kay Apostol, sinabi rin niyang may mga tao pa rin daw na hindi maintindihan ang adbokasiya ng mga miyembro na patuloy pa ring nagpro-protesta sa kanilang karapatan.

 

Hindi ito simbolo ng kahinaan sapagkat ang bawat saloobin ay may malalim na rason kung bakit ito patuloy na nangyayari sa komunidad.

 

Pagninilay ng sariling bahaghari

Sa bawat daluyong sa sumusubok sa tatag ng bahaghari, mayroong sariling pamamaraan upang mas lalo nilang yakapin ang kanilang identidad. Maipapakita rin dito kung paano sila nakabuo ng sarili nilang ligtas na espasyong gawa sa inklusibong mga lente ng bawat kaisa rito, kabilang ang kanilang mga tradisyon at kadakilaan, at kung paano nito mahihikayat ang bawat Pilipinong kasapi sa LGBTQIA+ na magpahayag ng kanilang nais isatinig. Kanilang inilarawan ang epekto ng midya sa kanilang pagdadala sa sarili at kung paano ito nakatutulong sa paglikha ng kanilang pakiwari sa komunidad na kanilang kinabibilangan.

 

Ayon kay Chua, mas lalo pang naging malawak, kakaiba, at mas makatao ang komunidad ng LGBTQIA+ sa midya ngayon. Kaniya ring ibinahagi ang ilan sa kaniyang role models na sina Esnyr, Sophie Prime, Mimiyuuuh, at Vice Ganda, na nagtulak sa kaniya upang mas ipahayag ang kaniyang sarili. Para naman kay Mariano, gumagaan daw ang kaniyang pakiramdam dahil nakikita niya ang patuloy na pag-unlad sa kaniyang komunidad. Dagdag pa niya nagkaroon daw nang mas matibay at mas nagkakaisang puwersa ang LGBTQIA+ tuwing selebrasyon ng Pride.

Habang para kay Ms. Cudal, naniniwala siya na nagsisimula ang pag-unawa depende sa midya na kumukunsumo sa komunidad nito. Aniya, may mga palabas din daw kasi na hindi maitatago ang underlying homophobic o transphobic tones na ngayon ay nagbabago kung bibigyan ito ng mapanuring pag-iisip. Inilahad naman ni Apostol na siya raw ay humahanga sa mga napapanood niya sa midya ngunit hindi ito darating sa puntong i-idolize niya ang mga ito. 

 

Dahil sa umiigting na pagkalap ng mga maling salaysay sa social media ukol sa Pride, labis ang pangangailangan ng mapagkakatiwalaang sanggunian upang mas mahubog ang ating pagkakaunawa rito. Sa patuloy na pagbabago ng panahon, hindi lamang sa pisikal na anyo nila naipapahayag ang kanilang sarili, kundi maging sa mga ekspresyon na unti-unti na ring tinatanggap ng karamihan. Samakatuwid, hindi ito basta-basta istilo ng pananamit o simpleng pagkukulay ng buhok dahil ito ang kanilang anyo ng pagpapahalaga sa sarili sa makabagong panahon.

 

Gayunpaman, hindi lamang sa ganitong paraan naipapakita ang isang kasarian—hindi ito isang kahon na dapat limitado lamang sa mga kasarian na umusbong matagal na panahon na ang nakalipas. Sa pamamagitan nito, nais maisakatuparan ng mga kasapi ng LGBTQIA+ ang kanilang prinsipyo lingid sa kultura na kanilang kinagisnan.

 

Kinabukasan ng bahaghari

Sa huling pahayag ni Chua, ibinahagi niya na gusto niyang ipakita sa komunidad ang tunay na sarili, na irespeto at matrato siya bilang tao rin. Mabilis man ang paggalaw ng oras, kahalagahan pa rin ang pagpapakita ng moral sa bawat isa. Saad ni Mariano sa kaniyang huling pahayag, “Pride is a protest, bakla, ang lugar mo [ay] sa pakikibaka.” Sa pagdilat ng mata sa reyalidad ang magbibigay ng lalim upang mas mabawasan ang diskriminasyon. Ang pagkilala sa paraan ng pamumuhay ng mga kasapi ay dapat ding unapologetic, habilin ni Ms. Cudal. Sa ganitong paraan, mayroong karapatan ang bawat isa na maging malaya at lumipad sa saliw ng mapanuyang mga ritmo. Gaya na rin ng sinabi ni Apostol sa kaniyang huling mensahe, na yakapin sa sariling pagkakakilanlan ang taglay ng bawat isa. Binigyang-diin din ni Ms. Cudal na ang “Pride Month is a reminder na ‘di pa tapos ’yong laban. Sure, we’ve come so far, but there's still so much to be done.”

Sa kabuuan, itinatampok na ang bawat bahagi ng komunidad ay bumubuo ng sarili nilang hakbang tungo sa likod ng bahaghari, at ang kanilang kuwento ay sumasalamin hindi lamang sa repleksyon ng LGBTQIA+ bilang panibagong pag-asa, kundi isa ring boses na lumalakas sa paglipas ng panahon. Ang pagtanggap ay isang proseso, at ang tapang ang gatong nito, na siyang sumiklab dahil sa pinagsama-samang hangarin—ang tumindig nang may kadakilaan.

 

Sa huli, ang bawat kuwento ay may kaakibat na liwanag sa gitna ng madilim na pagsubok. Ngunit ang sarili lamang ang may kakayahan upang mapagtagumpayan nitong wakasan ang makalumang perspektibo, at ipahiwatig na ang mundo ay inklusibo.

Last updated: Thursday, 9 July 2026